Non-bailable offense nga eh, bakit ka pa nagpipilit magpiyansa…

bail Nitong mga nakaraang buwan, madalas natin naririnig ang katagang “non-bailable offense” o yung mga krimen kung saan kapag ang akusado ay nahuli at na-detain, ay hindi na pinapayagan pa nang korte na makapag-pyansa o magpost nang bail. Ngunit, mapapansin natin na kahit na ang krimen na di umano ay nagawa nang mga akusado ay mga non-bailable offenses, eh halos lahat naman sila ay nagpa-file nang motion for bail. Ang sabi nga nang nakararami, kung non-bailable na ang krimen, edi dapat walang pyansa, mahirap, mayaman, sikat o laos, non-bailable, no bail allowed.

Para sa kaliwanagan nang aking kababayan, ang lahat nang akusado na hindi pa nahahatulan nang korte na ”GUILTY” ay may karapatan mag-file nang bail, yun nga lang, kung ang motion for bail ay granted o denied, depende yan sa krimen na ginawa.

Ayon sa Saligang Batas nang Pilipinas (Philippine Constitution), “Lahat nang akusado, maliban lang kung ang iyong kasong kriminal ay may parusang reclusion perpetua (habang buhay na kulong) o parusang kamatayan at malakas ang ebidensya laban sa’yo, ay may karapatan na magpyansa bago ang kanilang hatol.”, In English, “All persons, except those charged with offenses punishable by reclusion perpetua when evidence of guilt is strong, shall, before conviction, be bailable by sufficient sureties, or be released on recognizance as may be provided by law.xxx””

Kung babasahing maigi ang saligang batas, wala namang sinabi dito na kapag ang akusado ay nakasuhan sa isang krimen, at non-bailbale ang krimen na nagawa, ay hindi na ito maaari pang makapag-pyansa. Ang sinsabi nang Saligang Batas, lahat nang akusado na hindi pa nahahatulan ay dapat makalaya sa pamamagitan nang pagbibigay pyansa, pero kung ang posibleng parusa sa nagawang krimen ay reclusion perpetua o death, maaari lang silang magpyansa kung mahina ang ebidensya laban sa kanila.

Sabi nga nang Saligang Batas, lahat nang akusado ay dapat munang tignan bilang mga inosente sa mga akusasyon sa kanila hanggat hindi pa nagbibigay hatol ang mga korte ( all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved)

Ito ang dahilan kung kayat, kahit na ang akusasyon sa akusado ay nakagawa siya nang non-bailable offense, pero kung mahina naman ang ebidensya para sa non-bailable offense ay maaari pa rin siyang makapagpyansa. Tandaan nga lang na hindi porket nasabi nang korte na mahina ang ebidensya ay ibig sabhin nito ay abswelto na ang akusado, ang ibig lang sabihin lang nito ay mahina pa ang ebidensiya noon nang-request ang akusado na payagan siya makapagpyansa, pero maaaring lumakas ang ebidensya habang umaandar na ang kaso, na magiging dahilan nang para hatulan ang akusado na siya ay Guilty.

Halimbawa na natin yun kaso kung saan ang akusasyon laban sa akusado ay isa daw siyang kasambahay na nagnakaw nang alahas nang kanyang amo, kung saan ang nai-file na kaso sa kasambahay ay Qualified Theft, isang non-bailable offense dahil sa ang ninakaw umano nang kasambahay ay lalagpas sa P222,000.00. Kung mapapatunayan nang kasambahay na hindi malakas ang ebidensya laban sa kanya, dahil halimbawa, ang pagkakaalam niya ay regalo sa kanya nsi kuya ang alahas, at mayroon siyang naipakita na sulat mula kay kuya, ay maaari siyang payagan nang korte na magpyansa dahil sa baka nga naman authentic yun sulat nang amo niya na binibigay sa kanya bilang regalo ang alahas.

Ito ang konsepto nang non-bailable offense sa Batas nang Pilipinas. Ang ibig sabihin lang nito, ay hindi kaaagad mabibigyan nang karapatan makapagpyansa ang akusado kung ang kanyang kasong kinakaharap ay may parusa na Reclusion Perpetua o Death. Maaari pa din magMotion for Bail ang akusado at, sa parte naman nang prosecution ay  dapat patunayan  na malakas ang ang ebidensya laban sa kanya, at kung makikita nang korte na mahina ang ebidensya laban sa kanya ay dapat muna syang payagang makapag-pyansa.

Isa pa pala, kung naman pinayagan magpyansa ang akusado, bailable man o non-bailable ang kaso, kung pinatawag siya nang korte at hindi ito sumipot sa araw na pinatawag siya nang korte, ay maaari mapawalang bisa ang kanyang pyansa at siya na ay maaari na muling ma-detain.

Kung nais ninyo nang mga legal tidbits, maaaring mabisita ang aking Facebook Page, Mga Payong Legal ni TiagoMontiero, Salamat sa pagbabasa.