Pag-amin

Confession (Photo Credit: Moonology)

Nasa pansitan kami noon. Nakasanayan na naming kumain doon sa tinatawag na Divimall sa GMA, Cavite. Maraming mapagpipiliin pero lahat ng kainan ay pare-pareho lang ang ibinebenta kaya matindi ang kompetisyon. Bale, pasarapan lang talaga ng luto. Paborito namin ang kainan ni Lola Trining, kulay pula ang kanyang tindahan, halatang nagpapagutom.

Wala namang masyadong kakaiba, magkakatulad lang ng ibinibigay na serbisyo ang lahat: mula sa pag-aasikaso, pagrereserba ng upuan, pag-aayos ng lamesa, paglalatag ng mga plato, baso, kutsara at tinidor, pagbibigay ng libreng sabaw, tubig, tube ice na naglalangoy sa loob ng mangkok, at kung ano-ano pa; masarap lang talaga ang luto nila. Natikman na namin ang lahat doon sa paligid, at nagwagi sa puso namin ang luto sa Trining’s Pansitan. Kaya napagdesisyunan na naming doon na lagi kumain. Kahit wala pang bakanteng puwesto, handa kaming maghintay. Malayo pa lang kami, nakikita na namin ang kamay ng anak ni Lola Trining na si Abbie na kumakaway at sumesenyas na mayroon pang bakante para sa amin. Kung ilan man kami ay nabilang na malayo pa lang.

Si Martin ang mahilig mag-aya roon. Praktikal na tao. Napaggigitnaan ng KFC, Jollibee, Chowking at Mang Inasal ang lugar, pero doon pa rin siya manghihila para makatipid. Hindi naman siya kuripot dahil kapag nag-aya siya sa DiviMall, senyales iyon na manlilibre siya ng dalawang kawaling pansit o isang kawaling pansit at isang kawaling palabok. Kami na ang bahala sa softdrinks. Minsan, may redhorse pang kaharap saka sisig bilang pulutan.

Galing kay Jane ang mensaheng natanggap ko. Nasa biyahe ako noon pauwi sa bahay nang magteks siya: may problema raw si Martin. Lagi kong kasama iyon si Martin kasi mabait, kuwela, matalino at mahusay makisama. Alam kong may gagawin pa ako pag-uwi kaya nga umuna na akong umalis, pero hindi ako nag-atubiling bumaba ng traysikel (sa bahaging hindi naman talaga babaan at sakayan dahil isang mahabang bakanteng lote lang lugar) at sumakay muli pabalik kung saan sila naroon.

Pagdating ko, nakasubsob siya. Ayaw magsalita, panay lamang ang singhot. ‘Yung laki ng katawan niyon dahil sa pagbubuhat sa gym, hindi mo aakalaing may lakas ng loob na pumalahaw kahit naririnig ng mga taong kumakain din sa paligid namin.

“Ano ba talagang problema?” tanong ko.

Iniangat niya ang mukha. Tila naghahanda sa pagsasalita. Inayos muna ang basang pisnging inagusan ng sariling luha, suminga, at sinuklay ng kamay ang buhok na bahagyang nagulo.

“Sorry, guys!” hinimas ko agad ang likod niya.

Nang mga sandaling iyon, alam kong alam na ng mga kaklase ko ang ikukuwento nito. Hindi ito iiyak nang matagal kung wala pang nasasabi maski na ano. Pero mas pinili kong maghintay, ayaw kong magtanong sa iba tungkol sa pinagdaraanan ni Martin lalo pa’t kaharap ko lang naman siya. Para saan pang magkatabi kami kung sa kaharap ko lang gustong malaman?

“Nabigo ko sila.” Tahimik kami. Hinayaan naming maging mas tahimik pa ang maraming mga patlang upang matanto niyang naghihintay kami sa bawat sasabihin niya.

Naalaala ko noong unang linggo ng klase, napakapresko ng taong ito, laging nakaporma. Wala pa siyang uniporme noon dahil transferee kaya ligtas sa paninita ng guard. Kaya halos dalawang linggo siyang parang laging may dadaluhang espesyal na pagdiriwang. Ako ang unang lumapit sa kanya. Sabi ko: “Pre, saang school ka galing?”

Ang sabi niya: sa Quezon City. Nagulat nga ako kasi ang layo, doon pala sila dati nakatira. Simula noon, naging magkaibigan na kami. Lagi ko siyang sinasamahan, siya rin sa akin. Kapag may kailangan ako, handa siya laging tumulong. Sa kanya rin ako nagpapaturo sa mga gawain sa school, mahusay kasing tao, maraming talento at maka-Diyos. Kaya hindi ako nagsising makipagkaibigan sa kanya.

Naging sikat siya agad sa school dahil magaling nga siya sa maraming bagay at guwapo. Sinabi ko nga sa kanya na naiinggit ako sa boses niya dahil ang ganda talaga kahit nagsasalita lang. Malagom na hindi naman nakakatakot pero nakakadala lang.

Tinawag ko siyang Direk dahil minsan ay siya ang naging direktor namin sa speech choir. Nagboluntaryo akong tumulong sa kanya dahil mag-isa lamang siyang nagpapasunod sa aming makukulit na magkakaklase, kaya lalo kaming naging malapit sa isa’t isa. Minsan naikuwento ko sa kanya ang tungkol sa isang bahagi ng buhay ko: ang pagkamatay ng tunay kong ina at ang pagkamatay ng kinalakhang kong ina. Kakabit nito ang tungkol sa pagsilang ko kung saan parang walang gustong umako ng responsibilidad para sa akin.

Nakikinig lamang siya pero may mga ilang tanong din, interesado siya lagi sa mga kuwento ko, iyon ang isa sa mga napapansin ko. Matapos kong magsalita, sinabi niyang gusto niya rin sanang magkuwento pero saka na raw, kapag handa na siya. Hindi ko naman pinansin iyon, ipinagpalagay kong simpleng bagay lang.

Sa gabi, pagkauwi galing eskuwela, lagi kaming magka-chat. Naglolokohan lang. Ewan, parang nasanay na rin akong mag-chat sa kanya pagkagising ko. O magkuwento kung ano na ba ang ginagawa ko mga oras na maisipan kong mag-chat sa kanya. Siya naman, hindi nawalan ng reply. Minsan iniisip ko, nababading na ba ako? Kung babalikan ko kasi ‘yong mga napag-uusapan namin sa chat, parang iba, e. Ako ang nahihiya sa sarili ko. Saka lagi akong nag-aalala sa kanya kapag sumasama ang pakiramdam niya, minsan sasamahan ko siya sa clinic.

Minsan, siya naman ang maghahatid sa akin doon. Iniisip ko na lang, nakatagpo lang siguro ako ng bagong kapatid? Ako kasi ‘yong tipo ng tao na malambing dahil naghahanap talaga ako ng kalinga ng magulang at mga kapatid. Kaya siguro ganito ako, espesyal ang turing kung kani-kanino. Sabi nga ng mga kaibigan ko, masyado raw akong sweet kahit sa lalaki. Kaya madalas, natatawag din talaga akong bading, pero hindi ako bading.

Kaya nagulat ako isang gabi nang mag-chat sa akin si Martin. Sa mensahe, parang ikinukuwento niya ako sa iba. At ang sabi: “kanina, habang nagkaklase kami, biglang kumanta si Benjie ng pagdating ng panahon. Sa parteng baka ikaw rin at ako, tumingin siya sa akin nang nakangiti. Muntik ko nang masabi sa kanya na kinilig ako.”

Hindi ko alam kung anong mararamdaman, parang bigla akong kinabahan na nalungkot na nagalit at nawalan ng tiwala sa kahit na kanino.

Ilang minuto lang, dumating ang isang napakahabang mensahe mula sa kanya na nagpapaliwanag ng lahat-lahat nang walang pagtatanggi at walang pagpapalusot. Ang mensahe ay para talaga sa matalik niyang kaibigan na nasa Quezon City, at sa paliwanag: bading si Martin at may gusto siya sa akin. Araw-araw siyang nagkukuwento sa kanyang mga kaibigan sa chat ng tungkol sa mga araw na magkasama kami’t di sadyang natatrato ko siya nang higit pa siguro sa kaibigan. Lalong gumulo ang isip ko sa mga paliwanag niya, parang nasasaktan ako na ewan. Ewan!

Matagal-tagal din kaming hindi nag-usap. Nailang ako at nahiya siya kaya sa tuwing magkakasalubong kami, pareho lang kaming nakatungo. Lahat ng magaganda naming samahan ay nawala, at walang nakapansin ni isa man maliban sa ilang sinabihan ko at mga sinabihan niya. Saksi ako sa pagbabago niya. Naging tahimik si Martin, parang ang lungkot-lungkot lagi. Naisip ko, siguro mahirap talaga kapag hindi ka na pinapansin ng dati mong matalik na kaibigan o maski higit pa roon ang dating turingan.

Ito ‘yong tinatawag na strangers again kuno.

Ako na rin ang unang nakipag-usap sa kanya, pero limitado. Hindi ko na s’ya masamahan nang kami lang dalawa. Ayaw kong dumating sa punto na muli niyang bubuksan ang usapin tungkol sa mga pinakatanging dahilan kung bakit kami humantong sa ganito sa pamamagitan ng paulit-ulit na paghingi na patawad, baka manariwa at masaktan ulit ako; para kasing ang hirap nang ibalik ng tiwala. Hindi naman ako ilang sa mga bading, si Frans, ‘yong isa rin naming kaklase, mas malala iyon, lagi akong niyayakap pero hindi naman ako naiilang. Sa simula pa lang kasi inamin na niya at halata naman. Iba sa kaso ni Martin, nauna na akong nagtiwala.

Lalaking-lalaki siya kung pagmamasdan pero nasa likod nito ang katotohanan, ang lambot, at doon ako parang nawalan ng gana dahil pakiramdam ko, nagkaroon bigla ng malisya ang bawat pag-akbay ko sa kanya, ang pakikipag-usap na halos isang dangkal na lang ang pagitan ng aming mga mukha, ang pagsasabay naming umuwing dalawa, ang madalas niyang panlilibre sa akin, at ang pagtawag ko sa kanya ng Direk at Beh naman siya sa akin. Akala ko talaga biruan lang iyon pero pagkatapos ng lahat, naging para-paraan lang pala talaga. Pakiramdam ko, ang lahat ng kabutihang ginagawa niya sa akin ay magkakaroon ng kapalit balang araw.

Pero nagkamali ako. Totoo ngang napoproseso muna ang lahat ng bagay bago ganap na matanggap. Naging mas malapit kami sa isa’t isa ngayon. Mas naging bukas ang sarili niya hindi lamang sa akin kundi maging sa lahat, hindi na siya natatakot na ipakita at ipakilala ang totoo niyang pagkatao sa aming unibersidad. Wala na siyang pakialam sa mga salitain ng iba basta kaya na niyang sabihin agad na bading siya kapag may nagtanong. Sabi niya sa akin dati: “hindi ko naman kailangang aminin na bading ako, minsan sapat na ang nakikita ng mga mata at bahala na silang humusga. Pangit man ang sabihin nila, sapat na ang ituring mo pa rin akong kaibigan at muling pagkatiwalaan pagkatapos ng lahat bilang patunay na nagkakamali sila.”

Oo, mas nakilala ko si Martin ngayon, natanto ko na wala naman palang nagbago sa kabila ng pag-amin niya sa akin at sa iba. Alam kong may iba pa siyang pinagdaraanan sa labas ng unibersidad… at ito marahil iyon. Ngayong kaharap namin siyang humahagulgol, mas nakita ko ang tapang niya. Ang bigat ng pinagdaraanan sa likod ng mga ngiting nananalaytay sa kanya sa tuwing magpapatawa. Makulit na kaibigan pero hindi maikakaila ang tinataglay niyang kadalisayan ng puso.

“Sige lang, Direk, iiyak mo lang,” pinili kong tawagin siya muling Direk hindi para paasahin o ano man, gusto ko lang maramdaman niyang hindi ako nakalilimot at hindi ako nagtatanim ng galit. Pero tila nakalimutan na niya iyon.

Sumenyas ako kay Nanay Trining. Ilang sandali lang ay inilapag niya ang tatlong bote ng Redhorse sa mesa, umuusok pa ang bunganga nitong maluwag na nakapatong ang tansan sa nguso. “Iinom tayo,” sabi ko.

Inakbayan ko si Martin, sumandal naman siya sa balikat ko. Luminga muna ako sa paligid. Natanong ko sa sarili: “hindi ba nakakahiya? Hindi ba kami mapagkakamalang mag-boyfriend nito? Hindi ba kami mapipiktyuran? Mahirap nang maging viral sa social media sa ganitong sitwasyon, lagot ako sa kuya ko.”

Gayunman, agad ding inalis ni Martin ang ulo sa balikat ko na halos nasa leeg na pala. Nagpunas ng luha at umastang walang nangyari. Magaling na siyang magpanggap ngayon. Hindi na mababakas sa kanya ang problema kahit hindi pa man ito humuhupa.

“Jie,” sabi niya. “Alam na sa bahay.” Iyon pala talaga ang gusto niyang sabihin. Ang iniluluksa niya sa harap namin.

Medyo hindi ako nagulat. Ang totoo, hindi ko alam kung paano ito nararamdaman o kung paano dapat damdamin? Hindi ko talaga alam ang ganoong sitwasyon. Pero siguro, maihahambing ko ito sa isang ako minsan na nagtago ng katotohanan matapos makipagsuntukan at makapagpaputok ng nguso ng kaklase noong high school ako. Nalaman pa rin ito ni Nanay dahil pinatawag siya ng prinsipal. Galit na galit si Nanay pero humupa rin. Minsan kasi, pagtanggap lang talaga ang pinakamabisang gamot sa parehong parte. Sinabi ko iyon sa kanya. Sabay bawi: “depende pala sa sitwasyon.” Iba kasi ‘yong sa kanya. Haha!

“Pero paano pala nalaman?” usisa ko pagkatapos kong magsalin ng beer para sa kanya at sa akin. Malamig. Uminom muna siya bago nagsalita. Nakitagay rin ang ilang babae sa amin na tahimik na nakikinig.

“Ano raw itong nababalitaan nila na bading ako? Hindi ako nag-reply.”

Patlang. Hindi ko alam ang sasabihin. Saka nagsalita si Jane: “iyon na nga, Benjie ang problema.” At ang sunod-sunod na sang-ayunan ng iba pa.

“Alam n’yo, guys, kahit 27 na ako, may takot pa rin talaga akong malaman ng pamilya ko. Kahit noong nalaman n’yo… kung alam n’yo lang ang naramdaman ko noong mga panahong iyon, muling bumalik ang galit ko sa sarili, muling nagtanong kung bakit ba ganito ako? Muling parang isa akong nabubuhay na kasalanan sa mundo na hindi ko naman talaga ginusto. Alam ni Benjie ‘yan, naikuwento ko na sa kanya lahat maging mga uring paglalandi ko dati.” At nagtawanan.

Nilaklak niya ang isang basong beer. Napalunok ako nang panoorin ko siya. Ubos! Nagtagay ulit ng puno. Nakisawsaw sa usapan ang mga babae. Hindi ko na ikukuwento. Mga payong hindi ko rin sigurado kung epektibo. Basta kinukumbinsi nila si Martin na mag-out na talaga. ‘Yong out na hindi lang sa kung kanino siya komportable kundi maging sa mga taong kinatatakutan niyang posibleng magbato ng mararahas na mga salita. Nanahimik siyang muli. Mas maingay pa ang lagi niyang pagsasalin ng beer sa baso at ang paglagok nang walang pahinga. Mababakas sa mukha niya ang pag-aalinlangan, nasa isip niya kasi lagi ang mga katagang: hindi ganoon kadali.

Nagpatuloy siya sa pagtagay. Nagsindi rin ng yosi pero inagaw ko. Medyo nainis yata. “Uwi na ako,” bigla niyang sabi.

Tumayo. Tumayo rin kaming lahat. Walang patumangga siyang umalis at mabilis na naglakad.

“Sundan mo, Jie, kami na ang bahala rito,” pakiusap ni Jane.

Sinundan ko. May sigarilyo na ulit siyang hawak noon, may sindi na. Hindi ko na pinigilan.

“Saan ka na n’yan?” nang huminto siya sa gilid ng kalsada.

“Hindi ko alam. Ewan! Hindi ko kayang umuwi.”

“Sa bahay ka na,” alok ko.

Hindi siya nagsalita. Basta lamang siyang kumilos at nagsimulang humakbang sa direksyon ng sakayan patungo sa amin. Hindi ko siya inalalayan. Namamasdan ko siyang susuray-suray sa daan. Nakatanaw lang ako. Hihithit-bubuga ng usok ng sigarilyo. May parang kapirasong tuwa akong naramdaman sa hitsura niya; parang nagkaroon ako ng isang bagong kuya na matigas ang ulo pero handa kong pakisamahan dahil mahalaga sa akin. Ganun!

Napakatahimik naming sa loob ng traysikel. Hinihintay ko siyang muling magbuhos ng damdamin pera wala, nakaidlip siya habang nakasandal sa balikat ko. Hinayaan ko lamang siyang ganoon hanggang sa marating namin ang bahay. Ginalaw ko ang ulo niya para gisingin. Nagmulat siya agad at bumaba. Medyo hulas na siya noon pero nagyosi pa rin bago pumasok ng bahay. Ayaw niya raw matulog, pero nauna pang humiga sa kama ko. Nagtabi kami. Sa kabilang kuwarto sina kuya at ang ilang pamangkin ko naman ay sa sala.

Nakaramdam ako ng kaba noon, lasing si Martin at baka may kung ano siyang gawin sa akin. Ayaw kong manakit ng kaibigan dahil napagsamantalahan ako, pero ayaw ko rin namang magpaubaya dahil malaki ang utang na loob ko. Hindi muna ako natulog. Naririnig ko siyang naghihilik. Ilang ulit ko pa siyang sinilip para siguruhin kung talagang tulog na nga ba o nagpapanggap lang. Sinampal ko ang sarili ko. Hindi ko dapat siya pinag-iisipan ng masama. Pumikit na rin ako. Magkatalikuran kami. Maihahambing ko noong dating parang hindi na ulit namin kilala ang isa’t isa, pero mas magaan ang ngayon, walang pasang hinanakit.

Naalimpungatan ako sa kanyang kalabit. Bahagyang napaiktad at agad ko siyang naaninag habang nakatagilid na nasisinagan ng liwanag na malayang pinatutuloy ng nakabukas na bintana. Simbolo ng pagtanggap kahit gaano pa ito kasakit sa pakiramdam.

“Jie,” sabi niya.

“Kuya?” sagot ko naman, bumangon ako at nagpakurap-kurap upang bigyang-laya ang mga matang makita ang nakatagong ganda ng buhay sa mga taong nahihirapang tumanggap ng sarili.

“Uuwi na ako. Ok na ako. Maraming salamat sa pagpapatuloy.”

Tinitigan ko lang siya. Maaliwas ang kanyang mukha. Mukha ng isang tunay na kaibigan at mabuting anak. Ang magandang salubong ng umagang ito ang magiging sandata niya upang malugod na harapin at tanggapin ang anumang sasabihin ng kanyang pamilya tungkol sa kanyang pagtatapat.

Good luck!

About sherald salamat