“Pahiram Ng Puso Mo”

(Photo Credit: allopicts/agenesian/slism)

Sadyang kay bilis ng panahon. Heto na naman ako, nakatanaw sa dapit-hapon,  sa gitna nitong parisukat, kung saan ako nakatayo, dito mismo, sa dati nating tagpuan.

Kelan nga ba ‘yun? ‘Yung parang kahapon lang sa pakiramdam pero matagal na panahon na pala ang nagdaan? Isa? Dalawa? Tatlong taon? ‘Di mo na maalala? O, ayaw mo lang maalala? K’se baka mas lalo lang lumala ang sugat sa puso mo na iniwan niya?

Dati, meron tayong dalawa. Pero ngayon, bakit ako mag-isa? Hindi ‘to ang kagustuhan natin na mangyari. Hindi ‘to parte ng mga pangarap natin. At lalong hindi ‘to ang ipinangako natin sa isa’t isa. Pero doon pa rin tayo nauwi – sa wala.

(Photo Credit: allopicts/agenesian/slism)

Wala na nga bang tayo? Pero ba’t ako meron pa ring ikaw sa puso ko. Ramdam ko pa rin mga haplos mong sing-init ng pagmamahal mo, tumatagos dito, sa puso ko. Naririnig ko pa rin mga halakhak natin na dumadagundong habang sa damuhan tayo’y pagulong-gulong. Nakikita ko pa rin ngiti mong matamis, sino ba ang hindi makaka-miss? Doon sa mahaba at hindi maubos-ubos nating kuwentuhan, tawanan, kulitan, naaalala mo? Yung mga tingin mo na para sa akin lamang, pero nakuha mo pa ring tumingin sa iba? Nalingat lang ako sandali, wala ka na sa aking tabi? Bakit? Dahil ba nakakasawa na? Yung lagi na lang ako? Tayo?

(Photo Credit: allopicts/agenesian/slism)

Sana sinabi mo nang maintindihan ko. Pero hindi eh. Basta ka na lang lumayo. Naglaho. Ni anino mo ay mailap, hindi ko mahagilap.

Sa tunay  na kahulugan ng salitang respeto, ikaw ay salat. Respetong mabigat pa sa ibig sabihin ng tunay na pagmamahal. Masakit isipin, pero nagmahal ako ng kagaya mo. Ito nga yata ang totoo? Na kailanman ang puso ay di natututo? Kung sa Bisaya pa, “huna-huna ra’y nagdako?”

Sayang wala ka dito. Nang masabi ko namang “Pahiram ng puso mo?” Puede? Kahit sandali. Nang maramdaman ko naman paano maging ikaw? Na nagawang kalimutan ang lahat? Lahat ng namagitan sa ating dalawa? Dahil gusto mong mapag-isa, kasama siya? Pero ang tanong, alam ba niya? Na dito sa parisukat na ‘to, meron kang iniwan? At ngayo’y nag-iisa?

Pahiram ng puso mo nang malaman ko  kung alin doon ang totoo? At ang mga kasinungalingan? O, kung may natitira pa bang lakas ang puso ko para dalhin ang bigat na aking mararamdaman sakaling muli ‘tong masaktan, dahil sa’yo?

(Photo Credit: allopicts/agenesian/slism)

Pero nakahanda ako.

Nakahanda akong isoli ang puso mo nang buong-buo.

Dahil hindi na ako ang nagmamay-ari nito.

Pero pag tinanggap mo, isa lang ang ibig sabihin.

“Huwag na natin hanapin ang isa’t isa…”

Isipin na lang natin, na sa dating tagpuan,

“Wala nang tayo na matatagpuan…”

(Photo Credit: allopicts/agenesian/slism)

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/.