Number One Enemy (Ito Ang Aking Kuwento)

Photo Credit: www.123rf.com
Photo Credit: www.123rf.com
Photo Credit: www.123rf.com

Totoo pala ang kasabihang, minsan kung sino pa ang pinakamalapit mong kaibigan ay siya mo pang pinakamatinding kaaway. Ako po si Rica at ito ang aking kuwento

Matalik na magkaibigan na kami ni Chona noon pang grade four kami. Lagi kaming magkasama at laging nagbibigayan. Ang gamit ng isa ay gamit naming pareho. Magkakilala na rin ang aming mga magulang. Lagi kaming magkakampi kapag may kaaway ang isa sa amin.

Mas lalo kaming naging close noong Hayskul. Nagsasabihan kami ng mga sikreto lalo na at tungkol sa mga lalaking crush namin. Dumating kami ng Kolehiyo, pareho pa rin kami ng kursong kinuha; Hotel and Restaurant Management. Kaya lang ay Two- Year- course lamang ang kaniyang tinapos dahil kapos daw sila sa pera.

Nauna siyang nakatapos sa akin dahil nga dalawang taon lamang ang sa kaniya. Naghanap naman siya ng trabaho subalit hindi matanggap at kulang daw ng credentials. Awang-awa ako sa kaniya lalo na at nakikita ko ang kaniyang kalungkutan.

Nakatapos ako at pinalad na makapasok sa malaking hotel, kasi naman ay may malakas na backer na kilala si Papa. Nakiusap siya sa akin na kapag nagkaroon ng pagkakataon ay ipasok ko rin siya. Ang problema, Chambermaid ang bakante. Sinabi ko sa kaniya na ang bakante lamang ay ang Chambermaid, pumayag na rin siya at nag-apply baka raw mabigyan din siya ng pagkakataon na makaangat.

Doon na nagsimula ang lahat, minsan ay kinausap ako ng isa naming lady guard; ipinagbigay alam niya sa akin na ako ay sinisiraan ng aking kaibigan.Gusto ko pang magalit, dahil hindi ko mapaniwalaan na ako ay sisiraan ng kaibigan ko pa. Subalit kinumpirma ito sa akin ng iba pa naming kasamahan. Gayunpaman ay hindi ko naman siya kinumpronta, pinilit kong unawain na baka nahihirapan siya sa kaniyang trabaho.

Nagbago nang talaga ang aming relasyon,pati mga magulang ko ay nagtataka na rin. Lagi akong umiiyak parang nakipag-break na rin ang pakiramdam sa boyfriend; napakasakit.

Nakita ko rin na sobra ang panuyong ginagawa niya sa mga nakatataas, talented naman kasi siya at may charm kaya hindi nahirapan. Dumating ang panahon na naging magka-level na rin kami. Bakit kaya ganoon, pakiramdam ko ay pilit niya akong sinisiraan at hinihilang pababa para lamang siya ang umangat.

Nagkaroon kami ng class reunion, umattend ako pati na rin siya. Maraming nagtatanong kung bakit tila raw yata hindi na kami close, samantalang kapit-tuko kami noon. Dito ko na rin nalaman na ibinubunyag pala niya ang aking mga sekreto noong mga bata pa kami.

Ganito pala kahirap kapag ang bestfriend mo ang iyong naging kaaway.

Noong minsan ay kinausap ko siya “Chona, hindi ko alam kung bakit tayo nagkaganito. Bakit? May nagawa ba ako?” Tanong ko sa kaniya

Hindi siya sumagot ng kahit ano, nanatili lamang siyang nakatingin sa akin na tila nagmamalaki.

Hindi ko natagalan ang ganoong sitwasyon namin. Pinlano kong mag-resign at nag-apply patungong Canada. Awa ng Diyos ay nakaalis ako nang bansa. Naiwan ang aking kaibigan sa hotel na aming pinagtatrabahuhan.

Sana, masaya na siya ngayon na wala na ako. Sana, tigilan na niya ang paninira sa akin. Sana maging maligaya na siya at matahimik na rin. Minsan naiiyak pa rin ako, pero ano ang magagawa ko. Ganyan lang siguro talaga ang buhay.

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.