OFW- Human ATM

(Photo Credit: twitter.com)
(Photo Credit:  twitter.com)
(Photo Credit: twitter.com)

Habang nasa trabaho ay naramdaman ko na nagba-virate ang aking cp. Agad ko itong kinuha sa aking bulsa at tiningnan kung sino. Naknamput…….. 639 na naman ang code, tiyak taga Pinas na naman.

“Aloha,” bati ko.

“Tata, si Melyn ito, kumusta ka na” ang pangalawang Ate ko ang nasa kabilang linya.

“Eh, mabuti naman, nasa work ako ngayon” matabang na sagot ko.

“Ay hindi na kita abalahin ha, sasabihin ko lamang sana sa iyo na malapit na ang enrollment, mangungutang sana kami ng school supplies” walang gatol na sabi nito.

“O sige, tawagan na lang kita mamaya kapag wala na akong trabaho” sagot kong pilit ikinukubli ang inis.

“Ay teka, kelan mo maipadala. Umiiyak na mga pamangkin mo eh” habol nito.

Saktong narinig kong dumarating supervisor namin kaya pinatay kong bigla ang cp.

Mabigat na naman ang katawan ko sa pagtatrabaho, nasira na naman ang araw ko. Grabe, sa tuwing tutunog ang cp ko at 639 ang makikita ko ay nawawalan ako ng gana. Alam ko kasi na numero na naman ng magwi-withdraw sa Human ATM iyon. Sino pa ang Human ATM kundi ako.

Tinupad ko naman ang sinabi ko, nang lunch namin ay tinawagan ko si Ate. Aba at galit ito, pinatayan ko raw siya ng telepono. Na-abroad lang daw ako ay yumabang na. Tila raw nakatapak ako sa ulap. Natanggal lang ang galit nang sinabi kong magpapadala ako sa susunod na Linggo. Buwiseeet!

Lagi na lang ganito.

Mahirap lang kami sa Pilipinas. Anim kaming magkakapatid at ako ang pang-apat. Nagsipag-aral ang mga kapatid ko, tatlo sa kanila ay nakatapos ng kolehiyo. Ang dalawang kapatid kong lalaki ay bokasyonal lamang ang kinuha. Maganda naman ngayon ang trabaho nila, ang isa ay gumagawa ng mga appliances at ang isa naman ay embalsamador sa ospital. Ako? Hayskul lang ang tinapos ko, pinakamahina kasi ang kukote ko sa magkakapatid. Nahihirapan ako sa mga aralin kaya kahit pinipilit akong mag-aral ng mga magulang namin ay hindi ako nag-aral at tumulong na lamang sa bahay. Nagsipag-asawa ang mga kapatid ko at nagkaroon ng kani-kanilang anak. Problema ang mga kapatid kong babae, bagaman nakatapos ay hindi ginamit ang mga kurso. Ewan ko ba, bigong-bigo tuloy ang mga magulang namin.

Dumating ang suwerte sa buhay ko nang makilala ko si Lakay, siya ang naging asawa ko. Taga Binalonan, Pangasinan siya subalit American Citizen na nakabase sa Hawaii. Ewan ko ba at sa kabila ng hindi naman ako kagandahan at mahina pa ang ulo ay ako ang niligawan ni Lakay. Kunsabagay, Damatan na kasi siya, 63 anyos na siya nang magpakasal kami.

Dinala niya ako sa Hawai at dito na kami nagsama, awa ni Apo ay nagkaanak kami ng kambal na lalaki. Masaya ako, ngunit mahirap din ang buhay namin. Wala kaming bahay na sarili at nangungupahan lamang. Si Lakay ay nagretiro na sa edad na 67 at tumatanggap ng kaniyang pension na hindi naman kalakihan. Para makatulong ako sa kaniya ay nagtatrabaho ako sa bukid. Minsan namimitas ng mga beans, minsan nag-aani ng macadamia nuts, minsan ay naglilinis ng mga bahay. Mahirap at kayod-kalabaw ako. Kagaya ngayong summer nagtatrabaho akong part-time sa hotel bilang laundry personal in other words labandera. Wala na nga akong kapahi-pahinga.

Ok lang naman sana kahit mahirapan ako, ang matindi ay naghihirap ang kalooban ko dahil ginawa na nga akong bangko ng mga kamag-anak ko, minsan pati Baranggay namin ay humihingi din sa akin. Nagsisisi tuloy ako na nakapagbukas pa ako ng fb. Natatandaan ko nang una akong magka-account sa fb ay napakarami kong friend request. Tinanggap ko naman lahat kasi iniisip kong kailangan ko ng mga ka-chat para hindi naman ako ma-homesick. Aba at naging dahilan iyon para lagi silang maka-kontak sa akin para humingi ng pera. Para daw sa mga proyekto sa Barangay, iyong mga dati kong guro sa elementarya, may proyekto raw ang eskuwelahan namin. Iyong mga dati kong kaeskuwela, kailangan daw ng financial aid sa kanilang organisasyon.

Hindi ako maramot na tao kaya naman lahat ay pinagbibigyan ko sa abot ng aking makakayanan. Nahihiya ako na manghiya ng tao. Hay! Ang masakit sa lahat, ginawa na akong gatasan ng mga kapatid ko. Lahat sila ay kani-kaniyang kabig. Minsan ay nagsusumbungan pa, sinisiraan ang isa’t-isa para siguro masolo na lamang ang bigay ko.

Hay buhay, Ang dalawang Ate ko na nakapag-aral, dapat sana carreer muna ang inisip at hindi pagkakaroon ng pamilya. Heto ngayon at ako ang inaasahan. Lahat sa akin hinihingi, budget sa panganganak, pag-aaral ng mga pamangkin ko, lahat-lahat na yata.

Regular naman akong nagpapadala, siyempre sinusuportahan ko naman sina Nanay at Tatay, matatanda na sila. Hindi na sana kasama sa suporta ang mga kapatid ko dahil may sarili na silang buhay. Minsan naiiyak na lamang ako dahil kahit masama ang loob ko ay pamilya ko pa rin sila at hindi ko naman matiis.

Halos wala akong naiipon dahil tila naghuhulog ako sa butas na buslo. Parang nagtatrabaho na lamang ako para sa pamilya ko at sa mga taong palahingiin. Kapag kasi hindi napagbigyan o tumanggi ako ay sasama pa ang loob. Nakakalimutan na halos naibigay ko na sa kanilang lahat.

Minsan ay kinausap ako ng aking asawa.

“Baket, matanda na ako, nararamdaman ko rin na humihina na rin ang aking katawan. Kahit retirado na ako ay magtatrabaho akong muli sa field kahit taga pitas lang ng kape. Makakatulong iyon sa atin, gusto ko sana na makabili tayo ng sarili nating bahay at makapag-ipon ng pampaaral para kila kambal. Gawin sana natin ito, mag-ipon tayo para sa pamilya natin” makahulugang sabi nito

Iyon naman talaga dapat hindi ba? Dapat na sarili ko ng pamilya ang iniintindi ko at hindi ang pamilya sa Pinas. Kayod kalabaw na nga ako rito. Halos, lima hanggang anim na oras na lamang ang tulog ko sa isang gabi. Pagod na pagod ako ngunit tila iba ang nakikinabang.

Sa mga taga-Pinas, walong oras ang tulog nila, samantalang ako ay salat na salat. Kung mauunawaan sana ng taga sa atin. Kahit kasi dolyar ang kita namin ay dolyar din ang ginagastos sa mga pangangailangan namin. Parang ganito, ang asawa ko ay may 900 dollars na pension kada buwan. Ang laki sabi ng taga Pinas, kasi sa isip nila kinokonberte sa piso. Ngunit dito sa Hawai, maliit lang iyon. Pambayad lamang iyon sa bahay at sa mga utilities. Para makatulong ako ay nagtatrabaho ako, sabihin na lamang natin na 800 ang kita ko kada buwan. Iyan ang gagastusin namin sa pagkain. Kulang na kulang iyan lalo na at hihingi pa ang mga kapatid ko kaya ang gagawin ko ay dobleng pagtitipid. Mahal kasi ngayon ang gasolina ng sasakyan, pati pagkain ngayon ay tumaas na rin.

Ganito ang pagtitipid kong ginagawa, sa ukay-ukay at thrift store na lamang ako bumibili ng damit. Hindi kami kumakain sa restaurant. Nagtatanim na lamang ng mga gulay ang aking asawa sa maliit na lote sa likod ng bahay na inuupahan namin.Pumipila na lamang kami sa rasyon para may pandagdag sa pagkain namin.

Para lamang lumaki ang kita ko ay nag-oovertime pa ako, kagaya nga ngayon kahit nanghihina ang lakay ko ay nagtrabaho na rin kahit under the table lang siya.

Hindi kami mayaman, marahil hinaing ito ng lahat ng OFW. Sana ang mga kamag-anak namin sa Pinas ay matutong tumayo sa sarili nilang mga paa. Puwede namang manghingi kung ito ay emergency hindi ba? Pero ang mga pangangailangan nila sa buhay na dapat sana ay napaghanddan bakit sa amin iniaasa?

Minsang, naghalo na talaga ang uhog at luha ko sa inis ko sa mga kapatid ko ay nagsumbong na ko kila Tatay, pinayuhan ako ni Tatay na huwag nang magpadala at pabayaan ang mga kapatid ko. Mabubuhay rin naman sila kahit wala ang padala ko. Sinunod ko ang payo ni Tatay.

Hindi ako naging handa sa kanilang reaksiyon, pati si Nanay sinasabing ubod ko raw pala ng ramot. Natitiis ko raw pabayaan ang mga kapatid at mga pamangkin ko. Nakakahiya raw ang ugali ko. Parang sasabog ang dibdib ko sa sama ng loob. Bakit kay daling nalimutan ang mga sakripisyo ko nang nagdaang panahon.

Ayaw kong may nagagalit sa akin kaya nang minsang umuwi ako sa Pinas ay nakipag-ayos ako sa kanila. Kaya heto the same as usual, mayroon pa rin silang Human ATM. Ewan ko ba, kailan kaya matatapos ito. Kahit kailan naman kasi ay hindi natin maitatakwil at matitiis ang ating pamilya.

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.