Opisyal na Nagkaroon ng Araw ni Rizal Dahil sa Isang Pilipino

OPISYAL na nagkaroon ng pagdiriwang ng Araw ni Rizal (Rizal Day), dahil sa isang batas na inaprubahan ng isang pambansang lider na Pilipino.

Noong ika-20 ng Disyembre 1898, nilagdaan ni Pang. Emilio Aguinaldo ang isang cautusan o decreto na nagdedeklara sa ika-30 ng Disyembre (araw ng kamatayan ni Jose Rizal) bílang isang pambansang araw ng pagluluksa.

Si Aguinaldo ang pangulo noon ng Gobierno Revolucionario (Panghimagsikang Pamahalaan), ang pambansang pamahalaan ng mga Pilipino. Itinatag ang pamahalaang iyon noong ika-23 ng Hunyo 1898, sa Kawit, Cavite, at mula noong Setyembre 1898 ay nakahimpil na iyon sa Malolos, Bulacan.

Ang kautusang iyon ni Aguinaldo ang kauna-unahang batas na nagtatakda sa ika-30 ng Disyembre bílang isang pambansang pista opisyal. Ang mga sumunod na batas tungkol sa Araw ni Rizal ay pagsang-ayon at pagsunod na lámang sa pinasimulan ng kautusang iyon—ang pagdiriwang sa ika-30 ng Disyembre bílang isang pambansang pista opisyal.

Ang Kautusan

Ang naturang kautusan ni Aguinaldo ay may teksto sa Espanyol at Tagalog. Naririto ang buong teksto niyon sa Tagalog:

GOBIERNO REVOLUCIONARIO NG FILIPINAS

________________

CAUTUSAN

G. EMILIO AGUINALDO AT FAMY, Presidente nang Gobierno Revolucionario nang Filipinas at Pañgulong General nang Caniyang Hocbo.

Sa paglingap sa ninanasá nang bayang Filipinas, at paghaha-yag nang mahal at dalisay niyang adhica, ay iniuutos co:

Una. Alang-alang sa manga daraquilang filipinong uagás magsilingap sa tinubuang bayan na si Dr. Rizal at iba pa, na pinasaquitan nang lumipas nang capangyarihang castila, ay itinuturing na arao nang paglulucsa nang boong sangcapuluan ang ica 30 nang Diciembre.

Icalaua. Dahil dito’y mulá pa sa tanghali ng ica 29, hangang sa tanghalian ng ica 30, ay ilalad-lad ang ating bandila hangang calahatian lamang ng tagdang, pinacatandá nang pag lulucsá.

Icatlo. Sa maghapon ng ica 30 ng Diciembre ay ualang pasoc ang lahat ng sacop nang Gobierno Revolucionario.

Icalat at ihayag ito upang matahó nang lahat.

Lagda sa Malolos nang ica 20 nang Diciembre nang 1898.

Emilio Aguinaldo

Ang kautusang ito ni Aguinaldo ay unang nalathala sa ikalawang pahina ng pahayagang Republica Filipina sa isyu nito noong ika-24 ng Disyembre 1898.

Ang Pagdiriwang ng Unang Opisyal na Araw ni Rizal

Noong Biyernes, ika-30 ng Disyembre 1898, ipinagdiwang ang kauna-unahang opisyal na Araw ni Rizal. Pangunahing isinagawa ito sa Malolos. Ang mga sumusunod ang isinagawang aktibidad para sa natatanging araw na ito:

  1. Mula tanghali ng ika-29 ng Disyembre hanggang sa tanghali ng sumunod na araw, inilagay sa kalahating tagdan ang watawat ng Pilipinas.
  2. Walang pasok sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa buong maghapon ng ika-30 ng Disyembre.
  3. Sa gabi ng ika-30 ng Disyembre, nagdaos ang Club Filipino ng isang programang musikal-pampanitikan sa Maynila. Sa programang iyon, binása ang ilang tula ni Rizal, at may mga binigkas na talumpati tungkol sa búhay at mga akdang pampulitika ni Rizal.
  4. At ang mga panghimagsikang pahayagang La Independencia at Republica Filipina ay naglabas ng mga espesyal na isyu noong ika-29 at 30 ng Disyembre, ayon sa pagkakasunod, upang dakilain ang natatanging araw na ito. Inilathala sa mga isyu na iyon ang ilang sanaysay at tula ni Rizal, at mga artikulong pumupuri sa búhay at kadakilaan ni Rizal.

 

Ang mga Anti-Rizal

Ang mga anti-Rizal ay ang mga táong galít kay Rizal at sa pagiging pambansang bayani nito. At dahil galít, marami ang mga ipinupukol nilang paninirà kay Rizal.

Ang pinakatanayag sa paninirà nila ay si Rizal daw ay American-sponsored national hero o ang pinili ng mga mananakop na Amerikano na maging ang pambansang bayani. Noong 1901, nagpúlong daw ang mga awtoridad na Amerikano at ang mga kasabwat nilang elitistang Pilipino upang pumili ng pambansang bayani ng Pilipinas. Ang púlong na iyon ay pinangasiwaan daw ni William Howard Taft, ang Amerikanong Gobernador Sibil ng Pilipinas.

Pinagpilian daw nila sina Rizal, Bonifacio, Aguinaldo, Mabini, del Pilar, at iba pa. Matapos ang mga deliberasyon, pinili raw mismo ni Taft si Rizal na maideklarang pambansang bayani. Ang pagkakadeklara raw na iyon ni Taft ang siyang pinagmulan ng Araw ni Rizal.

Ang mga patunay kung totoo man na nangyari ang púlong na iyon ay ang minutes of the proceedings (mga talâ ng mga pangyayari) sa púlong na niyon at ang batas mismo na nilagdaan ni Taft at nagdedeklara kay Rizal bílang ang pambansang bayani.

Subalit hanggang ngayon, ang mga anti-Rizal ay wala pang maipakita ni isang katiting na dokumentong ganoon, lalo na ang batas na di-umano’y nilagdaan ni Taft at nagdedeklara kay Rizal bílang ang pambansang bayani. Nangamamatay na lámang ang marami sa mga anti-Rizal na hindi napatutunayan ang kanilang mga paninirà kay Rizal.

Ang Nagdudumilat na Katotohanan

Walang anumang dokumento na makapagpapatunay na may naganap noong 1901 na isang púlong na di-umano’y naghalal sa magiging pambansang bayani ng Pilipinas, at walang nilagdaan si Taft na batas, proklamasyon, o anupamang dokumento na nagdedeklara kay Rizal bílang ang pambansang bayani.

Ang nagdudumilat na katotohanan ay isang pambansang lider na Pilipino ang lumagda sa kauna-unahang batas na nagtatanghal sa ika-30 ng Disyembre bílang isang pambansang pista opisyal (hindi isang Amerikano), at mga Pilipino ang nagpasimula sa pagdiriwang ng pista opisyal na iyon (hindi ang mga Amerikano).

Subalit pilit itong itinatanggi ng mga anti-Rizal, dahil sa hangad nilang matadyakan si Rizal mula sa pagiging pambansang bayani nito. Anuman ang gawing paninirà nila kay Rizal, mananaig pa rin ang katotohanan.

Talâsanggunian

Cautusan ni Hen. Emilio Aguinaldo na may petsang ika-20 ng Disyembre 1898, Republica Filipina, Dis. 24, 1898 (Mandaloyon), p. 2.

  1. G. “El Luto Nacional.” LaIndependencia (Maynila) Disyembre 31, 1898, p. 2.

Guevarra, Sulpicio. The Laws of the First Philippine Republic. Maynila: National Historical Institute, 1994.

“La Velada del Club Filipino.” LaIndependencia (Maynila) Disyembre 31, 1898, p. 2.

Public Laws, Annotated. Una at Ikalawang Tomo.Lungsod ng Quezon: Unibersidad ng Pilipinas. Pinamatnugutan ni Sulpicio Guevarra.

Villadez, P. P. “Notas de la semana.” LaIndependencia (Maynila) Disyembre 31, 1898, p. 1. ?