Pag-utot Nga Itatanggi N’yo, Plunder Pa Kaya?

Photo Credit: newsinfo.inquirer.net

Eh ano pa nga ba ang aasahan natin sa mga senador na sinampahan ng kasong plunder?

Lahat sila’y inosente. Lahat sila’y malilinis ang konsiyensiya. Lahat sila’y biktima lang ng panggigipit.

Siyempre, hindi aamin ang mga ‘yan sa salang pandarambong o pagsasamantala sa kaban ng bayan. Iilan lang ang kilala kong magnanakaw na umamin sa kaniyang ginawa. ‘Yung huli ay ipinako sa krus katabi ng ating Panginoon at nakasama na Niya sa Paraiso.

Matapos tuparin ni SOJ Leila de Lima ang kaniyang pangakong magsasampa ng kaso sa Ombudsman ‘nung Lunes kaugnay sa mga sangkot sa pork barrel scam, kaniya-kaniya nang drama ang tatlong senador na sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Juan Ponce-Enrile.

Si Bong Revilla ay nagmistulang Best Actor sa mangiyak-ngiyak na pagsusumamo na huwag muna silang husgahan ng mga tao.

Si Jinggoy naman ay nagpaka-action Star sa pagsasabing buong tapang nilang haharapin ang anumang kasong isinampa sa kanila. Ipinagpipilitan pa ring hindi krimen ang mag-endorse ng (bogus na) NGO.

Habang si Enrile ay mas piniling manatili sa ospital dahil sa high blood. Bigyan ng wheelchair ‘yan!

Ngayong nagsisimula nang umikot ang gulong ng hustisya, nawa ay patuloy itong umusad sa direksiyong inaasahan ng mga tao. Magulungan na ang dapat magulungan. Masagasaan na ang dapat masagasaan.

Sana ay manatiling nakapiring ang mga mata ni Inang Katarungan habang nililitis ang mga kasong ito. Sana ay huwag manghina ang loob ng mga taong nagsusulong sa paghahanap ng katotohanan at pagbubulgar ng mga kabalintunaan sa ating lipunan lalo na ang mga whistleblowers at kaniyang abogado. Sana nga ay maging tapat ang ating Presidente sa kaniyang mga binitawang mga salita na magiging patas ang pagtrato ng administrasyon sa mga magiging akusado, kapartido man o hindi.

Ang pagsasampa ng kaso sa tatlumpo’t walo (38) na nasasakdal kabilang na si Janet Napoles, tatlong senador, ilang dating kongresista at ilan pang mga indibidwal na may tuwirang kinalaman sa paglulustay ng buwis ng bayan ay isang magandang indikasyon, na sa kabila ng lahat, mayroon pa ring natitirang katinuan sa ating pamahalaan. Nawa’y magsilbi itong panggising, kung hindi pa man, sa mga kasalukuyang nakapuwesto at lalo na sa mga susunod na henerasyon ng pulitiko.

Mas lalo pa itong magiging epektibo kung may maparurusahan at may makukulong oras na mapatunayan ang pagkakasala.

Hindi natin inaasahan na ang paglilitis ay matatapos kaagad dahil sa bigat ng kaso, dami ng ebidensiya at sa dami na rin ng posibleng madamay.

Ngunit ang mahalaga ay nasimulan ito na ang pinagtutuunan ng pansin ay ang makatarungang pagtatapos. Marami pa tayong pagdaraanan. Marami pa tayong malalaman. Marami rin tayong matututunan mula sa makasaysayang ehersisyong ito.

Huwag na nga lang nating asahang mangumpisal pa ang mga akusado. Mas mabuti pang hayaan nating ang batas ang magtaya ng kanilang pagiging magnanakaw o hindi.

Ang lahat ay itatanggi nila, kahit ipusta ko pa ang aking bilbil! Ang mga ito ay bihasa sa pagsisinungaling at pagkukunwari.

Sabihin ko sa inyo, ultimo pag-utot  itatanggi nila, eh ‘yang plunder pa kaya?

Authors Note: Ang pamagat ay nabasa ko sa isang tweet ni PH (Professional Heckler), natawa ako at ginawa kong inspirasyon ng artikulong ito.

About necessary_evil

The fact that no one understands you does not make you an artist! You can visit my website: http://retroandsoul.wordpress.com/ and my Facebook page Retro and Soul : https://www.facebook.com/retroandsoul?ref=hl