Oplan Palit-Pangalan

Paano kung nagkatuluyan si Ricardo Pecpec at Linda Masikip? Ano kaya ang magiging hypenated surname ni babae?

Sagot: Linda Masikip-Pecpec

Nakakatawa, ‘di ba? Bunga lang ng malikot kong isip si Linda Masikip-Pecpec pero TOTOONG may ganyang mga apelyido sa Pilipinas. Sa katunayan, ang mga Pecpec ay tubong Ilokos at ang salitang “pecpec” sa lumang Ilokano ay nangangahulugang “basket” na umaapaw sa prutas. At ayon na rin sa documentary ni Howie Severino na pinamagatang “Sa Ngalan ng Pangalan”, ang mga ninuno ng mga Pecpec ay mga bayaning kasamang nakipaglaban ni General Artemio Ricarte noong panahon ng digmaan. Mayaman man ang nakaraan, hindi talaga maiiwasan sa panahong ito na maging sentro sila ng tuksuhan at tawanan.

Ano ba talaga ang meron sa pangalan? Gaano ito kahalaga sa araw-araw nating pamumuhay?

Noong bata pa ako, isinama ako ng nanay ko sa isang seminar na hindi ko na maalala kung tungkol saan. Antok na antok na ko noong mga oras na ‘yun pero bigla na lang akong nagising nung tinawag na ang pangalan ng speaker. “Let’s give a round of  applause for our guest speaker, Ms. BETH BAHO..” Kinagat ko na lang ‘yung dila ko para pigilan ‘yung tawa ko pero ang bangis kasi ng apelyido nya eh. Meron din akong naaalala na ipinalabas sa balita noon tungkol sa isang pamilya na may apelyidong  BOBO. Ewan ko ba. Siguro kung ako ‘yun, tatamarin na akong mag-aral kasi kahit anong aral ko, Mr. BOBO pa rin itatawag sa ‘kin ng mga guro ko. Ang saklap.

Wala rin siguro akong karapatang humagikgik kasi naman, ang apelyido namin ay medyo awkward din gaya ng sa kanila: BATONGBAKAL. Pinagsamang BATO at BAKAL, saan ka pa? ‘Di ko na nga mabilang kung ilang beses akong kinantyawan na Rock Metal, Stone Steel, Stone Metal, Annie Batungbakal, Botangbakal, Batumbakla, Bato na Bakal pa, Bato-bato at marami pang iba. Noong bata pa nga ako, lagi kong kinatatakutan ang graduation at checking of attendance kasi hindi ko maiwasang tuksuhin ako ng mga kapwa ko batang makikitid pa ang isip. Habang lumalaki, napapansin ko na mas marami ng tao ang walang pakialam sa apelyido ko kaya ok lang sa akin na tuksuhin ako paminsan-minsan ng mga closed friends ko. Wala rin naman akong choice kasi lalaki ako at habambuhay ko ng dala ito (maliban na lang kung papalitan ko sa korte). Pampalubag loob ko na lang siguro na BATONGBAKAL ang apelyido ko at hindi BAKAL dahil kung naging babae ako at nakatuluyan ko ‘yung isa kong classmate ko na BOTE ang apelyido, malamang BAKAL-BOTE ang magiging hypenated surname ko. Mas masaklap.

Bakit pa kasi ipinakalat ni Gob.Hen. Narciso Claveria noong Nobyembre 21, 1849 ang Catalogo Alfabetico de Apellidos sa mga mamamayang Pilipino para magkaroon sila ng mga apelyido? At bakit naman kasi sa dinami-dami ng mga apelyidong pwedeng piliin, Batongbakal pa ang napag-tripan ng mga ninuno ko?

Siguro nga gusto lang nilang maging kakaiba ang angkan namin. Pwede na rin sa ‘kin kasi mas gusto ko ang English translation na StoneSteel para sa apelyido ko kaysa sa STUPID o MORON. Isa pa, hindi lang naman ako ang nag-iisa sa Pilipinas na may “kakaibang” pangalan. Heto ang ilan sa kanila:

(Paalala: Lahat po ng apelyidong ito ay hindi po kathang-isip lamang. Ito po ay mga totoong apelyido ng mga Pilipino)

1.  BAGONGGAHASA. (tubong Paete, Laguna).  Dyahe siguro kung babae ka tapos tatanungin ka ng Prof. mo, “Ms. Bagonggahasa, ok ka lang ba?”

2. SEMILLA. Kahit ako, maiinis kapag tinawag ako ng boss ko ng “SEMILLLLLLLLLLA” Pwede first name na lang? Pero ok na rin sa ‘kin ‘to kasi parang hawig lang sya ng SEVILLA. Huwag lang sanang maikasal ang babaeng Semilla sa lalaking De Regla dahil kung hindi, magiging Semilla-De Regla ang apelyido ni babae. Ang sagwa kayang pakinggan.

3. DIMAGIBA, DIMAAPI, DIMAANO. Sige na!Kayo na! Kayo na lahat! Pero may narinig na rin akong BASTOS at DIMAKAISA ang apelyido. Maganda rin syang maging combo: BASTOS-DIMAKAISA. Wahaha!

4. DATINGGUINOO. Hindi masyadong magandang pakinggan para sa mga barako at pati na rin sa mga binibini. Kung barako ka, tatanungin sa ‘yo, “So, PILIPINO ka dati pero PILIPINA ka na ngayon?” na may kasamang pagbibiro. At kung babae ka, “So, dati ka palang lalake?”  ang ibabanat naman  sa ‘yo na may kasamang halakhak.

5. PERFECTO/MONROY. Wala namang masagwa sa dalawa pero kung uulit-ulitin, may pagkaweird na ang dating. Gaya na lang ni Perfecto Perfecto (pareho ang  first name at surname, sya na ang perfect!) at ni MON ROY B. MONROY (medyo tinamad lang siguro silang mag-isip ng pangalan para sa kanya).

6. PUQUE. Totoo ito, promise! May kakilala kasi akong nurse na nagtrabaho sa D.R. ng isang ospital at tuwing naririnig nya ang  “Paging Dr. Puque. paging Dr. Puque, please proceed to the delivery room immediately”, hindi daw nya mapigilang matawa.

Ilan lamang po ‘yan sa mga kakaiba at hindi malilimutang apelyidong nakatala sa registry ng Pilipinas. Kung sasabihin nyong bastos ang mga sinulat ko, kayo na ang bahala. Nagsasabi lang ako ng totoo. Ok lang sa akin na tawanan ang apelyido ko kasi kahit ako natatawa rin sa apelyido ng iba. Pero sa kabila nito, hindi ko pa rin maisipang ipabago ang apelyido ko (pwede pong ipabago ang first name at surname sa municipal civil registrar o consul general ayon na rin sa R.A. 9048) marahil na rin sa lubos na pagrespeto ko sa aking mga ninuno at sa ama kong pumanaw na ginawa akong “Jr.” Hindi rin naman sa apelyido makikita ang ugali ng tao. Maaaring MAGANDA nga ang apelyido mo pero pangit naman ang ugali mo at  pwedeng CATACUTAN ang apelyido mo pero busilak ang kalooban mo. Names are only names.

Nakakatawa man, alam kong sa huli, ang pagkatao pa rin ang mas mahalaga kaysa sa pangalan ng tao.

Enhanced by Zemanta

Enhanced by Zemanta