Oy oy oy, Jinggoy! (An Open Letter)

Source: getrealphilippines.com
Source: getrealphilippines.com
Source: getrealphilippines.com

Dear Senator,

Gaya ng Open Letter ko sa ka-kosa mong si Bong, may mga bagay din akong nais sabihin sa ‘yo.

Una, hindi ko lubos maisip kung saan mo hinuhugot ang lakas ng loob na magbulsa ng pera habang ang mga taong nangangailangan ng salaping ‘yan ay lalong nagiging mahirap — lalo silang nilulugmok ng kahirapan habang ikaw at ang pamilya mo ay nagpapakalunod sa pera.

Kung maaalala mo, Nobyembre noong nakaraang taon nang sinalanta ang mga kapatid natin sa Visayas ng bagyong Yolanda, isama mo pa ang mga naghihinagpis na mga Pinoy dahil nabiktima din sila ng lindol bago pa ang bagyo.

Sa totoo lang noong mga panahong ‘yun, ayoko nang manood ng TV dahil hindi ko mapigilang umiyak sa nangyari sa mga kapwa ko Pinoy. Ang mga pagtangis, ang mga sigaw at garalgal na boses ng mga taong nawalan ng mga mahal sa buhay, tirahan, kabuhayan at higit sa lahat ay ng kanilang kinabukasan ay bumabagabag sa akin.

Nasira ang mga paaralan na tutulong sana sa mga kabataan na maabot ang kanilang mga pangarap. Nasira ang mga kabuhayan at negosyo ng mga kapatid nating pinipilit mabuhay nang disente at marangal upang may maihain sila sa kanilang hapag-kainan.

Nakikita ko lang ‘yan, pero paano kung ako na ang isa sa mga biktima? Paano ko ibabangon ang aking sarili kung ang nasa paligid ko ay mga bangkay, pagtangis, nasirang pangarap at mga luha ng pighati?

Mahirap. Maaaring maging desperado din ako sa buhay. At paano nga kung ikaw din kaya ang nasa kalagayan nila Senator, anong gagawin mo? Anong mararamdaman mo?

Ano ang magiging reaksiyon mo kung isa ka sa mga biktima at ang choice na lang na mayroon ka ay maghintay ng tulong?

Alam mo na may budget ang gobyerno, hindi naman tanga ang mga Pinoy para ‘di nila malaman na meron tayong Calamity Funds. Anong gagawin mo kung sa gitna ng depresyon at desperasyon ay wala kang makain, wala kang bahay, wala kang makapitan, wala kang ibang magagawa kung hindi ang maghintay ng tulong na ang tagal dumating? Ang hirap, di,ba?

Kaya hindi ko maintindihan kung bakit ang isang mambabatas na gaya mo ay kayang magbulsa ng milyon-milyong halaga samantalang may mga Pilipinong mas nangangailangan niyan. May mga Pinoy na mas karapat-dapat diyan. Hindi n’yo po ba maipagpapaliban ang korapsiyon? Hindi n’yo ba matiis ang kati na hindi mangupit sa kaban ng bayan habang may mga taong nangangailangan kung saan ang perang ‘yan ay nakalaan? Natabunan na ba ng Peso sign ang konsensiya n’yo po kaya hindi na kayo nag-aalinlangan at kinakabahan?

Sabihin na natin na hindi ka pa proven na guilty sa kaso laban sa ‘yo, ngunit hindi naman mailalagay ang pangalan mo sa listahan (NASA TOP THREE PA) kung wala ka talagang ginawa. Hindi ako nanghuhusga, ngunit hindi ko lang maatim na ang oras na dapat ay nagtutulungan ay ginagawang oprtunidad para manlamang. Mahirap na, naghihirap na, nilulugmok n’yo pa. Habang ang mga ordinaryong Pilipino ay nagtutulungan na mag-ambagan para makalikom ng donasyon, kayo naman ay kampanteng nakaupo dahil makapal na ang perang nasa inyong bulsa.

Ang budget sana na nalikom mo sa bulsa mo ay marami nang mararating, hindi lang sa sariling funds mo. Hindi ko ibinubunton sa ‘yo lahat ng sisi at kasalanan ng korapsiyon kasi hindi naman talaga dapat. Ngunit ikaw, bilang isang mambabatas at may access sa pondo ang isa sa inaasahan ng mga taong bayan na makatulong sa mga biktima.

Kailan lang ay may post pa ang anak mo ng kanyan luxurious life style. Impressive. Well, I find it insulting. Habang ikaw ay lilitisin sa pagbulsa ng kaban ng bayan, ang isa sa mga anak mo ay nag-po-post ng ganon kagarbong pamumuhay?

Wala naman akong say dun kung hindi ako isa sa mga religious tax payers sa bansa. Para bang sinasampal pa niya sa mukha naming lahat ang mga bagay na “binili namin para sa kanya”. Hindi ako fan ni DJ Mo, pero nung nag-away away sila ng mga anak mo sa Twitter, sang-ayon ako sa opinion niya laban sa pamilya mo.

Source: philnews.ph
Source: philnews.ph

Ang isang bagay lang na ikinatuwa ko sa ‘yo ay hindi ka kasing arte ni Bong na napakaraming drama at eksena sa selda. Napataas lang ang kilay ko dahil nagre-request ka ng cable TV para makanood ng teleserye at iba pang balita? At ang tatay mo nag-rerequest ng air-con kasi kawawa ka naman daw sa selda?

Kabaliwan. Isipin n’yo na lang na lahat ng comfort ay ini-advanced n’yo na and it’s payback time.

Mga botante ang nagluklok sa ‘yo sa Senado at ikaw ang nagluklok sa sarili mo sa preso na kinabibilangan mo. Silang mga botante na naniwala sa ‘yo pero pinagsamantalahan mo. Sila ang mga taong pinangakuan mo, pero pako lang pala ang napala sa ‘yo.

Pagod na kami sa issue ng korapsyon at sisihan. Nakasasawa na ang pagmamalinis at pasahan ng kasalanan. Puwede bang umamin na lang nang matigil na? Hindi kabawasan sa pagkatao ang pag-amin. In the first place, nakinabang ka naman (tiba-tiba pa).

PS: Alam mo naman na non-bailable ang kaso mo, huwag ka naman na sanang umapila sa korte para magpiyansa. Kasi saan mo na naman kukunin ang pangpiyansa mo? Hindi ko maiwasang isipin na kukunin mo ito sa perang naibulsa mo na galing sa pawis ng mga mamamayan kagaya ko.

About PirmaAtPluma

Mahilig Sa Yellow, pero hindi kay Pnoy|| Madaldal|| A Fan of MSK, RAGubalane, Mike Portes, Kara David and akoposijayson || Fan ni Bob-Ong|| Proud Pinay|| Adik sa Clash of Clans