“Paano kami aasenso?” [Hinaing ng isang OFW]

Image by geralt via Pixabay

Marahil ay marami rin ang makaka-relate sa kuwentong-liham na padala ng isang OFW na itatago natin sa pangalang Juan dela Cruz. Kung OFW ka rin, maaari ka ring magbigay ng iyong payo sa kanya kaugnay sa sarili mong karanasan. ^_^

Dear MJ,

Tawagin po ninyo akong Juan Dela Cruz, isang OFW at walong taon nang nagtatrabaho sa labas ng bansa. May asawa ako’t apat na anak. Dalawa ang high school at dalawa ang nasa kolehiyo.

Wala pa po kaming sariling bahay; umuupa pa rin at wala ring naiimpok. Kung tatanungin po ako, pagod na po akong magpabalik-balik sa abroad, ngunit hindi pa tapos ang aking mga anak sa pag-aral at wala pa rin kaming bahay kahit maliit lamang. Minsan po, halos hilahin ko na lang ang katawan ko sa pagbangon araw-araw upang magtrabaho. Nakasasawa rin po kasi ang mamuhay nang malayo sa pamilya.

Nade-depress po ako kaya ako sumasangguni sa inyo. Paano po kaya ako sisigla sa pagtatrabaho at paano kaya kami makapag-iimpok ng aking pamilya upang maging possible na kami ay magkabahay?

Image via iStock

Gusto ko sanang bago ako manghina ay may maganda na ring naibunga ang aking sakripisyo bilang OFW. Mababa po lamang ang aking pinag-aralan kaya nga pangarap naming mag-asawa na maging propesyonal ang aming mga anak; upang maiba ang kanilang buhay sa aming pinagdaanan.

Malapit na po akong umuwi upang magbakasyon ng dalawang buwan sana; kaya lang sayang ang isang buwang sahod kung hahabaan ko ang aking pahinga. Sa aking pag-uwi, nais ko sanang pulungin ang aking mag-iina dahil sa walong taon ko sa abroad ay parang marami na rin akong idinadaing sa aking katawan.

Ano po kaya ang mainam na gawin namin bilang mag-anak upang maging maiksi na lamang ang aking pagiging OFW? At sana’y makapagpundar rin kami ng sariling bahay sa sarili naming lote.

Ang anumang maipapayo n’yo ay malalim kong pag-iisipan bilang paghahanda sa aking pag-uwi.

Maraming-marami pong salamat, MJ.

Gumagalang,

Juan dela Cruz, OFW

***

Dear Juan Dela Cruz,

Kahanga-hanga kang ama, Juan! Tanggapin mo ang aking pagsaludo! Napakasarap sa damdamin ang makakilala ng kagaya mo na ang pangunahing layunin sa pagsasakripisyo ay upang maitaguyod ang edukasyon ng mga anak, at ang kapakanan ng iyong pamilya, upang magkaroon sila ng mas magandang kinabukasan. Napakarami na rin kasing ama sa panahon ngayon ang tumalikod sa kanilang pamilya upang makisama sa iba o kaya’y magbuhay binata. Woohoooo!!! Isa kang karangalan sa lahing Filipino!

Una, huwag mong iisipin na walang nangyari sa walong taon mong pagsasakripisyo. Hayan, masdan mo ang iyong mga anak na nagsilaki na at nag-aaral. Malapit-lapit nang makatapos ang dalawa at sa iyong pahayag ay tila wala ka namang ibang suliranin (kaperahan lamang ^_^). The fact na nabuhay mo ang iyong mag-iina sa iyong sariling pawis at marangal na pagtatrabaho, aba, isa nang malaking achievement ‘yan ah. Napag-aaral mo pa. Siguradong ikinararangal ka ng iyong mag-iina.

Pangalawa, tama lang ang iyong pag-aalala sa iyong kalusugan at pangarap na bahay. Iba kasi talaga kapag may sarili kang kaharian, gaano man ito kasimple. Walang kahit sino ang maaaring magpalayas sa inyo kung kayo ay may sarili nang tahanan. At masarap ang pakiramdam kapag alam n’yong ito’y katas ng inyong pagsisikap, ‘di ba?

Imahe mula sa DepEd-NegOr

Sa iyong pag-uwi, mabuti nga ang naisip mong pulungin sila. KOMUNIKASYONG BUKAS (open communication) kasi ang pangunahing susi tungo sa mabuting relasyon ng mag-anak na nagkakaunawaan. Maganda iyan.

Tungkol sa pag-asenso ng pamilyang OFW, bibigyan lamang kita ng ehemplo. Dalawang pamilya ng OFW ang hinahangaan ko. Ang isa ay nasa Saudi at ang isa ay nasa South Korea. Tatlo at apat ang kanilang mga anak. Bunso na lamang ang nag-aaral sa taga-Calamba at magtatapos naman ang panganay ng taga-Batangas.

Ano ang hinahangaan ko sa kanila?

Unang-una na po ay DISIPLINA. Pareho pong may disiplina ang dalawang mag-anak at hindi lamang ang mga padre de pamilya. Ang dalawang pares ng mag-asawa ay may komunikasyong bukas, kasama ng kani-kanilang mga anak. Coincidence rin po; pareho silang puro lalaki ang mga anak. ^_^

Pareho na po silang may sariling bahay at sasakyan. Pampasadang jeep sa isa at kotse naman sa pangalawa. Pareho silang may service na motorsiklo upang panghatid-sundo o kaya’y para sa pamamalengke. Pareho na rin po silang may naitatabi at may maliit na negosyo.

Si Calambeno (55 na) ay malapit nang umuwi for good; isang taon na lang kasi ang kanyang bunso bago maging electrical engineer. Plano niyang impukin ang kanyang kita sa huling kontrata para sa isang negosyo na kasalukuyan na nilang pinag-aaralan (feasibility study).

Si Batangueño (40 years old) ay medyo magbibilang pa ng ilang taon, ngunit hindi niya hihintaying maka-graduate ang kanilang bunso na 10 years old pa lang ngayon bago siya mag-for good sa Pinas. Nasimulan na nilang mag-asawa ang isang maliit na negosyo habang nasa abroad siya at magkatuwang ang kanyang asawa, biyenan at panganay na anak sa computer shop na kanilang itinayo at mahigit isang taon na ito.

Paano nila nakamit ang medyo maalwan nang pamumuhay?

>>>> Disiplina at pagkakaroon ng mga plano.

Imahe mula sa DepEd-NegOr

“Walang sinuman ang nagpaplanong mabigo, ‘di ba; ngunit marami ang nabibigong magplano.”

Narito ang ilang nailahad nila sa akin. Isasali ko sana sila sa contest bilang huwarang OFW, pero hindi ko naihabol. ^_^

– Sa bawat pag-alis ng amang OFW, may malinaw na silang target – goal setting – at malinaw na usapan kung paano nila makakamit ang tinatarget sa pag-alis na iyon. (Hal. Una, lupa. Sunod ay patayo ng bahay. Sunod ay pagbili ng sasakyan, atbp).

– Member sa SSS, Philhealth at Pag-ibig ang dalawang pares, kaya’t madali silang nakakuha ng housing loan. Parehong katamtamang laki ang konkretong bahay ng bawat isa, ngunit maganda ang yari. Simple lamang ang loob ng bahay, ngunit kumpleto sa mga kagamitang appliances.

– Super tipid ang kanilang mag-anak; walang anak na materyoso. Walang nagbibisyo sa kanilang mga anak; pati ang ama nila. (Walang alak, sigarilyo, sugal o anupaman.) Sa pag-uwi ng padre de pamilya itinataon ang simpleng family outing upang makapag-bonding.

– Nagtrabaho pa rin sa pabrika ang ginang na Batangueña sa unang 2 taon at nagnegosyo na sa ikatlong taon ng pag-aabroad ni mister. Nagnegosyo naman ang ginang na taga-Calamba. Nangako ng katapatan ang bawat kampo at regular na nag-cha-chat o nag-uusap upang huwag mapabayaan ang kanilang relasyong mag-asawa.

– Nang makatapos sa pag-aaral ang tatlong anak ng Calambeño (puro inhinyero), bawat nakapagtatrabaho ay ibinibigay nang buo ang kanilang suweldo sa kanilang ina at binibigyan na lamang sila ng lingguhang allowance. Sinisinop ng kanilang ina ang kanilang kinikita at bawat binibili ng mag-anak ay may pagpayag muna ang lahat. Nakabili sila ng pambiyaheng jeep at ito ay kumikita. ^_^

Sa ngayon, nag-asawa na ang panganay (edad 27) at may sarili nang buhay na maayos. Binata pa ang dalawa at isang taon na lamang sa kolehiyo ang bunso.

– Itinatala nilang pareho ang kanilang mga gastusin at pangangailangan upang nakikita nila kung saan napupunta ang kanilang mga ginagastos. Sa paraan ding ito ay inaalam nila ang kanilang mga kinakailangang halaga para sa bawat target. Proper budgeting ang tawag dito.

– Parehong malakas ang kapit sa pananampalataya ng dalawang mag-anak. Parehong masayahin at palabiro ang dalawang OFW; positibo ang pananaw sa buhay at may health regime. Naglalaan sila ng oras sa ehersisyo at sports. Nagba-bike ang nasa South Korea upang mapangalagaan ang kanyang pangangatawan.

Nakita ko kung gaano kagagalang at karesponsable ang kanilang mga anak. Naniniwala ako na ito ay dahil sa nakita nila ang mabuting ehemplo mula sa kanilang mga magulang. Generally po kasi, ang mga anak ang repleksyon ng kanilang mga magulang.

Mahirap kung ikaw lamang ang nagsisikap na makaipon at makapagtipid. Kailangan lagi ng teamwork ng buong pamilya. Mas mainam kung magsisikap ang iyong mga anak na magkaroon ng scholarships.

Sana ay nabigyan kita ng inspirasyon sa iyong pagsisikap, Juan. Dalangin ko ang iyong magandang kapalaran. God bless you po.

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!