“Paskong Walang Katulad”

 

Ilang araw na lang at magpapa-Pasko na. Pero ang tanong – dama mo ba ‘to? O mas dama mo ang pananakit ng buto’t kalamnan mo? Paninikip ng ‘yong dibdib? Pamumugto ng iyong mga mata?

Dahil hindi lang minsan kundi kadalasan, nakakapagod nang mapagod.

‘Yung parang wala ka nang ginawang tama. Lahat na lang mali. Kahit saang anggulo mo tingnan, ang gulo. Hindi mo na alam kung saan mo hahagilapin ang pasensiya mo. Pakiramdam mo tuluyan na ‘tong nag alsa-balutan palayo sa poder mo. Masyado ka pang stranded sa mga nakabinbing gawain  kaya hindi mo ‘to mahabol-habol para awatin at magsumamo na manatili sa buhay mo dahil kailangan mo ‘to.

“Oo, kailangan nating magpasensiya. Mahaba-habang listahan ng pasensiya. Dahil kung hindi natin ‘to kakailanganin, mas lalo lang tayo panghihinaan ng loob.”

Pero dapat nga ba tayong panghinaan ng loob dahil  sa tayo ay pagod?

“Hindi.”

Kailangan nating kumayod dahil kung hindi paano natin bubuhayin ang ating mga sarili? Hindi habang panahon ay iaasa natin sa iba ang mga buhay natin.

“Walang magpapakamatay para sa ‘yo, sarili mo lang…” ‘Nakalulungkot isipin, pero ‘yan ang totoo. Kahit ang asong figurine sa harapan ng Taxi sa aki’y tumatango.

Kaya hindi  ka dapat mapagod.  Higit sa lahat, huwag kang kumapit sa patalim; bagkus, kumapit ka sa panalangin. Tandaan mo, hangga’ t may hininga, may pag-asa. Hangga’t umiikot ang mundo, walang dahilan para manatili ka sa kinasasadlakan mo.

Laging may magbabago. Ang panahon. Ang iyong desisyon. Ang iyong pananaw sa buhay. Bakit nga ba? Dahil iba-iba tayo. Walang ni isa sa atin ang magkatulad. Hindi puwedeng pagkumparahin o paghambingin.

“Parang snowflake – may angking ganda na sadyang kanya lamang. Walang katulad.”

“Parang buhay mo at buhay ko.

Kapit-kamay. Hinding-hindi maghihiwalay.

Sa lumbay man o sa ligaya.

Laging naroroon para sa isa’t isa.”

“Paskong walang katulad.” Iyan ang munting hiling ng puso ko – para sa akin, para sa ‘yo, para sa mga mahal ko at nagmamahal sa akin.

Ano ba’ng klase ng Pasko ang walang katulad?

“Simple lang.” Dahil kung ano ang simple, ‘yun palagi sa ‘yo ang magpapangiti. ‘Yung simpleng ganda, ‘yun din sa ‘yo ang magpapasaya. Para sa akin k’se, mas dama mo ang kagandahan ng buhay sa mga simpleng bagay. ‘Yung walang masyadong kolorete. Walang makapal na make-up, pulbos lang. Maong na kupas, white tee, at lumang Chuck taylor Converse, ayos na – buo na ang araw mo.

At dahil magpapasko na, nakahanda na rin ang listahan ng iyong mga inaasam-asam, o listahan ng iyong mga reregalohan o pasasalamatan. Hindi naman kailangang bonggang-bonnga ang iyong regalo. Minsan nga presensiya mo lang, sapat na. Makapiling mo lang mga mahal mo sa buhay, kumpleto na ang Pasko mo.

Image via Pixabay

Importante, hindi ka nagpapaka-importante sa mundong ‘to. Marunong kang tumingin sa pinanggalingan mo. Marunong kang makisama. Hindi ‘yung ang taas ng tingin mo sa sarili mo, wala ka namang kaibigan. Maraming laman ang bulsa mo,  hindi mo naman kayang maglabas kahit baryang piso.

Tingnan mo kami sa aming Christmas Photoshoot Contest, mga mukhang masaya, ‘di ba? ‘Yung sa mga sandaling ‘yun, kinalimutan muna namin lahat ng aming mga problema. Nagkaisa kami sa gusto naming ma-achieve. At lahat ng pagod ay sulit, k’se Grand Prize aming nakamit! 🙂

Pagpapasensiya.

Pagsasakripisyo.

Pag-aalay sa dakilang may likha.

Kung puno nito ang puso mo, walang dahilan para hindi maging masaya ang iyong Pasko.

“Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon” mahal kong mga ka-DF!

Kahit nakakapagod minsan ang buhay, nawa’y pahabain pa rin natin ang ating pasensiya at piliin ang hindi sumuko – aginaldo natin para sa ating mga sarili, bigyang puwang lagi ang ngiti! 🙂

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/. https://www.facebook.com/indayluwag/. IG:indayluwag420