Palito

Matchsticks in a box (Photo credit: neatorama)
Matchsticks in a box (Photo credit: neatorama)
Matchsticks in a box (Photo credit: neatorama)
Matchsticks in a box (Photo credit: neatorama)

Sa loob ng walong sulok na kulungan ay nakapiit ang mga palitong naghahanap ng kahalagahan sa buhay. Nagsisiksikan, mainit, madilim. Hindi puwedeng pagpawisan at higit sa lahat, isang mortal na kasalanan ang pag-iyak. Naiisip ko dati, mahirap palang maging palito. Mahirap maghintay. Kung sa kulungan ng tao eh gusto mong maghintay kaysa ma-silya elektrika dahil kasama ka sa death row, iba naman ang pagiging palito. Sa pagluwag ng masikip na higaan ng mga palito ay nagdadasal sila na sana bukas, sila naman ang mabunot para masindihan. Minsan lang magkaroon ng umaga sa mundo ng mga posporo. Matagal lagi ang gabi, sobrang tagal….

Sumisilip lang ang araw kapag magsisindi ng kalan dahil ayaw kumagat ng gas sa kislap ng switch, kapag magsusunog ng bagay na gusto nang kalimutan, kapag magsisindi ng sigarilyo, kapag pinaglalaruan ng mga bata, kapag gusto mong mapaso, kapag gusto mo ng kahit konting ilaw sa napakalaking kadiliman, at kapag gusto mong mainitan.

Ano nga bang silbi ng palito? At bakit isa lang ang nais na matupad na mithiin ng pagiging palito? Yun lang ba talaga ang silbi nila: ang masindihan at unti-unting maging abo habang nilalamon ng apoy? Hindi.

Kapag isa ka sa mga palitong nakakulong sa kwadradong lugar na naghihintay na madampian ng daliri at dahan-dahang umangat sa kapwa mo palito habang nakikita mong sasarado na ang pintuan ng piitan, tiyak, mababasa ka sa tuwa.

Pero hindi lahat ng nakalalabas sa kulungan ay namamatay ng matiwasay. Ika nga, ‘my hope was in vain’, sabi ng mga palitong naging ganoon ang kapalaran. Ang iba’y ginagawang panlinis, papasakan lang ng koton sa dulo at tska ililigid sa maduming tenga. Sa mga tao namang walang magawa, gawin ba namang toothpick ang palito?

Hindi nagmumulto ang mga kaluluwa ng palito kapag sila’y namatay na. Nakikita ko silang nakangiti kapag hinahalikan ang pisngi ng posporo kasabay ng pagyabong ng apoy na napakagandang pagmasdan. Hindi rin uso sa kanila ang purgatoryo o ang langit at lupa. Basta masindihan sila, ‘yun na ang langit at walang hanggang ligaya. Hindi ko nga lubos maisip ang pagpapasalamat ng mga palitong nagbigay init sa katawan at sinamahan si Little Match Girl sa kanyang huling hantungan.

Masakit minsan kapag unti-unti kang mauubusan ng kausap sa kahon. May halong kaba at tuwa dahil iniisip mo na konti na lang kayo eh malapit ka na ring tumama sa lotto. Pero kapag naitapon ang kahon ng hindi nauubos ang mga palito, masakit, kahit ang palito nadudurog ang damdamin kahit wala naman itong puso. Minsan, nababasa na lang sila, napupudpod kasabay ng panahon kaya nag-papakamatay na lang sila sa sarili nilang mga luha.

Ayan! Maliwanag… Mayroon atang magsisindi ng yosi. Sana ako na, sana ako na…

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.