Pangarap na Pagmamahal

Photo Credit: www.dreamstime.com
Photo Credit: www.dreamstime.com
Photo Credit: www.dreamstime.com

Bata pa lamang ako ay nakamulatan ko na ang malamig na pagtingin sa akin ng aking Ama. Lagi niya akong pinagagalitan, minsan ay napapalo pa ako. Hindi ko matandaan kung kailan niya ako huling niyakap. Bakit kaya? Minsan naiisip ko na baka hindi niya ako tunay na anak, pero magkamukha naman kami.

Hanggang sa dumating ang isang araw na nalaman ko kung bakit ganoon. Nabuntis pala niya si Nanay kaya napilitan silang magpakasal. Kaya pala, kaya pala.

Lumaki akong uhaw na uhaw sa pagmamahal ng isang ama. Tingin ko ay hindi rin ako mahal ni Nanay, sinisisi din yata niya ako dahil hindi natupad ang kaniyang mga pangarap. Gusto daw kasi niya noong maging dentist, pero nang mabuntis siya ay napilitang magpakasal at hindi na naipagpatuloy ang pag-aaral.

Mahirap ang buhay nang pakiramdam mo ay walang nagmamahal. Iyon bang pinalaki ka sa galit.

Ito siguro ang dahilan kaya nang may nanligaw sa akin na dalawampung taong mas matanda sa akin ay sinagot ko agad, siya si Victor; huli na nang malaman ko na may asawa pala. Ewan ko subalit kahit bawal na relasyon ay hindi ako bumitiw, sa kaniya ko kasi naramdaman ang pangarap na pagmamahal sa kauna-unahang pagkakataon.

Hanggang sa nalaman ito ng kaniyang asawa. Minsan ay sinugod ako nito sa apartment na aming pinaglulunggaan

“Makati kang Babae ka! Malandi ka pa sa kabayo!” tungayaw ng asawa ni Victor sabay dakma sa aking buhok.

Higit siyang mas malaki at mas mataba sa akin kaya’t ako ay kaniyang naipagngudnguran. Mabuti na lamang at dumating ang isang Kagawad ng Baranggay at siya ay pinigilan. Katakot-takot na pasa, kalmot at sugat ang inabot ko sa pangyayaring iyon.

Hindi ko naman masyadong naiisip ang sakit sa katawan, mas masakit ang dinaramdam ko sa aking loob. Hindi naman talaga paglalandi ang dahilan ng pagsasama namin, kailangan ko lamang ng pagmamahal. Kaylupit naman ng mundong ito.

Nang dumating si Victor kinagabihan ay agad akong sumalubong at yumakap sa kaniya. Nakita niya ang aking mga pasa. Hindi siya nakapagsalita, kapagdaka ay tinungo ang aparador ng kaniyang mga damit at nagsimulang magbalot.

“Sandali, Victor, Bakit iiwan mo ba ako?” tanong ko sa kaniya na windang ang puso

“ Patawarin mo ako, Elena. Dahil sa akin ay nasira ang buhay mo. Ngunit pinamili ako ng aking asawa, ikaw o siya. Asawa ko siya at hindi ko siya kayang hiwalayan.” Paliwanag ni Victor

“Walang hiya, e ano ako sa iyo? Gamit ba ako na kapag sawa ka na ay bibitawan mo na lang?” nagpupuyos ang aking kalooban.

“Hindi ka gamit, mahal din kita pero mas mahal ko ang aking asawa at mga anak!” sabi ni Victor. Parang dinurog ang aking puso.

Umalis si Victor nang gabing iyon at naiwan akong mag-isa. Hindi ko alam ang aking gagawin. Naisip kong magpakamatay na lamang ngunit ako ay naduduwag. Kahit gabi na ay lumabas ako at nagpagala-gala sa kung saan-saan.

Napadako ako sa isang eskinita kung saan ay may narinig akong nagkakantahan.Pamaya-maya ay narinig kong nagsalita ang makapangyarihang tinig.

“ kapatid, ano man ang kinasasadlakan mo ngayon. Kahit na ikaw ay nasa pusalian. Inaalimura nang buong mundo. Itinakwil ng iyong mga kaanak. Tandaan mo ang bagay na ito, na sa iyo ay may nagmamahal. Ang Diyos na lumikha na nagmamahal sa iyo, nagbabantay at kahit kailan ay hindi ka pababayaan.”

“Diyos! Parang nag-init ang aking pakiramdam. Mahal din kaya niya ang isang gaya ko?”

Kumatok ako sa bahay kung saan nagaganap ang pagpupulong at ako ay kanilang tinanggap. Bahay pa lamang iyon dahil hindi pa sila nakabibili ng lupa na pagtatayuan ng Church. Nang matapos ang pagpupulong ay kinausap ako ng Pastor at ng kaniyang asawa. Kahit na noon ko pa lamang sila nakilala ay sinabi ko sa kanila ang aking kalagayan. Nakita ko ang pang-unawa sa kanilang mga mata.

Iyon ang simula ng aking pagbabagong-buhay. Unti-unti ay ipinaliwanag nila sa akin ang dakilang pag-ibig ng Diyos para sa akin. Tuluyan na kaming naghiwalay ni Victor. Tinanggap ko, na hindi ako mahal ng aking mga magulang subalit mahal pa rin ako ng Diyos.

Naging maayos ang aking buhay at ako ay nakarating sa bansang Canada. Doon ay may nakilala akong Pilipino rin; si Roman. Tinanggap niya ang aking nakaraan at ako ay kaniyang pinakasalan. Dalawa na ngayon ang aming anak at buntis ako sa aming pangatlo. Minahal din ako at itinuring na parang tunay na anak ng mga magulang ni Roman. Dahil sa kanila ay napunan ang pagkauhaw ko sa pagmamahal. Nakamit ko ang matagal ko ng pangarap; ang pagmamahal.

Mga kapatid, ganito rin ba ang inyong karanasan? Pakiramdam n’yo ba ay walang nagmamahal sa inyo. Lagi ninyo pong tandaan, Mahal tayo ng Diyos. Inialay niya ang buhay niya para sa atin. Isuko natin sa kaniya ang ating mga problema, sakit at hinaing at tayo ay kaniyang tutulungan. Pagagalingin ang ating sugat at magkakaroon tayo ng bagong buhay at pag-asa. Amen

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.