OFW at PAMILYA: A Long Distans Lab Afeyr Poem

Nandoon sila at nandito naman tayo
Pinaglayo’t pinag-ugnay ng magkahiwalay na mundo
Sandaang libong milya man ang layo sa isa’t isa
Pinoy, ‘yan tayo! Kaya solid ang pamilya.

Almusal pa lang dito at hapunan naman diyan
Pero ang love sa pamilya, walang time zone na alam
Facebook, Skype, Facetime o Whatsapp man
Parang ALDUB ang peg, naka-split screen lang.

At sa bawat araw man o gabi na magdaan
Bumibilang ang oras na parang walang hanggan
Ang dalawang taon parang life sentence sa kulungan
Pero dahil sa kontrata, sorry to us,  konting tiis lang.

May conflict man sa distance, time zone o trabaho
P’wede pa ring paglapitin ang magkalayong mundo
Walang iwanan sa ere, ‘ika nga ng internet memes
Pagsapit ng gabi, selfie lang ng pamilya ang katabi.

Tuwing Pasko, mga kabayan, pumaparada sa NAIA
Kapag Bagong Taon, bagong plano, bagong pag-asa
Valentine’s day apaw ang red heart emoticons nila
When birthdays come, picture lang ng cake ay happiness na.

Sa mga mahal na pamilya sa Pinas, just think about it po
Hindi biro ang mag-abroad, hindi biro ang magkalayo
Perang padala namin sana pahalagahan n’yo
Ubos-ubos biyayang ugali, ‘yan ang iwasan n’yo!

Dahil ang mga OFW ay may life cycle din
Paulit-ulit nga lang kung inyong iisipin
Trabaho. Suweldo. Padala. Gastos. Utang. Bayad. (Repeat)
Trabaho. Suweldo. Padala. Gastos. Utang. Bayad.

Sa mag-asawa naman, pag LDR daw hindi magtatagal
Nosi balasi, depende rin basta matatag at nagdarasal
Dahil kung nasa puso lang lagi ang tiwala at pagmamahal
May distansya man sa pagitan, they will remain loving and loyal.

Marami mang bawal, marami mang tukso o mga bisyo
Kung ever faithful sa pamilya lahat ‘yan matatalo
Dahil ‘di lang buong barangay at netizens ang huhusga sa ‘yo
May I poke si Lord sa ‘yo at magtatanong, “Tsong, Parine nga, ano’ng problema mo?”

Kayo naman, mga kiddos diyan, mag-aral nang mabuti
Ang seryosong pag-aaral isaksak n’yo lagi sa kukote
Kapag binigyan ng baon, dumeretso  na sa klase
‘Di ‘yung tambay muna somewhere or cutting class pa sa tanghali.

Remember this always, mga dearest estudyantes diyan
Sabi ni Gat Jose Rizal, “You’re the hope of the Motherland”
Hindi siya naging hero kung tumambay lang diyan sa kanto
Para ‘di na kayo magtanong, “Bakit laging nakaupo si Apolinario?”

Umiwas sa masamang barkada, alak, krimen at droga
When Tatay Digong gets mad, huli kayo kay Bato De la Rosa
Kaya habang maaga pa kinabukasan n’yo ay planuhin
Dream. Believe. Survive. ‘Yan  ang sigaw namin.

Hindi pinupulot ng magulang ang perang padala
Bagkus pinaghihirapan, minsan nga ihi lang ang pahinga
Pamilya tulad ng langgam, dapat tulong-tulong, sama-sama
Blood, sweat and tears ang puhunan para lang kumita.

Truth is,  ang mga OFW ay may life cycle rin
Paulit-ulit nga lang kung inyong iisipin
Trabaho. Suweldo. Padala. Gastos. Utang. Bayad. (Repeat)
Trabaho. Suweldo. Padala. Gastos. Utang. Bayad. Bow.

Kuwento ng OFWs  buwan-buwan ay laging ganyan
Sometimes we’re up, sometimes we’re down naman
Budget here, budget there, budget everywhere
Life is umiikot lang na parang gulong forever.

Eniweys, may lungkot at pagod man ay magtitiis pa rin
Matupad lang ang mga pangarap sa pamilya natin
Walang malayong distansya man ang makapipigil sa ‘tin
Basta para sa mga loved ones ang ating layunin.

Paano naman kaya kung maraming taon na ang lumipas?
Hindi pa rin makauwi dahil OMG! ang bulsa nama’y butas
Kaya save pa more para someday sama-sama na together
Dahil trueness, my dear, ang kontrata sa abroad ‘di naman forever.

Ang paglalayo ng pamilya is just a way para subukan tayo
Kung kakayanin ba o hindi ang mga challenges nito
Kaya patibayan na lang kung sino ang mananalo
KaPamilya? KaPuso? O Kapatid? Sinong bet n’yo?

Pagdating ng tamang panahon naman ay uuwi rin kami
Home is where the heart is,  ‘yan ang aming laging sinasabi
Kahit mga lugar man sa abroad ay pawang magaganda rin
Pero sa totoo lang po, ” It’s More Fun in the Philippines.”

trees-for-cities-com
photo courtesy of: treesforcities.com

 

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.