PASKO AY PAG-IBIG

Madaming mga naganap ilang araw bago ang pasko. Nandiyan ang pagbaha sa Mindanao na inanod na halos ang Pasko sa dami ng mga namatay at mga nawalan ng tahanan. Hindi ka ba makukunsensiya kapag mapanood mo ang mga luha ng mga tatay habang karga ang bangkay ng namatay na anak? Ang isang inang nakatulala, kalong-kalong ang walang buhay niyang anak? Ang mga taong halos panawan ng ulirat kapag nakilala ang bangkay ng isang kamag-anak? Ang mga luhaang magulang, o anak, o asawa na hanggang ngayon ay di malaman kung buhay pa ba ang mahal sa buhay? Sino ang hindi maantig at magtatanong kung tuloy pa ba ang Pasko?

 

Ngayong araw lamang, natanggap ko ang text ng isang kaibigan na pumanaw na ang kanyang Daddy.  Diyos ko, tatlong araw bago ang Pasko, bakit kailangang mangyari ito? Ang kaibigan kong ito ay bago pa lamang sa Canada at kapapasok pa lang sa trabahong ang tagal niyang hinintay. Ngunit ngayon ay kailangan niya itong iwan para ang ama niyang yumao ay kanyang mapuntahan. Oo nga at ito ay kanyang magagawa, pero anong Pasko ang madadatnan niya sa kanyang pagbabalik?

 

Ngayong gabi naman, kausap ko ang isa pang kaibigan na kasalukuyang naghihintay ng kanyang eroplano na pabalik ng Maynila mula Iloilo. Umiiyak siya sa akin sa telepono dahil ang kanyang panganay na anak ay kasalukuyang nasa isang pampublikong ospital at naghihintay ng libreng kama. Hilung-hilo na ito dahil sa bumabagsak na platelets dahil sa dengue ngunit di pa rin ito natitingnan ng doktor. Nais man niyang mailipat ito sa ibang hospital ngunit wala siyang maaaring maipantustos. Nais ko mang tumulong ngunit ang bulsa ko rin ay walang kakayahan.

 

Sa kalagitnaan ng lahat ng ito…hindi ko napigilan ang sariling tumangis…di ba po at Pasko ngayon, ang panahon ng walang hanggang pag-asa at pagpapala? Nasaan na po ang Pasko?

 

Habang dumadaloy ang luha sa aking mga mata, mula sa telebisyon ay narinig ko ang isang pamilyar na awit…“Pagkat ang Diyos nati’y Diyos ng pag-ibig…” May katagalan nang hindi ko ito naririnig. “Magmahalan tayo’t magtulungan…at kung tayo’y bigo ay huwag limutin na may Diyos tayong nagmamahal”.

 

Oo nga pala…ang Diyos ay pag-ibig… siya ang tunay na diwa ng Pasko… may mga bagay na nagaganap na hindi maarok ng aking isip ngunit ang Diyos ay may dahilan sa lahat ng mga pangyayari. At dahil Siya ay pag-ibig, ang lahat ay magiging maayos ayon sa kanyang kalooban.

 

Ito ang aking patunay na ang Diyos ay nasa atin. Mula sa Facebook timeline ng isa pang kaibigan ito ang aking nabasa: ” Mark 4: 35-40. Christ said unto his disciples, be still.” Ang Panginoon na mismo ang nangusap: hayaan natin siyang gawin ang kanyang gawain. Tayo ay magtiwala.

 

Siya nga pala, bakit ko itinuturing na ito ay himala? Ang kaibigan kong sinasabi sa itaas ay hindi naniniwala sa Diyos.

 

Maligayang Pasko ng Pag-ibig sa lahat!!!

Enhanced by Zemanta

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.