OFWs, May Nakakamit Nga Bang Hustisya?

kasalananPaunawa: Ang blog na ito ay hindi para sariwain ang sakit o kailangan pang ungkatin ang mga idinulot na hinanakit sa mga mababanggit na mga pangalan ng mga biktima.

Ang mga tutukuyin ko ay ang mga biktimang OFWs na kung hindi man naipabalita ay mabilis na naging usap-usapan sa social networking sites.

Isang taon na mula ngayon mula ng pumutok ang balita na may isang bangkay ng Pinay ang nakita sa “manhole” sa mismong basement ng tahanan ng kanyang amo.

Siya si Ailyn Hidalgo, tatlumpung taong gulang at mag-isang tumataguyod sa anak at tagasuporta sa pamilya bilang panganay sa anim na magkakapatid.

Makikitang may CCTV naman kung tutuusin ang tahanan na pinagtatrabahuan, ngunit lumipas ang ang halos magdadalawang buwan ay napauwi ang mga labi ni Ailyn sa Zamboanga City na hindi na naiulat man lamang kung ano ang naging kinahihinantan ng kaso- maaaring gusto ng pamilya isikreto iyon… walang nakaaalam kung ano na ang naging progreso ng isinagawang imbestigasyon.
Napabalitaan na makalipas ang isang buwan mula nang makarating ang bangkay sa ating bansa ay ang pagtanggap ng tseke na nagkakahalaga ng tatlong daan at apatnapung libong piso para sa death and burial benefit ng nasawing OFW.

Ngunit ang tanong ko, ito nga ba ay sapat na? Naghuhumiyaw na hindi ngunit ayon nga sa aking isinaad nasa desisyon na iyon ng pamilya at iginagalang natin ang iyon.

Nitong Pitong buwan lang naman na nakalilipas ay ang sumunod na aking babanggitin ay si Maritess Lozano na matapos madala sa ahensya niya sa Dubai ay biglang nahospital makalipas ang araw, naging comatose at humantong sa kanyang kamatayan.

Makikita sa mga larawan at video na nakunan bago siya nadala sa pagamutan ay makikitaan ng bakas ng bugbog at may matindi siyang dinaramdam na tinamo mula sa mga hindi makataong amo.

Ang mga huling mga sinabi ilang araw bago siya tuluyang binawian ng buhay ay sana naman maghatid ng kilabot sa mga taong maaaring makatulong para sana makamit ang hustisya.

“Tinutuktukan [ako], bugbog sarado sa ulo. Sa ulo sila tumitira sa akin,” binabanggit ni Lozano habang hirap na hirap.

“Iyong babae bagong panganak, alam mo bugbog sarado talaga ako [sakanya]. Talagang ninusnos ako sa may sahig,” dagdag niyang saad, habang siya raw ay “sigaw ng sigaw!”

Tandang-tanda pa raw ni Lozano na minsan nakalimutan niya na madamitan ang alaga ay kahit siya ay nasa banyo, nagawa pa siyang pagsasaktan ng among lalaki.

“Alam mo pumunta siya doon sa akin sa banyo, [hinataw ako ng sinturon],” she said, adding “Hindi ko talaga sila mapapatawad.” nagkakandaiyak na binanggit ni Lozano.

Sa nangyaring iyon sa ating kalahi ay nagawa pang lumapit mismo ng mga kapatid ng biktima kay Bise Presidente Binay upang makamit ang hustisya at mapauwi sa lalong madaling panahon ang mga labi ng nawalang mahal sa buhay.

Ngunit nakapagtatakang tila matapos pumutok ang balita ay lumipas lamang ang ilang linggo ay sadyang tumahimik na.

Maaaring wala tayong pakialam o kaya ay sinadyang itago na lamang sa pulitiko ang nangyari, kahit nga ang pagpapauwi ng bangkay at kung may natanggap bang benepisyo sa OWWA at iba pang sangay ng ating gobyerno ay sadyang walang naipabalita.

Sa susunod naman na biktima na aking itatago sa pangalang Cel ay sa loob ng halos tatlong taon sa Saudi Arabia ay nakaranas lamang masuwelduhan lamang ng ilang buwan. Sa bawat pagkakamali o kaya basta masumpungan lamang ng amo manakit at kung anu-anong bagay na lamang ang ginagamit para siyang hayop kung ituring na pinagsasaktan. At nitong huli ay tinatarakan na ng kutsilyo sa kanyang likod.

Noong nakausap ko siya ay matagumpay siyang nakuha ng ATNs (Assistance To Nationals) mula sa ospital na kung saan nakatunog ang doktor na sumuri na siya ay biktima na ng pagmamaltrato at naidala siya sa kustodiya ng SSWA (Saudi Social Welfare Administration).

Bukod sa masalimuot na pisikal na sinapit ay hindi rin siya nakatatanggap ng sahod mula sa napirmahan na kontrata na 400$ na alam niyang 800 Riyals.

Pero ang pinapasahod sa kanya ay 600 sar mula Abril to Oktubre 2010. Pagkatapos niyon ay biglang gustong gawin na sa 400sar dahil daw hindi siya nagaalaga ng bata pero pinapanahi siya ng mga damit at kung anu-ano pa.

Simula Nobyembrw 2010 ay hindi na sinasahuran at puro pinapangakuan lamang.

Noong mga panahon na nasa SSWA siya ay tumanggi ang pamunuan ng tanggapan na mailipat siya sa FWRC o kilala sa tawag na Bahay Kalinga ng ating POLO-OWWA.

Nakauwi siya makalipas ang ilang buwan na pamamalagi roon at tanging nagkakahalaga lamang ng 300,000 sa ating pera ang kanyang naiuwi na nagsasabing iyon ang sahod na hindi natanggap mula sa walang konsensiyang amo.

Bukod sa aking mga nabanggit na pangalan, sa araw-araw ay may napapabalitang mga inabuso, hinalay o pinatay na OFWs. Iilan lamang ang sinasabing naipapakulong talaga ang mga salarin ng bawat krimen na kanilang naisagawa sa ating kalahi. Bukod sa mga nalalathala ay mas marami ang hindi naipapaalam sa lahat na lubha ang mga dinanas sa bansang pinuntahan.

Kung gaano kahigpit ang parusa sa mga OFWs na ginawan ng kawalanghiyaan ay masasabing wala man lamang pumutok o umugong na balitang may napagtagumpayan na napatawan ng angkop na parusa.

Bakit nga ba?

Nag-iisang tanong na sadyang maraming mga katanungan na nakabuntot.

Kapag sinabi kasing hustisya magmumula iyan sa pakikipaglaban ng mismong biktima.

Hindi maaaring panghimasukan sinuman ang magiging pagtanggap at magiging desisyon ng mismong nakaranas ng walang kapatawarang sinapit.

Halos sa pangkalahatan na sistema:

Ang hustisya ay para makita na ang may kasalanan ay mapatunayang nagkasala at ang inosente ay mapawalang sala at makalaya, payak lang ‘diba? Ngunit kung titignan natin ang simbolo ng hustisya na isang babae na may piring ang mata at mayroong timbangan na naglalayong magkaroon ng Depensa at Prosikyusyon na ang tungkulin ng Depensa ay para protekhatan ang karapatang pantao ng isang nilalang at ang tungkulin ng Prosikyusyon ay para manindigan sa mga batas, tanging mga batas lamang.

Ngunit ang isang nilalang na hindi alam ang mga batas tulad na lamang ng isang OFW sa bansang pinuntahan ay tiyak na kapag kinakailangan ipaglaban ang hustisya ay maaaring maligaw ng landas at mauunahan na mapanghinaan na lamang ng loob kung hindi siya magagabayan at matutulungan lalo na ng mga itinalagang mga opisyal ng ating pamahalaan sa bawat embahada o POLO-OWWA ay tapat at totoong isinasagawa ang lahat ng kanilang magagawa upang ang OFW na lumapit ay kung makikipagtulungan lamang para matiyak na makakamit niya ang hustisya bago man lamang umuwi sa bansang sinilangan kung sakaling mapagtagumpayan na naisalba ang sariling buhay mula sa kapahamakan.

Sa mga pamilya ng OFW naman na may binawian na buhay ay natitiyak naman sanang mabibigyan ng hustisya kung sakaling magpupursige rin na makipagtulungan sa mga kinatawan ng ating pamahalaan sa bansang pinagmulan ng sumakabilang buhay na biktima.

Ngunit sadyang wala tayo sa posisyon para sila ay husgahan kung bakit sakaling hindi pinagpursigihan na mapagtagumpayan na makamit ang hustisya dahil ang iba ay napapasang-ayon na lamang sa tinatawag na “settlement” para maiurong ang mga isinampang reklamo at tumatanggap ng napagusapan na pera na lamang.

Kaya iiwan ko sa inyo ang tanong, OFWs, May Nakakamit Nga Bang Hustisya?

Kung Wala? Sino ang may pagkukulang?

Ngunit bago ko tapusin ito ako ay nananawagan….. Magsimula na ang mga kasalukuyang biktima na mga OFWs na tiyakin na sila ay patuloy na lalaban hanggang makamit nila ang hustisya at hindi basta-basta manghihinaan ng loob sa pakikipaglaban!