PASKO: Pag-ibig at Pag-asa

(Isang Pamilya Tayo sa Magic na Dulot ng Pasko)

Pasko na! Ilabas na ang pang Noche Buena; ibagsak ang kawayan sa tambol; hipan ang trumpetang umaalingawngaw sa liwanag ng Simbang Gabi; langkay-langkay na sundan ang yapak ng mga tao papunta sa Simbahan; isabit ang parol sa mga nangungutitap na ilaw na dulot ng belen; ipadama sa pamilya ang samyo ng hanging – eto na, Paskong Pinoy sasapit na.

Liliwanag na muli ang aandap-andap na gasera ng mga kababayan natin sa malayong lugar sa kanayunan; mga sundalong nakikibaka ay muling mararanasan ang Paskong malayo sa mahal sa buhay; mga duktor at nars na mananatili sa hospital para alagaan ang mga pasyenteng maysakit na nakaratay sa iba’t ibang karamdaman; mga seamen at OFW na tanging larawan lamang ang mahahagkan dahil sa malayo sa mga kapamilya at kapiling; mga guro na sa bundok namamalagi para turuan ang mga batang katutubo at iba pang malalayo sa kapatagan; mga pulis, bumbero at iba pang sangay na kinakailangang nakabantay sa kani-kanilang tungkulin; mga preso na sa rehas ang tanging Pasko ay kumapit sa pag-asa ng rehas; at iba pang mga kababayan nating luha at ala-ala ang gugunitain sa pagsapit ng araw ng pagsilang ni Hesus sa sabsaban.

Iba-iba ang kuwentong Paskong Pinoy – may masaya; may masakit at may ok lang basta mairaos. Pero mas mahirap ang Paskong hindi mo kasama ang mahal mo sa buhay; malayo para hagkan at mayakap sa pagdating araw.

Iba ang dulot ng Pasko – magical. Yung tipong kahit anong lungkot mo, sasaya ka; kahit anong siphayo ay mangingiti na lamang; kahit na pagtangis at luha ang naranasan sa buong taon – ba pa rin pag sumapit ang araw na ito. Nakaranas ang Pilipinas ng isang pagbabago, pagbabagong nagging dahilan din ng pagtangis ng mga taong nawalan, mga dapat na kapiling pa ay nawala. May iba naman na pilit nilalabanan ang sakit ng pagdurusa.

Ang kakaibang pakiramdam ng Pasko ay dama ng buong mundo – mundong puno ng Pilipino; mundong puno ng ligaya at pag-asa.

Bilang OFW, mas masakit ang mawalay sa pamilya sa ganitong panahon, Tanging larawan ang yakap yakap sa tuwing maiisip na taon na rin ang lumipas ng ikaw ay huling umuwi. Nag-aalala ka na baka di ka na kilala ng anak mong iniwan nung maliit pa. Kinakabahan ka na baka pag nasilayan mo sila ay iba na ang pakikitungo dahil sa tagal na magkawalay – na tanging balikbayan box na lamang ang syang tanging makapagpapasaya sa Pasko. Salamat na rin sa social media dahil malaking bagay ito para sa aming milya ang layo sa bansa.

Kahit na malayo sa pamilya – maituturing na ring kasama at kapuso ang iba pang mga kababayang nakipagsapalaran. Mga pagtitipong lakas at katatagan ang yayakap sa mga mandaragat. Sasayaw at kakanta ng pampasko habang pumapatak ang luha pag napakinggan na ang kantang Pasko na Sinta Ko.

Kahit ano pang paraan ng pagdiriwang sa Paskong darating – iisa lang ang misyon natin: ang isabuhay at palaganapin ang pag-ibig at pag-asa; Pag-ibig – para sa bawat isa at ang Pag-asa na sanay ay maranasan ng bawat isa ang pag-unlad. Tayo ay iisang pamilyang ang nais ay isang masaganang buhay. Tayo ay iisang pamilyang ang gusto ay isang mapayapang bansa. Na kahit malungkot ay pilit itong kinukubli.

Ang pasko ay panahon ng pagmamahalan; panahon na alalalahanin na ang buhay ay dapat patuloy lang sa paggulong. Ang pasko mo ay pasko ko. Ang Pasko ng Pinas ay pasko ng mundo – dahil ang Pasko ay si Hesus, kahit ano pa mang paraan ng pag-alala – sya lang ang dahilan ng pagdiriwang.

Nawa’y matuto tayong ngumiti – sa likod ng pighati

Matuto tayong magalaw – sa likod ng lubay

Matuto tayong magalak – sa likod ng luha.

Darating ang panahong – Ang pasko ay magiging araw- araw. Paskong masagana. Paskong masaya.

Sa mga OFW, konting ngiti at tiis – ang Pasko ay darating para tayo ay yakapin ng galak, pag-asa, pag-ibig. Ang pasko ay magic na dulot ay ngiti sa pamilya.

Iisa tayo ngayong pasko – Isang pamilya tayo sa dulot na magic ng Pasko!

Maligayang Pasko sa lahat!

 

Author: Andrew S (18.12.2016: 12:15PM)