Ok Lang na Maikli ang Akin

Bakit ba sa panahon ngayon ang gusto nila’y mahahaba? Nakadadagdag ba yun ng pogi points ng isang lalake o kaya ay maipagmamalaki ng isang babae? Hindi ka “in” kung maikli?

Francia.

Pedro.

Maria.

Juan.

Kim.

Eh ano ngayon kung maikli ang pangalan ko?

Noon, madalas akong mairita kapag tinatanong ng mga titser ko at ilang kaibigan kung bakit napakaikli ng aking pangalan.

Kung puwede lang sanang lahat ng batang ipapanganak sa mundo ay pangalanan muna ng “anonymous” o “temporary” at pagdating ng tamang panahon ay saka sila pumili ng sariling pangalan. Eh ‘di mas mabuti. Kaso parang ang pangit naman kung lahat ng bata magtatawagan ng pare-parehong nickname.

Anony. Temtem. Parang masagwa atang pakinggan.

Paulit-ulit na lang, at paulit-ulit din ang aking pag-esplika kung bakit Kim ang pangalan ko. Wala nang karugtong, Kim lang.

Kuwento ng aking ama, hindi naman daw sana Kim ang pangalan ko. Michael Dominique daw. Naku naman, ganda sana. Sosyal. May dating.

Michael Dominique. Pangalan pa lang sana, pogi na. Ganyan kasi ang mga kabataan ngayon. Kapag hindi pa nakikita ang itsura ng isang tao, nakadadagdag ng curiosity kapag may dating ang pangalan. Pero kung mga pang sinaunang siglo, wala na. Deadma kung baga.

male-female-symbol

Ano ang nangyari at naging Kim?

Ayun sa aking ama na si Domingo… Oh,’di ba ang guwapong pangalan? Iniutos niya sa aking tiyuhin na iparehistro ako sa pangalang Michael Dominique, ngunit nang lumabas ang papel ay Kim ang nakapangalan. Mas maganda raw kung maikli lang ang pangalan para kung tumakbo man sa pulitika ay madali lang maalala ng mga botante. Oo nga naman ano. Ngunit kung nakapagsasalita lang ako noon, baka hindi nakalusot ang paliwanag niya.

Pero lumabas din ang tunay na dahilan kung bakit pinalitan ang pangalan ko. Kaya naman pala, ‘yun ang gustong ipangalan ng tito ko sa mga magiging anak niyang lalake. Kaya ayun ang pangalan ng dalawa kong pinsan na lalake ay Ralph Michael at Michael Lyndon.

I demand justice. Isang pagbalga sa human rights ang nangyari sa akin.

Dahil sa paulit-ulit na mga tanong sa akin kung bakit Kim ang pangalan ko, minabuti kong hanapin kung ano ang kahulugan nito.

Leader.

Chief.

Ruler.

Tama nga naman ang tiyuhin ko. Pampulitika talaga ang pangalan ko. Pero kahit na hindi ko man pinasok ang mundo ng pulitika, naging masunurin ako sa kahulugan ng aking pangalan. Madalas akong lider ng mga organisasyon at maging sa mga munting grupo at pagtitipon ay hindi ko ugaling sa isang tabi na lamang. May mga mabuting naidulot ito sa akin at mayroon namang hindi.

Hindi naman talaga masama ang aking loob kung bakit Kim ang isinulat ng aking tiyuhin nang ako ay kanyang inirehistro.

Wala naman talaga ‘yan sa pangalan. Nasa kung paano mo ito dadalhin at papanatilihing marangal.

Hanggang sa muli. Ito po si Kuya Kim na nagsasabing:

“Mailkli man ang iyong pangalan, bumawi ka na lang sa pahabaan…

ng tagumpay.”

About kwadernonikuyakim

Isang bikolano na kasalukuyang nagtatrabaho bilang OFW sa Saudi Arabia. Ang malayo sa pamilya ang nag-udyok sa akin na buhayin ang aking pagsusulat. Sa kasalukuyan mayroon akong apat na blogs Para sa Filipino http://kwadernonikuyakim.wordpress.com/ English http://theblackspaghetti.wordpress.com/ Photogaphy http://eikonism.wordpress.com/