NO TO 550 TERMINAL FEE!

feeHeto na naman ang pasakit sa aming mga OFW. 550 terminal fee? Huwaaaat? Paki-explain nga! Pero teka, ang katwiran ng gobyerno, para raw ito sa pagsasaayos sa ating Paliparan. Kaya huwag na raw magreklamo ang mga OFW dahil sa mabuting kamay din diumano mapupunta ang bawat makokolektang salapi sa terminal fee na ‘yan.

Talaga lang, huh? Kami pa ang lolokohin ninyo? Sa mabuting paraan o sa maling bulsa? Crema de puta naman kayo, oo!

Ang akala ninyo porket abroad ay kumikita na kami ng malaki? Na kesyo maliit lang para sa amin ang halagang 550. Sa inyo siguro oo! Pero para sa amin na sapat lang ang kinikita, malaking halaga na sa amin ang 550. At teka lang ha, pinangangalandakan pa ninyo na kesyo puwede rin namin ma-refund ang halagang ito basta pipila lang kami? Wehhh? Iyong totoo? Baka abutin na kami ng siyam-siyam sa pilahan e hindi pa namin narerefund ang halagang iyan. Dahil ang totoo, nasa bulsa na ito ng mga BUWAYA! Ouch! Masakit ba?

Pero wala nang sasakit sa patuloy na panggigipit ng mga nasa puwesto sa bawat OFW dahil sa kung anu-anong bayarin ang pinapataw ninyo sa amin. Hassle na nga pagkalapag na pagkalapag mo pa lang sa Airport dahil sa daming cheche buriche, tapos balak n’yo pa kami patawan ng tumataginting na 550 para sa terminal fee na ‘yan?

Umayos kayo. Mabuti sana kung maganda ang pinakikita ninyong serbisyo sa amin. Nito lamang nakaraang mga buwan ang daming naging aberya sa Paliparan. Pati mga kapalpakan at pagdating sa kalinisan. Kung ganu’n saan napupunta ang perang nakokolekta ninyo sa terminal fee at tax na ‘yan?

Sa kabilang banda, may mga nagmamaganda rin na kababayan tayo na nagsasabing sumunod na lang tayo sa batas. Maliit na halaga lang naman daw diumano ang 550 kaya huwag nang umangal ang iba. Respect the law na lang daw!

O, kayo na ang mapera! Sa inyo siguro ay ayos lang dahil malaki ang sahod ninyo. Kung wala pala kayong angal, e di kayo ang sumunod sa Law na ‘yan. Tutal, mukhang barya lang para sa inyo ang 550.

Pero kaming mga Dukha at kakarampot lang ang suweldo, hindi makatarungan na puwersahin kami na magbayad sa terminal fee na iyan. Lalo na kung wala naman kaming batas na nilalabag. E kung tutuusin, kung sino pa ang nakaluklok sa puwesto ay sila pa ang kadalasang may nilalabag na batas, hindi po ba?

Kaya bago ninyo kami bigyan ng pasakit, ayusin muna ninyo ang inyong serbisyo at pamamalakad. Unahin na muna ninyong linisin at alisin ang mga Buwaya sa puwesto at hindi ang pansariling interes n’yo lang ang iniisip ninyo. Isa pa, kung talagang gusto ninyo na may pagbabago sa ating Paliparan, unahin ninyong baguhin ang kaisipan ng mga tauhan ninyo at huwag puro pera ang nasa isip.

Madali lang naman kaming kausap. Basta ba matiyak lang namin na sa mabuting paraan mapupunta ang aming pinagpapaguran.

Dahil hindi kami namumulot ng GINTO dito sa ibayong dagat!

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!