Oh Kawatan!

thief-in-front-of-home
(Photo Credit Blog Quizzle)

Marami nang mga insidente ng nakawan sa Pilipinas. Mapa basura man o pera. Marami ding uri ang mga magnanakaw. Mayroong nagnanakaw dahil wala nang maipakain sa pamilya. Pero mayroon ding magnanakaw na yumaman dahil sa pera ng iba.

Isa ako sa daan- daang nabiktima ng mga magnanakaw na ito. At hindi ko maisip kung bakit nila paulit- ulit ginagawa ang may ala hampaslupang krimeng ito.

Oo, sabihin na natin na ang iba ay hirap na hirap na talaga. Pero hindi naman po ibig sabihin noon ay puwede nang magnakaw dahil pinaghirapan din po ng pinagnakawan ninyo ang bagay na kinuha ninyo. Kayo po ba’y nasisiyahan sa mga ginagawa ninyo? Nasaan po ang prinsipyo’t dignidad niyo? Nasaan po ang pagiging maka-tao ninyo?

Hindi po ba kayo nakokonsensiya na habang pinapakain ninyo ang inyong pamilya ay galing sa dugo at pawis ng iba ang ginamit niyo? Hindi po ba kinukurot ang inyong puso kapag nakikita ninyo na masayang naglalaro ang mga anak ninyo sa gadget na pagmamay-ari ng iba? Na minsan ay galing pa sa mga magulang na nakipagsapalaran sa ibang bansa makaipon lamang ng pambili ng mga kailangan ng mga anak?

At sa mga taong nasa itaas, gaano man kadalas mapuna ay sobrang kapal naman ng mukha. Ang mga taong hindi na nakontento sa nakuha, paulit- ulit pang tatakbo sa eleksyon at patuloy na binubudburan ng pera ang mga botante nila. Saan ba nanggaling ang pera ninyo? Hindi ba sa bulsa din ng kapwa ninyo tao?

Hindi po ba talaga kayo nahihiyang ipagsigawan sa mundo na nais pa ninyong tumakbo kahit na sirang- sira na ang pangalan ninyo? At sa mga mamamayang nagpapa-uto, kayo din po ba’y hindi nakokonsensiya kapag kayo ay tumatanggap ng pera mula sa mga pulitiko na minsan ay galing pa sa nakaw?

At naririyan din po ang ibang mga isip talangka. Na kapag may nakikitang nasa itaas at matagumpay sa kanilang larangan ay na-iinggit. Kapag may napapabalitang sikat na tao na may binili na magarang gamit ay nagrereklamo. “Bakit hindi mo na lang itulong sa mga mahihirap ang perang ginastos mo?” sabi pa nila. Ganito na lang po ba talaga tayong mga Filipino? Paano po uunlad ang bansa kung hindi po natin kayang paunlarin ang mga sarili natin?

About akosiGabriela