Paano nga ba babayaran ang sakripisyo ni Nanay?

Noong bata pa ako, minsan nasasagot ko si Nanay. Minsan, nabibigyan ko siya ng sama ng loob dahil nasusuway ko siya. Madalas niyang sabihin, malalaman lang ninyo ang sakripisyo ko kapag may sarili na kayong anak.

Ipinanganak at lumaki si Nanay sa Capiz. Nakapagtapos siya ng elementarya sa edad na kinse. Nangatulong siya kapalit ng pagpapaaral sa kanya ng mga amo niya. Ayaw kasi siyang pag-aralin nina Lolo at Lola dahil ayon sa kanila, sayang lang din ang gagastusin at mag-aasawa lang din naman siya pagdating ng panahon. Naniniwala ang mga magulang niya na balewala ang pag-aaral niya dahil magiging taong bahay lang din naman siya kapag nakapag-asawa na.

Pumunta si Nanay sa Maynila at nangamuhan hanggang sa nakilala niya si Tatay. Sa edad na bente dos, kinasal sila ni tatay. Umuwi sila sa Capiz at doon bumuo ng pamilya. Anim kaming naging bunga ng kanilang pagmamahalan at ako ang pang-apat.

Si Tatay ay walang maayos na pinagkakakitaan dahil pagsasaka lang ang hanapbuhay sa amin. Wala kaming sariling lupa kaya nakikisaka lamang siya sa lupain ng iba. Minsan lang magkaroon ng hanapbuhay si tatay. Si nanay ang napakasipag. Kung saan-saan siya nakararating upang mamakyaw ng mga gulay at itinitinda niya sa palengke. Ang palengke sa amin ay napakalalayo. Ang bahay namin, 4 na kilometro ang layo sa kalsada at isang oras pa ang biyahe para madala sa palengke ang mga gulay na ititinda ni nanay. Sa isang araw, walong kilometro ang nilalakad ni Nanay at bumibiyahe ng 2 oras o mahigit pa. Masuwerte na kung naubos niya ang kanyang tinda at makapamili siya ng pagkaing babaunin namin sa eskuwelahan.

Dahil sa nakita naming sakripisyo ni Nanay, nagsikap kaming magkakapatid. Tuwing pagtatapos, ang pag-akyat nila sa entablado ang kabayaran sa kanyang sakripisyo.

Namatay si Tatay dahil sa sakit na kanser. Itinaguyod kaming anim na magkakapatid. Apat kaming nag-aaral noon. Napunta kami ng Bulacan at doon ay pinasok ni Nanay ang kahit na anong marangal na trabaho upang mabigyan kami ng maayos na buhay. Pumasok siya sa pabrika ng mga damit at bihon. Nag-alaga rin siya ng baboy, nagtinda ng mais, balut at kung ano pang maisipan niya.

Ilang beses din niyang sinubukang maging illegal sidewalk vendor sa Commonwealth noon na minsan pang hinabol ng MMDA officer dahil wala siyang permit. Umuwi siyang walang dalang pera at hindi na nila binalikan ang kanilang tinda dahil kinumpiska na ito ng MMDA.

At sa loob ng walong taon, naging janitor siya sa isang eskuwelahan sa Bulacan. Sa maliit na kitang 2,000 pesos, nagtiyaga si nanay na maglinis ng mga silid-aralan at mmagkuskos ng banyo. Minsan, mag-isa niyang niliinis ang buong eskuwelahan.

Sobrang nagsakripisyo ni Nanay kaya naman ipinangako ko sa aking sarili na hindi ako mag-aasawa hangga’t hindi ko siya nabigyan ng magandang buhay.

Nakapagtapos ako ng kolehiyo, nakapagtapos at nagkaroon ng trabaho. Sa unang sahod ko, binilhan ko siya ng salaming may maayos na grado. Nagsimula siyang magsuot ng salamin noong kinse anyos siya ngunit hindi siya nagkaroon ng salamin na sakto sa taas ng grado niya dahil inuuna muna ang kapakanan naming magkakapatid.

Nakapag-abroad ako at dumaan sa maraming pagsubok habang malayo sa pamilya. Sa halip na panghinaan ako ng loob, lagi kong iniisip ang paghihirap ni nanay noon. Araw-araw din siya nagpapadala ng messages sa akin sa roaming cellphone ko na nagpapaaalala kung gaano niya ako kamahal.

Binigyan niya ako ng lakas ng loob kaya naman lalo akong nagsumikap. Nakarating ako ng Canada bilang caregiver. Sa unang taon ko, nawalan ako ng status at nagbago rin ang batas ng Canada sa pag-sponsor ng mga magulang. Nawalan ako ng pag-asang madadala ko si nanay dito sa Canada. Iyong inipon ko sa pag-sponsor kay nanay, ipinadala ko sa Pilipinas at inihulog ko sa isang house and lot.

Mother’s Day noong 2012 nang lumipat si Nanay sa bahay na nabili ko. Umiiyak raw siya at hindi makapaniwala dahil iyon ang kauna-unahang bahay namin. Dati kaming nakatira sa maliit na bahay na gawa lamang ng kawayan na nakatayo sa lupain ng kamag-anak namin at tuwing bagyo ay laging nagigiba o natutumba.

Nagpatuloy ako sa pangarap kong mabigyan pa ng magandang buhay si nanay. Kung nagsikap siya noon para sa amin, nagsikap din ako para sa kanya ngayon. Nang makuha ko ang aking permanent resident status dito sa Canada, nag-ipon ako at inimbitahan siya rito.

Sa kasalukuyan, naririto si Nanay sa akin sa Canada kasama ko. Kung iisipin, mahirap paniwalaan na si nanay na dating janitor lang at grade 6 lang ang tinapos ay nakarating ng Canada. Natupad ko ang pangarap ko na hindi muna mag-aasawa hangga’t hindi ko siya nabigyan ng magandang buhay.

Minsan, tinatanong ko ang sarili ko kung nabayaran ko na ba si nanay sa lahat ng sakripisyo niya sa akin (aming magkakapatid) pero alam ko sa sarili ko na kahit ano pa ang ibigay ko sa kanya, hindi ko masusuklian ang kanyang sakripisyo. At ngayong nabigyan ko na siya ng magandang buhay, ipinangako ko naman sa aking sarili na hanggang sa kanyang pagtanda, siya ay

IINGATAN KO!

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.