Pasasalamat ng Isang Manunulat

(Photo Credit: Taranangkumanta.blogspot)
(Photo Credit: Taranangkumanta.blogspot)

Ako’y gumawa ng isang sulat pasasalamat, para sa  inyong walang sawang pagsubaybay sa aking likhang-isip.  Nais kong ipabatid mga kapuso, kapamilya  at mga kapatid  ang hatid ninyong kasiyahan sa akin ay hindi mapapatid. Dahil hanggang may matang bumabasa, kamay ko’y  titiklada upang bumuo ng samo’t saring kuwento na aking imbento.

Kaya kahit mata  ko’y gusto  nang pumikit ay pilit pa ring sumisilip sa inyong mga magagandang komento sa aking likhang-isip.

Kayo ang aking inspirasyon sa aking bagong destinasyon.  Ang aking likhang- isip ay alay sa inyo.

Isa, dalawa, tatlo; taong bumasa sa aking likha, ako ay napapangiti; dahil aking minimithi ay inyong tinupad pagbasa sa aking likha, hatid ay ngiti sa aking labi.

Dahil ang dati kong mga tula at kuwento ay muling nagkakulay, dahil sa bigay ninyong kumento, ako’y muling nagkuwento.

 Muling dumaloy letra sa  aking lapis  at muling nabuksan kuwaderno kong puno na ng alikabok.

Pumurol kong isip dahil sa problema ay muling tumalas at nagkalakas upang bigyan ng wakas ang kuwento at tula na muntik nang maibaon sa limot at yamot.

Kaya mga mambabasa, kung kayo ay may puna sa aking likha, Ako’y handang makinig  para lalong mapaganda  ang aking likha na sa inyo ay alay.

Dahil alam ko na ako ay walang aral na sapat sa panitikan; akin lamang gamit ay  talas ng kaisipan.

Kaya inyong lingkod  handang makinig, sa kumento at payo na inyong ibibigay, upang maging talentado ang sentido para masigurado ang pagsarado sa tula at kuwento.

Ipagpapasalamat ko nang taos puso  inyong payo. Dahil ang inyong payo ay siguradong pasok at aking isusuksok sa aking sentido.

Muli ako ay nagpasalamat sa mga mambabasa at tagasubaybay, dahil kayo ang aking gabay tungo sa aking tagumpay.

Kaya ako ay hindi magsasawa, upang kayo ay handugan ng kasiyahan at libangan, para panandaliang makalimutan problema at alalahanin.

Mas lalo kong hahasahin isip at talino, pagkaing masustansiya akin nang kakainin. Upang maging sapat ang lapat ng aking mga  tula at kuwento upang makapagbigay-aral at makapangaral sa kapwa Pilipino.

Hindi ko man kayo mapasalamatan isa-isa; sana’y inyong maramdaman, sa patuloy kong paggawa ng kuwento at tula ay isang tanda ng munti kong pagpapasalamat para sa inyo….. mga giliw namang mambabasa!

1 Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.