“Pakiusap, Huwag Ka Nang Bumalik”

“Kung sa mahal, mahal kita. Kung sa tagal, dati pa. Kung bakit di ko sinabi. Siguro dahil puso ko’y pipi. Kung di mo narinig. Siguro dahil puso mo’y bingi. Ngayon kung kelan ako’y lalayo, saka ka naman lalapit. Kung kelan nakalimutan ko na, saka mo naman ipapaalala. Kung kelan sanay na akong mag-isa, saka ka naman papasok sa eksena. Ano ba talaga ang totoo? Ks’e manhid na ako sa mga kasinungalingan mo. Pakialog na lang kaya nang ulo ko, baka wala ng laman sa sobrang katangahan sa’yo. O di kaya’y pakisampal naman nang malakas dyan, baka sakali magising ako sa bangungot na ibinigay mo. Ngayon kung sa paggising ko, mahal pa rin kita, ikaw naman ang nananaginip, hindi kaya?”

(Photo credit: PINTEREST)

 

Ang mga linyang ‘to ay para sa ‘yo sana, pero para ano pa? Wala nang dahilan para sabihin ko pa sa ‘yo, dahil kung ano man meron tayo noon, wala na ngayon.

Gaano man kahaba ang pisi ng pasensya ko sa ’yo, pasensya na, pero ito’y binitawan ko rin. Nakakapagod na. Masakit at nagdurugo na ang mga kamay ko sa kakahawak, mag-isa. Parang hindi na tama. Hindi na tamang kunsintihin ko ang mga kalbaryong ipinaranas mo sa buhay ko. Yung magpapakita ka lang kung kelan mo gusto, kung may kailangan ka lang at wala kang mauto at ‘yun nga bigla kang susulpot sa harapan ko. Tapos pag sinisita kita kung sino’ng ka-text mo, ikaw pa ang galit? Graduate ako ng BSChE  ilang taon na rin ang nakaraan. Pero ngayon, gusto kong gumradweyt uli sa bagong  kurso na BSDT (DT as in Dakilang Tanga), ’cause I’m done trying.

Yes. “I’m done trying…” Hindi naman siguro mahirap intindihin? Tinatama ko lang ang sarili kong pagkakamali. Dahil hindi na talaga tamang tanggapin pa kita uli sa buhay ko at muling mahalin? Parang pinalalala ko lang niyan ang sitwasyon kung saan ako mismo ang dehado? Dahil naging tapat at totoo ako sa’yo, pero ikaw? Anong ginawa mo? Sinamantala mo lang ang kahinaan ko.

Pero hindi habambuhay ganito. Yung hahayaan mo na lang ang sarili mo na masaktan basta’t siya’y nandiyan lang? Anong silbi na nandiyan nga siya, kung saan-saan naman gumagala ang isip niya, at ang puso niya, alam mong pagmamay-ari na ng iba.

 

 

Panahon na para tanggapin ko ang pakikipagsapalaran ng puso  ko sa ‘yo.  Importante pa rin, higit sa lahat, ang sarili ko. Hindi dahil may mga taong umaasa sa atin. Ayaw ko lang makitang muli ang sarili kong lugmok. Tuliro. Walang direksyon, dahil hindi ako ‘yon.

Kaya dear EX, pakiusap, huwag ka nang bumalik?

Dahil natuto na ako sa leksyong dala mo. Ganun talaga ang buhay. Nagkataon ikaw ang target at bull’s eye, nasapul ang puso mo. Tinamaan ka. Pag may tinamaan, may masasaktan.

Pero ako, hinding-hindi na ako masasaktan para sa ‘yo.

Tinatanggap ko ang iyong “Sorry…”

“I’m sorry, too…Pero ibang tao na ang kaharap mo.

Binago mo.”

 

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/.