Pagsubok ng 2012

strengthJanuary 2012

Napili akong ipadala ng company kong pinaglilingkuran sa Taiwan para mag-training ng 3 months.  Napa-wow ako!  Grabe! Bongga ang pasok ng bagong taon napakalaking blessings and then after na makabalik ako galing Taiwan, kasama naman ako sa pinagpipilian para sa promotion para sa posisyon na supervisor.

Oh! ‘Di ba bongga talaga?!

 Sobrang saya ko kaya lalo ko pinagbutihan ang trabaho ko. Akala ko SUWERTE talaga ang 2012 sa aking buhay; yun pala ito ay isang malaking akala lang pala..

JUNE ng nasabing taon, eto na ang umpisa ng hagupit ng bagyo sa aking buhay; hindi lang sa akin kundi sa aking buong pamilya.  Isang nakagigimbal na pangyayari ang hindi ko inaasahan na puwede palang mangyari.  Naglason ang kapatid ko sa kanyang murang edad na 15, naisipan niyang gawin yun dahil lamang sa kanyang nobyo!

Anak ng tipaklong!  Nang dahil lang dun ginawa niya yon.  Akala namin ay mawawala na siya dahil lahat ng pinuntahan naming hospital ay tinatanggihan siya kapag nalaman na naglason; kaya no choice.  Sa pribadong hospital namin siya dinala; kaya lang parang nilason naman yung bulsa ko.

August 12 2012, kaarawan ng aking bunsong kapatid.  Masaya ang lahat; tawanan dito, kainan dun. Ang lahat ay may ngiti sa labi, ngunit ang ngiti ay napalitan ng malakas na mga putok ng baril; hindi lang isa o dalawa, tatlo, apat, lima…kundi anim  na putok at lahat ng ito ay pumasok lahat sa katawan ng isa kong kuya dahil siya ang pakay ng lalake na walang nakakikilala kung sino.

Isang buwan sa ICU si kuya; kinailangang putulin ang kanyang kanang braso.  Oo, ang matikas at kinatatakutan sa aming lugar ngayon ay si Boy Putol kung tawagin.

Noong time na nagising si kuya, yung mga mata niya dati ay matalim kung tumitig nang mga panahon na yun.  Hilam sa luha ang makikita sa kanya at sinisisi niya ang aking ama kung bakit daw pumayag si ama na putulin ang kanyang braso.  Ang tanging naging paliwanag lamang ni ama ay kailangang gawin yun upang siya ay mabuhay na talaga namang yun ang totoo.  Dahil sa sobrang laki ng kailangan naming bayaran sa hospital, ibinenta ni ama ang aming bahay sa murang halaga, pati na rin ang munting palaisdaan ni ama.

Sumunod na month na SEPTEMBER, eto na naman ang panibagong pagsubok.  Na highblood si ama na nauwi sa stroke; matindi ang tama sa utak kaya kinailangan namin siyang dalhin sa provincial hospital.  Dasal at iyak na lamang ang naging tugon ng aking mahal na ina.  Sobrang hirap pala yung makikita mo yung mahal mo sa buhay na pilit lumalaban sa kamatayan, pero alam mong wala na talaga.

Oo, pumanaw na si ama noong september 3, 2012 sa mismong kaarawan ng aking ate.  Namatay si ama na nasa hospital pa rin si kuya.

Lumipas ang mga araw at inilabas na si kuya at inilibing si ama.  Walang magagawa; ganun talaga ang buhay.  Kailangang tanggapin at bumangon kaya nagsimula kami ng panibagong buhay na wala na si ama.  Pag balik ko sa trabaho, wala na ang inaasahan kong promotio; naibigay na sa iba dahil sa haba ng bakasyon ko.

Sabi ko, sana … wala nang sumunod na unos, pero hindi pinakinggan ang dasal ko.

NOVEMBER… na-hold up ang isa kong kapatid habang namamasada ng tricycle; binugbog siya at tinangay ang tricycle na tanging naiwan ni ama.  Si ina na dapat magpakatatag para sa amin ng mga kapatid ko, tanging pagluha gabi-gabi ang naging tugon sa lahat na halos akala namin ay bibitiwan na ng katinuan. Ngunit salamat pa rin kay LORD kasi dininig Niya ang aking dasal sa pagkakatong ito.  Bumalik si ina sa dating siya.

Lubos akong nagpapasalamat kay LORD na hindi Niya pa rin kami pinabayaan sa lahat ng aming pagsubok.  Nawalan man kami ng ama at ang kuya kong siga na ngayon ay naging si boy putol, isa lang masasabi ko— naging matatag kami bilang pamilya.

WELCOME 2013

About summer

hindi ako isang writer basta ang gusto ko lang maibahagi ang aking buhay..