“Padyak Ni Inay”

Bakit may mga taong kung hamakin ang pagiging babae ay parang isang lalaki ang nagsilang sa kanila?

Kaninong sinapupunan kaya sila galing kung maliitin nila ang pagiging babae ay para bang higante ang tingin nila sa kanilang mga sarili?

Siguro wala pa silang nakitang mga babae na aantig sa  kanilang mga puso? Siguro hindi pa sila nakakapunta ng Danao City kung saan nagmamarka sa isip ko ang mga Nanay at Lolang nagpapadyak? Mga taong hindi ko kaano-ano pero dumurog sa puso ko? ‘Yung sa pag-upo mo pa lang sa upuan ng kanilang ‘tricicad”, ramdam mo kaagad ang pagsisikip ng iyong dibdib?

Totoo nga siguro ang kasabihan. kung sino ang madalas magpatawa, sila ang mababaw ang luha?

Ang simpatiya ko kasi nasa masa. Doon sa mga ordinaryong tao na nakakahalubilo ko sa tabi-tabi. Sila ay salat sa karangyaan, sagana sa kahirapan ~ kahirapang siyang puno’t dulo  ng kalbaryo, at kadalasan, pagwawalang-kibo?

‘Yung kahit “ultimo” na ang tingin sa ‘yo, lulunukin mo na lang, para wala nang gulo? Wala na ring ingay, mamaya bigla na lang may “humandusay” – buhay o patay?   At tiyak mag-aalala na naman si Inay.

Pero, nasaan nga ba si Inay?                                                                       ‘

Ayun, nagpapadyak. Buong umaga, buong gabi. Hindi pa ‘ata nakakabayad ng “boundary”? Kinakaya ang gutom ng sikmura. Kinakaya ang katawang pagod. Naliligo sa sariling pawis.

Bigla kang mapapa-wish?

Sana mabago na ang ang buhay ni Inay. May dumating na sanang suwerte sa buhay niya at tumigil na sa pamamasada. Minsan nga para na akong reporter tanong ng tanong sa kanila.

Tanong ko sa isa; “Nay, nasaan ang mga anak ninyo? Bakit kayo ang nagpapadyak, hindi sila?”

Sagot niya “Naku mga tamad yun! Andoon lang lagi sa piso net, dota ng dota. Kung hindi ako gagawa ng paraan, wala kaming kakainin!” Kaswal lang na pagkakasabi pero punumpuno ng panghihinayang? Sabi ko naman “Hayaan niyo Nay pag nanalo ako sa Lotto hihinto ka na sa pamamasada! Bibigyan kita ng puhunan pang-negosyo!” Napatawa siya. ‘Bakit? Pumupusta ka ba?” “Hindi palagian pero minsan pumupusta rin ho!” “Ay sana nga suwertehen ka, manalo” at kami’y nagtawanan! Mga ganitong simpleng malasakit sa kapwa, simpleng pakikihalubilo, napapadama natin na hindi sila nag-iisa. At kung nawawalan na sila ng pag-asa, ‘andoon tayo para ipaalala sa kanila na hangga’t may buhay, may pag-asa. Parang mga gulong sa pinapadyak na tricicad ni Inay, hangga’t hindi pa napa-flat, tuloy ang pasada. “Pag may pasada, may pera ang bulsa.”   Pero ang hindi ko lubos maisip, ako, isang ordinaryong tao, humahanga, sumasaludo sa kanila, pero bakit meron pa ring mga taong walang pakialam sa mararamdaman nila? Yung mga taong higante ang tingin sa kanilang sarili, wala naman kayang ibigay, simbolo mga ng bahaghari, pinapatay. At walang humpay pang hinahamak, kinukutuya at minamaliit, tayong mga babae?

Pero si David minaliit ni Goliath, sino sa kanilang dalawa ang bumagsak?

“Huwag masyadong matayog. Hindi ka puno ng niyog. Huwag masyadong bilib sa sarili. Wala ka pang napapatunayan. Ni hindi ko nga alam ang iyong pangalan? Pero si Inay ay si Tita, at si Tita ay si Ate, at si Ate ay kasalukuyang nagpapadyak, masayamg nakikipagkuwentuhan sa kanyang pasahero. Trabahong pang-tatay, pinatos na rin ni Inay para ang pamilya ay mabuhay.

Sana maipakita natin ang kahalagahan nila. Sa ngayon, ang mundo’y aayon sa’yo…pero bukas o sa makalawa, aayawan ka na nito.  Pero ang padyak ni Inay, magpapatuloy. Para sa kanyang mga anak ~ para sa’yo. At ‘yan ay huwag na huwag mong kakalimutan. Nasa loob ka man ng bahay, o, nasa daan. Nakatayo. Inaantay ang ” cicad’ na paparating…

“Nay, terminal po…”

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/. https://www.facebook.com/indayluwag/