Paano Ba Ang Maging Ina?

Paano ba ang maging ina?

Pagmamahal, pag-aaruga at paglalambing, kanino ba natin ito unang nadama?

Masyado pa man tayong bata at sabihan nang wala pang muwang sa mundo… hindi maipagkakaila na ang kanyang hele ang nagpapahimbing sa ating pag-idlip. Tagos sa puso ang pakiramdam ng kaniyang paghaplos.   Kung kaya’t nababalisa tayo sa kaunting sandaling siya ay napapalayo. At sa tuwing siya ay maaaninag, may kung anong pakiramdam na nagbibigay sa atin ng kagaanan at ngiti.

Ang paglipas ng araw at panahon ay may kasamang  pagbabago ngunit hindi kasama dito ang mataas na pagtingin ng ina sa kanyang anak.

“Gaano kasakit sa isang ina ang hindi maibigay ang pangangailangan ng kanyang anak?

Marahil kung mayroon lamang silang kilalang ina na kayang higitan ang kanilang pagmamahal at kayang ibigay lahat ng ating gusto, matagal na nilang hiniling sa Diyos, na sila na lang  sana ang ating naging ina.

Ano bang meron sa anak at hindi nila tayo matikis? Matinding hirap man ng kanilang pinagdaraanan dahil sa atin. Kulang man tayo ng panahon sa kanila at tila hindi sila pinapansin maging ang kanilang mga payo. Unahin man natin ang ating barkada o magpakita ng katigasan ng ulo. Sinasagot sa t’wing pinangangaralan o nagdadabog sa t’wing inuutusan. Sa kabila ng lahat ng ito tayo pa rin ang kanilang kaligayahan. Sa harap ng maraming tao. Tayo pa rin ang kanilang ipinagmamalaki. Sa harap ng kaniyang mga kumare at kakilala – ang anak nila ang laging ibinibida.

Wala silang gagawin at sasabihing masama. Dahil  sila ang unang nagdaramdam sa tuwing tayo ay tinutukso. Sila ang unang sumusugod sa tuwing tayo ay napapalaban. Sila ang unang nasasaktan sa panahong tayo ay bigo. Sila ang unang tumatangis  sa panahong nawawalan tayo ng pag-asa.

Ganito ba ang maging ina? Ang italaga ang sarili para lamang sa supling niya?

Ang kanilang mga ngiti ay ubod tamis. Habang ang damdamin nila ay patagong humuhibik. Lahat kaya. Lahat kanilang kinakaya. Binubusog nila tayo habang pinagkakaitan ang sarili. Pinag-aaral ng buong inam habang babad ang katawan sa matinding trabaho. Salat sa oras sa sarili at hindi halos magkandaugaga sa maghapong gawain. Ngunit ni minsan, ni hindi mo sila maririnig na umaangal. Ni hindi sumagi sa isip nila na pahirap tayo sa kanila,  dahil sila ang unang tumatawa sa tuwing nakakita nila tayong nakangiti. Doble ang kanilang kasiyahan kapag nakikitang hindi tayo nahihirapan. Higit sila ang unang nagdiriwang ng tagumpay sa tuwing nasusunod ang ating mga kagustuhan sa buhay

Ganito pala kadakila ang maging ina! Handa nilang bitiwan ang kanilang buhay alang alang sa pinakamamahal nilang anak. Ngunit ang anak, ano kaya ang kayang gawin para sa kanilang ina?

Minsan sa isang taon lamang kung sila ay pahalagahan. Mayroon pa nga  na ang ilan ay nakakalimutan. Sa araw na ito, hayaan nyong kami naman ang magbalik pasasalamat sa lahat ng inyong kabutihan. Para sa inyo po ang akdang ito, para sa mga inang naulila, para sa mga inang nangungulila, para sa mga inang tinakasan ng bait sarili dahil sa matinding pag-aalala sa kinabukasan ng anak, para sa mga inang naiwan at naihabilin sa bahay ampunan, para sa mga inang napalayo at lumayo dahil sa malalim na kadahilanan, para sa mga inang ibinuwis ang buhay mailuwal lamang ang kanilang sanggol sa sinapupunan, para sa mga inang napiit sa bilangguan sa pagtatanggol  sa kanilang anak, para sa lahat ng may pusong ina, dalagang ina, nais maging ina at magiging ina.

Mga Ginang, butihin, mga giliw at Ilaw ng Tahanan. Dakila po kayo! Saludo kami sa inyo.

At hanggang may mga sanggol na isinisilang sa mundo… ang bawat araw ay mananatiling ARAW NG MGA INA.

– inkblot83

Enhanced by Zemanta

1 Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.