Pangkabuhayan Showcase, Inilulugmok Mo ang Aking Pagkatao

showcaseNoon, sa telebisyon ko lamang ito naririnig, sa isang pantanghaling palabas ni Willie Revillame. Laging may ganitong mga pa-premyo. Marami ang laman ng pangkabuhayan showcase na iyan, lahat na ay nandoon. Kompletong paninda at may mga gamit pa sa kusina. Ngunit nang ako ay mangibang-bansa, ang pangkabuhayan showcase na dati ay papremyo sa telebisyon ay may iba nang bersyon.

Sa edad kong tatlumpu’t -lima, andito ako ngayon sa Gitnang Silangan, gaya ng mga ibang dahilan kung bakit sila nag-aabroad; ganun din ang sa akin. Walang ipinagkaiba. Lahat, ang ating purpose ay makatulong at maiahon ang pamilya sa kahirapan at pagkakalugmok sa mga utang.

Natanggap ako sa isang Pampublikong Hospital dito sa Riyadh bilang tagalinis, dahil sa sakop kami ng isang ahensya sa Pilipinas, mababa lang ang aming sweldo kahit pa sa gobyerno ang aming pinaglilingkuran. Sa halagang 900 Saudi Riyal lamang ang aming sinasahud wala pang kasama ang pangkain doon, ang libre lamang sa amin ay ang aming tinitirahan. Higpit-sinturon ang ginagawa ko para sa aking sarili upang ako ay makapagpadala sa aking limang anak na pawang nag-aaral. Hiwalay ako sa aking batugang asawa kung saan may iba na itong kinakasama.

Buwan-buwan ako ay obligadong magpadala sa aking mga anak, para sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at pang-tuition na rin sa eskwela. Hindi talaga sapat ang aking kinikita bilang tagalinis. Laging kulang ang aking pera, halos hindi na nga ako kumukuha nang pangkain, halos mga tira-tira na lamang ng mga pasyente at mga kasamahan ko ang aking inilalaman sa aking tiyan upang makapagpadala lamang sa aking mga anak.

Minsan may isang pasyente akong nakilala, isa rin itong Pinoy. Matanda na sa edad na limamput anim.Isang Enyinhero sa isang malaking kompanya sa Riyadh. Magiliw ito sa akin sa una pa lamang, laging nakangiti sa tuwing ako ay nakikitang naghahakot nang mga basura mula sa kanyang kwarto. Hindi ko ito pinapansin dahil alam kong may- asawa itong tao. Laging may palipad-hangin na kesyo daw ang “sipag-sipag ko; bakit pa daw ako nag-abroad, hindi na lamang ang aking asawa, hindi daw nababagay sa akin ang mangolekta nang mga basura.” Tinitingnan ko lamang ito at pinalalabas sa kabilang tainga ang kanyang mga sinasabi. Ayaw ko kasing magkasala sa ibang tao. Ayaw kong makiapid. Kahit pa wala na akong asawa, hindi ko iniisip ang makipagrelasyon at sumuong sa isa pang problema.

Isang umagang kay bigat ng aking pakiramdam. Nagtext kasi ang aking anak na panganay na may dengue daw ang aking bunso lalaki. Kailangan nang malaking halaga para sa pag-aabuno nang dugo at iba pang mga gamot. Ito ay hemorrhagic fever na daw, nagdudugo na ang mga gilagid at ilong, kahit pa daw sa tainga ay may lumalabas nang dugo dito. Hindi ako mapakali nang umagang iyon dahil sa sitwasyon ng aking anak. Wala pa kaming sweldo, wala akong naitatabi dahil ubos-ubos ko naman ipinadadala. Hindi ko namamalayang umiiyak na pala akong nagma-mop sa sahig. Panay ang tulo ng aking mga luha habang ako ay nagtatrabaho. Hindi naman kasi pwedeng magmukmok na lang dahil may problema ako. Hindi ko napansin may tumapik sa aking likod. Parang inaalo ako. Paglingon ko; ang pasyenteng Pinoy na lagi sa akin ay pumupuri. Inaya n’ya akong pumasok sa kanyang kwarto at ipinakwento sa akin ang aking problema kung bakit panay daw ang aking hagulgol habang naglilinis.

Sinabi ko ang lahat ng aking problema at lahat nang nagpapabagabag sa aking puso at isipan. Na ang aking anak ay dumaranas sa kasalukuyan nang sakit na dengue. Walang sabi-sabing humugot ng kanyang pitaka at iniabot sa akin ang anim na tig-limang daan Saudi Riyal. Laking mangha ko sa aking nakita, hindi ko alam kong ito ay aking tatanggapin. Ako ay nag-aatubili dahil alam ko ang mga susunod na nito. Dahil sa nais kong madugtungan ang buhay ng aking anak, pikit-mata kong tinanggap ang kanyang alok na pera. Wala kaming anumang kasunduan. Hindi niya sinabing utang ko ang perang iyon o bigay niya lamang; basta tinanggap ko na lang. Nag-undertime ako sa aking trabaho at agad-agad na ipinadala ang nasabing pera.

Nakatulong nang husto ang perang iniabot sa akin dahil nabigyan nang karampatang lunas ang aking anak. Binalikan ko ang pasyente sa kanyang kuwarto kinabukasan, ngunit wala na ito, sapagkat na-discharged na.

Isang hapon habang ako ay nagmumuni-muni sa aking akomodasyon dahil araw ng aking pamamahinga, ipinaalam ng aming House-lady (taga pamahala sa aming akomodasyon) na may naghahanap sa akin. Nang aking makaharap, laking gulat ko nang ang lalaking nag-alok sa akin ng pera ay nasa aking harapan ngayon. Inaaya akong maghapunan sa labas. Dahil sa tumatanaw ako ng utang na loob, hindi ko ito natanggihan. Panay lang ang tango ko sa kanyang mga sinasabing tila ako ay nahihipnotismo. Pagkatapos naming kumain sa isang pang-Pinoy na Restawran, pumunta kami sa kanyang akomodasyon; dahil sa mataas ang kanyang posisyon sa kanilang kompanya, mag-isa lang siya sa kanyang unit.

Naglapag siya ng isang Sadiki (home-made alak sa Gitnang Silangan). Tinagayan n’ya ako. Nag-inom kami hanggang sa maghahatinggabi na. Hindi na ako puwedeng umuwi sa aming akomodasyon sa ganoong oras dahil mahigpit na ipinagbabawal (may curfew).   Doon na ako nakitulog sa kanyang bahay.  Nangyari ang alam kong mangyayari. Nagkasarinlan kami. Ipinaubaya ko ang aking sarili nang walang pag-aalinlangan, Nilunok ko na lang ang aking iniisip na hindi ako papatol at makikiapid.  Wala akong magagawa dahil may utang ako sa kanya. Hindi ko iyon mababayaran ng pera. Katawan ko na lamang ang aking ipinambayad.

Mula noon, lagi na n’ya akong dinadalaw at dinadalhan ng kung ano-anong mga bagay, mula sa pansariling gamit, hanggang sa ilalaman ng aking t’yan; pati na ang mga ipinadadala ko sa aking mga anak ay galing sa kanya. Hindi ko na lang iniisip na isa ako sa mga kababayan na kinakapalan ang mukha at inilulugmok ang sarili sa makasalanang gawain dahil sa mga materyal na bagay.

Dilat ang aking isipan, malinaw sa akin ang aking kamalian. Limang taon na akong kumakapit sa ganitong sitwasyon, pero alam kong balang-araw ako ay makaluluwag at tuluyan nang bibitaw sa pagkapit sa patalim ni taning.

Alam ko sa panahong iyon, husgahan man ako ng mga taong may alam sa aking sitwasyon, bukas ang isip kong tatanggapin ang lahat.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.