Pagkatapos ng Libing

Labing-tatlong taon na ang nakakalipas matapos mangyari sa akin ang nakapangingilabot na pagpapakita ng aking tito noong ako’y limang taong gulang pa lamang. Isang pagpapakita na hinding-hindi ko makakalimutan kahit noo’y ako’y nasa murang edad pa lamang.

Namatay ang aking tito sa sakit sa baga. Siya ay labing-pitong taong gulang lamang noon. Napakabata pa. Hanggang ngayon, naaalala ko pa rin kung gaano kadaming tao meron noon sa araw ng burol ng aking tito. Mga kapit-bahay, mga kamag-anak, at mga kamag-aral ng aking tito sa kanyang pinapasukang paaralan.

Sa burol pa lamang meron na akong nakita ngunit hindi ko iyon masyadong binigyan ng atensyon. Isang lalaking naka-puti na napaka-puti din ng mukha. Hindi ko naman mamukahaan kung ang tito ko ba iyon. Nakatayo iyong lalaking iyon sa tabi ng kabaong. Tinanong ko pa yung tita ko kung sino iyon pero mukhang hindi niya nakikita ung nakikita ko kaya ibang tao ang kanyang pinangalanan.

Araw ng libing. Malungkot ang eksenang aking nakita na sinabayan pa ng masamang panahon. Halos mahimatay sa kakaiyak ang lola ko na nanay ng aking tito. Malungkot lahat. Malungkot.

Pag-uwi buhat sa libing ay ginawa ang tradisyunal na paghuhugas ng kamay. Kami ng aking pamilya ay umuwi na sa bahay.

Pag-uwi sa bahay ako ay mag-isang naiwan sa aming salas. Sila mama at papa ay nasa aming tindahan sa ibaba ng aming bahay samantala ang aking lola at tita ay nasa kanilang kwarto kasama ang aking kapatid.

Alas-sais ng gabi. Madilim. Nakatulog ako sa sofa habang nanonood ng cartoons. Bigla kong minulat ang aking mga mata. Nagising ako dahil parang may tao sa aking harapan. Pagkamulat ko nakita ko ang tito ko na kanina lang ay inilibing, nakaputi at naglalakad sa aking harap at paikot-ikot sa aming center table. Sumigaw ako at nag-iiyak sa sobrang takot.

Lumiwanag bigla ang buong kabahayan namin. Narinig ako ni papa at agad inakyat. Lumabas na din mula sa kwarto ang aking tita at lola. Takot na takot ako noon. Iyak ng iyak. Pagkatapos noong ay nakatulog na lamang ako sa aming kwarto.

Hanggang ngayon, hindi pa din nawawala sa aking isipan ang itsura ng aking tito ng aking siyang makita. Taon-taon, hindi namin sila nakakalimutan, na sa tuwing sasapit ang buwan ng Nobyembre, dasal na sana ay nasa payapa na silang mga mahal namin sa buhay na nasa kabilang-buhay na.

The photo was added for effect only and is not directly related to the story — Editor.

About DF Community

This article was submitted by the author above. All articles posted in this blog are views of their respective authors. All commentaries, letters or opinions submitted by the Definitely Filipino community are presented here unedited, except for formatting and minor typographical corrections.