Panaghoy ni Nanay

nanayAling Deling ang tawag sa akin sa aming munting baryo, may siyam akong anak; masyado daw kaming produktibo sabi ng aming tsismosang kapitbahay. Ako lage ang pinag-uusapan tuwing ako ay napadadaan sa kanto. Lagi na lang daw ako buntis, isang taon lang kasi ang pagitan ng aking mga anak, buntis na naman ako.

Dati-rati ay kay-saya ng aming bahay, napaka- payak ng aming pamumuhay. May nagsisigawan at minsang nagsusuntukan pa ang aking mga anak na lalaki. Maingay kung sino ang magsasaing at maghuhugas nang pinagkainan. Mga anak kong babae ang naglalaba at nagluluto kung minsan.

Sa kaunting kita ng aking asawa sa pagkakarpentero ay napagkakasaya namin lahat. Sa aking paglalabada natutulongan ko ang aking asawa sa pang araw-araw na aming gastusin.

Nabalo ako sa edad limampu, nagkasakit ang aking asawa ng tuberculosis marahil sa laging natutuyuan nang pawis kaya nagkaganun, sumuko na ang kanyang murang katawan.

Dahil sa sipag at determinasyon naming mag-anak ay nakaraos ang aking mga anak, napudpod na rin ang aking mga kuko at lalong kumapal ang aking kalyo sa paglalabada at tumanggap na rin nang pamamalantsa para pandagdag kita sa aming pagkain at patuloy na pag-aaral ng aking mga anak.

Napakahirap magpaaral nang sabay-sabay;buti na lamang ang aking mga anak.ay likas na matalino bagaman sa mga eskwelahang publiko sila nag-aaral ngunit marami pa rin gastos.

Siyam na sunod-sunod na Marso na napakasaya ko dahil umaakyat ako sa entablado para sa pagtatapos nang isang anak ko.

Lahat sila naging propesyunal sa aming pagtutulongan kahit wala na silang ama, patuloy ang pangarap para sa kanilang magandang bukas. Ipinamulat ko sa kanila na ayaw kong matulad sa aming pinagdaanan ang kanilang pamilyang bobouin..

Lahat sila nagkaroon nang magandang trabaho sapat sa kanilang mga pangangailangan, lahat sila gumanda ang buhay tulad ng kanilang inaasahan dahil sa pagsisikap nang bawat isa.

Malayo na sila sa akin dahil may kanya-kanya na silang pamilya. Ang aming dampa ay naipaayos na nang higit pa sa aking inaasam, ang dating nipa na bubungan ay hindi lang yero kundi iyong pang-amerika ang istilo na hindi ko alam ang pangalan. Ang dating tatlong kwarto ay naging anim na maliban pa sa master’s bedroom kung saan ako, ang aming batalan ay napakagandang palikuran na ito na pwedeng matulogan nang lima katao sa luwag, dati may banga lang kami.na pundohan ng tubig: ngayon shower na at may mainit at malamig pang lumalabas. Wala akong pakialam basta sa balde at banga pa rin ang gusto ko. Binibisita na lang ako minsanan ng mga anak ko, lalo na ng aking bunso na dito lang sa Pilipinas nakapermi.

Ngayon ako ay walomput-limang taon na sa mundong ibabaw, ulyanin na, medyo bingi pa, aninag na lamang din ang aking nasisilayan, isang katulong lang ang aking kapiling, ang aking mga anak malayong-malayo na sa aking piling.

Minsan binisita ako ng aking bunso kasama ang kanyang pamilya, naririnig ko sa manugang kong may sinasabi sa asawa nito.

” Ano ba yan, Honey! Si Nanay nakaihi sa saya niya, baka tumae pa nga yata ang baho-baho.”

Naaaninag kong nakatakip ito sa ilong niya.

“You lola, ewwww! You’re so kadiri, there’s a tae in your legs,” si apo ko nandidiri sa kanyang lola.

Nilapitan ako ng aking bunsong anak.

” Ano ba ka ba Nay, kung dudumi ka magsasabi ka sa katulong; hindi iyong tatae ka sa saya mo, ang baho-baho na dito, halika nga sa kwarto mo!” Sabay hawak nang mahigpit sa aking payat ng bisig. Hinihila ako papunta sa toilet ng aking silid.

” Sa susunod, magsasabi ka, kung saan-saan ka na lang umiihi, may cr naman,” galit ang boses ng aking bunso.

“Pasensya na anak, ‘di ko kasi maramdaman na naihi na pala ako sa aking salawal,” hinging paumanhin ko.

” Magpermi ka na lang dito sa loob ng iyong kwarto,’wag ka nang pakalat-kalat sa sala, nandidiri ang mga anak ko,”

Ang aking bunso, bakit ganun?

Hindi na ako pinalalabas kahit sa pagkain dahil marami lang daw akong kalat sa sahig, tiles daw iyon hindi dapat pagkalatan. Baka makasagi na naman ako ng kanilang mamahaling banga na galing Europa, mga binili ng aking anak na kapitan sa barko.

Minsan, tinawagan ako ng aking isang anak na nasa Amerika para lang pagalitan, siguro sinabi ni bunso ang aking naging kasalanan na nakadumi ako sa aking salawal.

Matanda na ako, nasa alas y medya na ako ng aking buhay, malapit nang pumanaw, amoy-lupa na, konting panahon na lamang ang aking ilalagi dito sa mundo. Gusto kung bumalik ang dating sigla ng aming pamilya kahit hindi sa mansyon, kahit sa isang maliit pa rin na dampa basta masaya.

Kontento na ako sa payak na buhay, iyong malaya ka kahit anong gawin mo sa iyong pamamahay.

Sana pagdating ng Araw na sila na rin ang tumanda, mahalin at pagpasensyahan din sila ng kanilang mga anak at apo.

Nakakalungkot, papanaw akong malungkot, hindi dahil sa kasalatan, ngunit dahil sa kawalan nang respeto sa akin bilang magulang.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.