Paskong Paksiw

Malapit na naman ang Pasko. Isa ito sa mga pinaka-abalang okasyon na ginugunita nating mga Pilipino. Taun-taon na lang matindi ang traffic, punong puno at siksikan sa mga malls maging sa mga tiangge dahil sa mga namimili dito. Mahalaga ang okasyong ito para sa atin. Bilang isang lahi na malapit at pinahahalagahan ang pagkakabuklod-buklod ng pamilya, dito natin naipapakita ang ating pagmamahal, pagmamalasakit, at pagbibigay halaga sa bawat isa. Pero ngayong Paskong ito, mukhang marami din sa mga Pilipino ang hindi nakangiti, sing-asim ng paksiw ang mukha.

Malapit na naman ang Pasko. Todo kayod ang mga Pinoy dito at maging sa ibang bansa. Napakaraming umaasa na sa pagdating ng Pasko ay mayroon man lang silang maiabot sa kanilang mga inaanak, na sa isang taon ay makapagbigay sila ng saya. Ngunit mukhang hindi lahat ng Pilipino ay nabibigyan ng ganitong pagkakataon. Maasim na naman ang kapalaran sa paghahanapbuhay, wala na namang trabaho, wala na namang kita. Maghapon na namang uupo at maghihintay ng oras ng pagkain, ng oras ng pagtulog. At dahil paulit ulit lang ang kaniyang ginagawa sa araw-araw, paulit ulit lang din ang nangyayari sa kaniyang buhay – Walang Pagbabago, Maasim pa rin.

Malapit na naman ang Pasko. Hindi ko maintindihan na kung bakit kung kailan patapos na ang taon, kung kailan magpapasko, ay dun pa nag-away away ang mga tao. Masyadong magulo. Nagbabangayan na naman ang mga kongresista, ang Presidente at ang Punong Mahistrado. Para bang mga bata na may pinagaagawan na laruan. Hindi ko alam kung ano ang hinahabol nila na deadline, at sa pagkakaalam ko wala din namang finish line sa dulo, na kapag natapos ay wala din namang tunay na mananalo. Sa sobrang pagbabangayan ng mga “edukadong” taong ito, pati ang kinabukasan ng Pilipinas ay unti unting nalulunod sa suka. Dati ng maasim, lalo pang umasim at mukhang hanggang sa susunod na mga taon ay patuloy na magiging maasim.

Malapit na naman ang Pasko. Sana naman magtulungan na tayo… Sana naman iwasan muna natin ang gulo… Sana naman maging mas maayos… Ayoko muna ng Paskong Paksiw…

About khristiansan.ph