Paalam

7:58 AM na. Kailangang makapag-clock-in bago pa mag-alas otso ng umaga. Paniguradong tatagaktak na naman ang pawis sa pagtakbo at pagbaba ng hagdan upang hindi makaltasan ang sahod. Sahod na apat na taon nang walang dagdag. Dagdag na sa panaginip na lang nangyari.

Pero … ano ba ang dapat kong gawin? Kailangan bang sumipsip sa mga taong mas mataas ang posisyon sa akin? Kailangan bang manatili sa opisina hanggang alas-diyes ng gabi upang masabing nagtatrabaho?

Puwede siguro. Pero, putek … hindi ko gagawin. Ako na sa tingin kong efficient at may output araw-araw. Ako na sa tingin kong productive nang walang pagpapanggap. At ako na sa tingin kong ginugugol ang kalahati ng buhay sa pagtatrabaho para sa kakapiranggot na sahod. Pero… opinyon ko lang yun. Iba sa opinyon nila.

Naniniwala ako na walang maling desisyon sa buhay. Ito ay depende kung paano ka lang manindigan. Lahat tayo ay may choice. Choice na sa tingin nating tama sa mga panahong tayo ay agrabyado. Choice na sa tingin nating mas makakabuti para sa atin. Choice na sa tingin nating hindi tayo iniiwan at palaging naghihintay.

Bukas makalawa, ako rin ay aalis na. Aalis sa lugar na inakala kong maayos at may ginhawa. Aalis sa lugar kung saan nasukat ang pasensya at nawalan ng kumpyansa sa sarili. Aalis sa lugar kung saan maraming masasayang ala-ala kasama ang mga piniling kaibigan. Kaibigan na nahihingahan araw-araw ng sama ng loob dahil sa mga taong nangungutya, nag-uutos at mababa ang tingin sa mga taong nagtatrabaho kasama nila. Kaibigang mas pinili ring umalis at pumunta sa lugar na sa tingin nilang mas makakabuti para sa kanila.

Ano man ang mangyari sa napiling propesyon… ano man ang mangyayari sa paninindigang desisyon, wala akong ibang masasambit sa ngayon kung hindi… “Paalam”.

SONY DSC
SONY DSC

About baconcon

Hamak na manggagawa na gustong makibaka sa simpleng pamamaraan. Kagaya ng pagsusulat. Pero... frustrated.