Para sa Pinas, Mula sa Isang Bagong Botante

election2013 (Photo Credit: blaglagan.wordpress.com)
election2013 (Photo Credit: blaglagan.wordpress.com)
election2013 (Photo Credit: blaglagan.wordpress.com)

Boboto na ako, sa wakas! Opisyal na akong mamayan ng bansang Pilipinas. Maliban sa 18th birthday o debut, ito na talaga ang hinihintay ko. Dati pa nag-iisip na ako kung papaano naging importante sa bansa ang isang taong tulad ko. Kung papanong makapagbabago ng bansa ang isang simpleng boto.

Sa wakas, sa Lunes masasagot na.

Dati nagtataka lang ako kung bakit may asul na tinta sa daliri ng mga magulang ko, tuwing uuwi sila galing bumoto. Ngayon, maliban sa pangarap na malagyan ng parehong tinta ang daliri, mas nasasabik yata akong maglagay ng tinta sa papel.

Pumili  ng tingin kong nararapat maupo at pumapel.

Mabibigyang dahilan at hustisya na rin sa wakas ang pagpila ko noon upang magparehistro. Para lamang maisama ang pangalan ko sa milyong botante dito sa Pinas. Kung saan eh, ilang kendi at tubig din ang naubos ko. Pero ayos lang ‘yun, kapag tamang tao naman ang naupo dahil sa tamang konsenya ko, hindi sayang ang kendi at tubig. Magkakaroon pa ang sunod na henerasyon ng magandang bukas. Kung saan eh, pwede kong ipagmalaki na dahil iyon sa mamamayang tulad kong bumoto ng tama.

Nakapa-proud naman!

Sana nga lang, huwag masayang ang boto ko, dahil lamang sa ilang taong nais ng kapangyarihan. Kung may pera naman sila, pwede silang mag-ala Iron Man. Oha! Nakatulong na sa nangangailangan, hindi pa epal. Advice lang naman ‘yun, kaysa naman magpakahirap pa sila humanap ng butas para lamang maupo sa pwesto.

Mahalal sana ang karapat-dapat, yung tipong hindi namimili ng boto.

Nakahihiya mang amining napasasayaw ako sa campaign jingles na naririnig ko, ayan na nga, inaamin ko. Siguro naman okay lang ‘yun. Kaysa naman sumayaw at maging sunod-sunuran sa maling tao balang araw. Kaya naman sasayaw na ako ngayon, pagdating ng eleksiyon eh, titigil, at ang karapat-dapat ang iboboto.

Hindi kasi ako puppet, may sarili akong isip at puso.

Naka-a-amaze man kung papaano nila naisisingit ang acronym ng pangalan nila sa bawat plataporma. Kung papaano nila isasama ang mga palayaw na nakatatawa para lamang hindi makalimutan. Kung papaano nila napapapalakpak ang mga tao sa bawat katagang sasabihin nila. Kung papaanong nabibigyan ng pag-asa ang mata ng bawat isa sa pangakong binitiwan. Hindi naman ako nagpapadala sa kung ano lang ang naririnig ng tainga.

Sa bandang huli kasi, hindi napapakain ng magandang salita ang kumakalam na sikmura.

Sa kabila ng mga iyan eh, gigising pa rin ako ng maaga sa araw ng eleksyon. Nasasabik pa rin talaga ako. Bakit nga naman hindi eh, isa ito sa makapagsasabing taga-Pinas ako, na isa akong tunay na Pilipino. Pilipinong umaasang sa gitna ng lahat ng gulo, may pagbabago pa rin na makikita at maabutan ng mga magiging apo ko. Bakit nga naman ba ako mawawalan ng pag-asa? Eh, ito lang ngayon ang mayroon ako. Ito lang sa ngayon ang mayroon tayo.

Pag-asang may magbabago sa pamamagitan ng isang boto. Isang boto para sa Pinas, mula sa bagong botanteng tulad ko.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.