Pag-ibig o Pamilya

(Photo Credit: pinkwoods.wordpress)
(Photo Credit:  pinkwoods.wordpress)
(Photo Credit: pinkwoods.wordpress)

“Babes, mag-usap tayo, please. Aksidente ang nangyari. Hindi ko talaga alam hu hu hu,” panaghoy ni Rommel.

“ Anong hindi mo alam? Ang sabihin mo! Galit ka sa kapatid ko kaya tinuluyan mo siya!” galit na sagot nang umiiyak ding si Lindy.

“Pero, Babes, sa nangyaring iyon, hindi ko talaga sinasadya,” pilit na pangangatwiran ni Rommel. Ngunit, binabaan na siya ng telepono ni Lindy.

Limang taon na rin silang magkasintahan at nagbalak na rin silang magpakasal. Si Lindy ay isang negosyante, at may maliit siyang karinderya sa bayan ng Calumpit.  Si Rommel ay walang permanenteng trabaho, bagama’t malakas ang kaniyang pangangatawan. Pinapangarap niyang maging sikat na boksingero. Nananalo naman siya sa mga paligsahan sa kanilang lugar; gayundin sa karatig lalawigan. Mabilis ang kaniyang kamay at siya ay kaliwete ding gaya ni Manny Pacquiao. May itsura din siya kaya sa tuwing may laban ay tinitilian siya ng mga babae at gayundin ng mga binabae.

Matagal na siyang nag-propose ng kasal, subalit, hindi tinanggap ng mga magulang ni Lindy ang kaniyang iniluluhog. Malaking problema din nila ang kapatid na binata ni Lindy na si Chad, ayaw din nito kay Rommel.

“ Ha, pagboksing! Iyan ba ang ipalalamon mo sa aking anak?” mataas na sabi ng Mang Cario, ang ama ni Lindy.

“Eh wala naman pong masama sa Boksing, ang totoo po niyan kapag nabigyan ako ng magandang pagkakataon baka magkaroon ako ng laban sa ibang bansa.Mas magiging malaki po ang bayad sa akin,” marahan niyang pangangatwiran.

“Hindi naman sa minamaliit ko ang ganyang uri ng hanapbuhay. Ang punto ko ay ito, sa loob ng ring, paano kung matiyempuhan ka at mabalda sa suntok ng kalaban mo? Anong mangyayari sa buhay ninyo ng aking anak?” patuloy ni Mang Cario

“ May batas naman po sa boksing, saka depende po siguro sa kapalaran na rin iyon,” marahang sagot ni Rommel.

“ Ayaw ko, kahit na mahal ka pa ng anak ko. Baguhin mo na lamang ang pangarap mo at maghanap ka ng maayos na trabaho. Kapag nangyari iyon ay saka pa lamang ako papayag na makasal sa iyo ang aking anak.”

Tinanggap na lamang ng magkasintahan nang maluwag sa kanilang puso ang pagtanggi ng mga magulang ng dalaga. Gayunpaman ay matatag ang kanilang relasyon. Subalit may isang bagay na sumubok sa kanilang relasyon.

Minsan, habang nasa loob ng ring si Rommel, katatapos lamang niyang mag- ensayo ay dumating ang kapatid ni Lindy na si Chad. Nagulat si Rommel dahil nakasuot ito ng boxer shorts at may gloves sa mga kamay.

Hoy! Bayaw na hilaw, puwede bang ako ang pag-ensayuhan mo? Baka kasi sa akin lang ay hindi ka na umubra,” mayabang na sabi nito sa kaniya.

“ Naku! P’re, huwag na lang. Baka magalit ang Ate mo sa akin,” tutol naman niya.

“ Paano kung gusto ko? Aayaw ka pa rin ba?” pilit itong naghahamon.

“ Chad, may disiplina kaming mga boksingero at masasabi kong gamay ko na ang boksing. Ayaw kong masaktan ka,” malumanay na paliwanag niya rito.

Tipong nagpanting ang tainga ni Chad sa narinig. “Ganoon? Bakit hindi mo ako subukan, baka mapahiya ka. Ano? Ganito na lang, hindi ko na kayo pakikialaman ni Ate kapag natalo mo ako. Kapag nanalo ako ay mananatili akong anay sa inyong relasyon.”

Masasabing nabuhayan ng loob si Rommel, hindi na niya pinag-isipan ang desisyon. Sinenyasan niya ang referee upang umpisahan ang laban.

Noong una ay nagtatantiyahan lamang sila. Maingat si Rommel dahil alam niya na hindi sanay sa boksing ang kalaban. Balak niya na pagurin na lamang ito at sa huli ay sumuko. Naniniwala siya na kung magiging totoo ito sa sinabi ay hindi na ito magiging problema sa kanilang relasyon ni Lindy.

Subalit nabigla siya, parang pinaghandaan siya ni Chad. Malalakas ang buwelta nito at tila ba alam nito ang kaniyang mga galaw. Tipong matatalo siya. Nakararami na ito ng tama sa kaniya at tila nawawalan na siya ng lakas. Pamaya-maya ay natitigan niya ito. Nakangisi ito na tila demonyo. Nagdilim ang kaniyang paningin at nagpakawala siya ng malakas na suntok na tumama sa panga. Hindi ito naiwasan ni Chad. Parang huminto ang andar ng orasan, nakita na lamang ni Rommel na nakahandusay si Chad sa sahig.

Nakita niyang natigilan ang referee, pati na rin ang iba pang boksingero na nanonood. Lumapit ang kanilang trainer at pinulsuhan si Chad. Hindi handa si Rommel sa mga sumunod na nangyari, sumenyas ang trainer na napuruhan si Chad.

Mabilis silang kumilos at dinala ito sa pinakamalapit na ospital; dead on arrival ito.

Mabilis ang naging balita, napatay niya ang kapatid ng kaniyang kasintahan. Idinemanda siya ng pamilya nito, subalit nanalo siya dahil naganap ang laban sa ring. Nakaligtas man siya sa hukuman ay tila hinatulan na siya ng pamilya ng babaeng pinakamamahal.

Nakipagkalas ito sa kaniya at sinabing ayaw na siyang makita kailan pa man. Lubha niyang tinangisan ang lahat. Sising-sisi siya, bakit kasi niya pinatulan ang hamon ni Chad.

Sa kabilang banda, mahal na mahal ni Lindy si Rommel. Subalit, pinagbantaan siya ng mga magulang na kung patuloy na makikipagrelasyon sa nakapatay sa kaniyang kapatid ay itatakwil na siya. Mahal niya ang kasintahan subalit mas mahal niya ang kaniyang pamilya. Nauunawaan niya na hindi sinadya ng nobyo ang nangyari at pinatawad niya ito.Ngunit hindi na sila maaari pang magkatuluyan.

Marahil ay mas mabuti na ngang mawasak ang puso kung para sasariling pamilya. Ang kasintahan ay mapapalitan subalit ang pamilya; kailan man ay walang katapat.

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.