“Paano Ba Pag May Sakit Ang Isang OFW?”

Image by DF Blogger Jovelyn

sickkkHindi ko na alintanang basang-basa na ang unan na siyang lagi kong kaulayaw sa buong magdamag.

Punong-puno na ng luha sa labis na pamimilipit sa sakit ng tiyan.

Halos hindi na makagulapay at iilang araw na rin na nagtatrabaho kahit sobrang sama na ng pakiramdam.

“Your stomach is not good? Okay, eat only yogurt and banana,” bilin ng amo ko sa akin.

Halos hindi na ako makapagtrabaho nang maayos ay sunod-sunod pa rin ang utos sa akin.

Talagang hindi na ako makatiis kaya naman sa ikatlong araw ay nagmamakaawa na ako at lumapit sa aking madam.

“My stomach is still not good. Please give me medicine.”

“No medicine, eat this boiled rice only, ” sabay talikod sa akin.

Kaya naman sa sobrang panghihina ko ay hindi na talaga kinaya pa ng aking katawan ang makabangon sa ikaapat na araw na hindi tumitigil ang pagbabawas at pagsusuka ko.

Ang buhay abroad kung mahirap man sa araw-araw ay masasabi kong mas malupit na animo’y parusa kapag tinamaan ng karamdaman ang isang OFW.

Lalo na sa pansariling karanasan ay nagkatagpo ng amo na hihintayin pang malala na ako, at saka pa lamang dadalhin sa doktor na kung tutuusin ay may-ari ng pagamutan.

Ilang beses na nga bang ako ay nagkasakit at animo’y isa akong manghuhula at naglalaro ng doktor-doktoran; sapagka’t kapag may ubong malala o ibang nararamdaman ay talagang mag-isa kong iniisa-isa ang kanilang mga gamot na nakakalat o sa lagayan nila. Tinitiyak kong magiging sakto sa akin ang gamot na iyon.

Nairaos ko ang dalawang taon ko sa ganoong paraan. Sadyang minsan, sa sobrang sakit ng ulo at walang makitang gamot ay natuto akong mag-natural healing. Kaya lahat ng mga simple o malalang nararamdaman ay nagawa kong malunasan nang mag-isa ang mga iyon.

Bukod pa sa naging ganun ang sitwasyon ko, labis pang nakapanghihina kung may kasama ka ngang kalahi ay wala man lamang kahit kaunting malasakit at walang pakialam.

Kahit pabalat-bungang pagtatanong kung ano na ang nangyari sa akin ay wala. Ngunit sadyang ganyan kaya nga kapag nag-abroad, tiyaking kahit anong mangyari laging tatandaan na sarili mo lang ang puwede mong asahan.

Kaya naman ito ang masasabi ko….

Kapag nagkasakit ka rito sa ibang bansa :

  •  ikaw pa rin ang magluluto o bibili ng pagkain mo kung nagkataon na walang pakikipagkapwa ang kasamahan mo.
  •  kakailanganin mo talagang tumayo kahit hindi mo na kaya para asikasuhin  ang sarili mong pumunta sa pagamutan nang mag-isa o bumili ng gamot mo kung talagang wala kang mapakikisuyuan.
  •  malas ka talaga kung numero unong kuripot ang amo mo at hindi ka makuhang ipagamot at mabilhan agad ng gamot kung hindi ka pa malalang-malala.
  •  dahil sa hirap ng dinanas mo sa amo mo ay tumakas ka; hindi alintana na kapag ikaw ay nagkasakit ay kung wala kang maipapakitang “residency ID” tulad ng IQAMA, Pataka ID etc. ay hindi ka basta-basta tatanggapin ng mga pagamutan at hindi ka talaga matitignan.

Kaya ito rin po ay paalala sa mga TNTs nating kababayan lalo na sa Gitnang Silangan.

Kapag nagkasakit ka rito sa ibang bansa at ikaw ay kinakailangang manatili sa hospital, dito mo mararanasan na hindi uso ang pagdalaw ng mga kakilala o kaibigan. Ramdam mo ang sobrang pag-iisa at kaawa-awang kalagayan. Suwerte ka na lamang kung ang mga kasamahan mo sa kumpanya ay dadawin ka o bibigyan ka pagmamagandang-loob. Mayroon pang iba na dahil sa malalang kondisyon ng isang OFW ay bigla na lamang aabandonahin ng kaniyang amo.

Oh! Kay pait ng kapalaran!”

Kapag nagkasakit ka rito sa ibang bansa ay labis na hambalos ng “homesickness” ang iyong mararamdaman. Dito mo masasabi sa sarili mo na, “Sana nandito si Inay upang gawan ako ng mainit na sopas. Sana nandito si Mahal para madala ako sa pagamutan. Sana nandito si Kuya na bibili ng mga gamot ko. Sana nandito ang mga kaibigan ko para madalaw ako sa pagamutan. Maraming sana kasabay ng sandamakmak mong luha.”

Kapag nagkasakit ka rito sa ibang bansa ay pinipilit mong sarilinin ang lahat ng nangyayari sa iyo, at iniiwasang makarating sa mga mahal sa buhay ang kalagayan upang hindi sila magkaroon ng mga agam-agam.

Ngunit kadalasan kapag nasa ganun kalagayan ay ginagawa mo pa ring tumawag sa kanila upang kahit boses man lamang nila ay mapaghugutan mo ng lakas upang malabanan ang karamdaman.

Ngunit minsan sadyang kahit na ang simpleng pagtawag na iyon ay puro daing nila sa hirap ng buhay at paghingi ng panggastos pa rin ang paulit-ulit na sambit, nakasasakit lalo ng loob na hindi ka man lamang nakumusta. Ngunit lahat iyon ay tanggap mo  sapagka’t sila ay pinakamamahal.

Kaya naman, masasabi mo na lamang sa iyong sarili, “Oh! Sakit, layuan mo ako!” ^_^

#DFBI   #DFBloggersIntl   #DFBloggerCluelezz