“Ngayon Alam ko na” – Kwento ng Anak ng isang OFW

College Graduate Using Laptop --- Image by © Steve Prezant/CORBIS
College Graduate Using Laptop --- Image by © Steve Prezant/CORBIS
College Graduate Using Laptop — Image by © Steve Prezant/CORBIS

Bata pa lamang si Juan (hindi niya tunay na pangalan) nang maulila siya sa ama kung kaya’t mag-isa siyang tinaguyod ng kanyang ina na isang kasambahay.

Simple ngunit maayos naman ang kanilang naging pamumuhay. Nakakakain sila ng tatlong beses sa isang isang araw, nakakapasok si Juan sa paaralan, nakapaglalaro siya kagaya ng ibang bata, nagagawa niya ang mga bagay na ginagawa ng isang normal na bata.

Ayon kay Juan, hindi na baleng salat siya sa mga material na bagay, ang mahalaga ay sagana naman siya sa pagmamahal ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan, lalo na ng nanay niya.

Hindi na baleng wala siyang magagandang damit at laruan katulad ng sa mga kaklase niya basta kasama niya lang ang nanay niya. Ganoon din ang nanay niya, para dito hindi na baleng magkakandakuba siya, hindi na baleng gumapang siya kapalit ng kakarampot na suweldo huwag lang siyang mawalay sa kanyang anak. Ang mahalaga, nabubuhay sila nang masaya. Kuntento na sila kung ano man ang buhay na mayron sila.

Ngunit gaya nga ng sinasabi ng iba, ang tao ay hindi nabubuhay sa puro saya lang. Hindi nito kayang lamnan ang kumakalam na sikmura at tighawin ang natutuyong lalamunan. Hindi nito kayang pagalingin ang mga may karamdaman at pasiglahin ang mga nakaratay sa higaan. Hindi nito kayang magligtas ng buhay. Hindi nito kayang bigyan ng magandang edukasyon at kinabukasan ang mga mga mahal mo sa buhay. Mahalaga sa tao na maging Masaya ngunit hindi lang ang pagiging masaya ang kailangan ng isang tao sa kanyang pakikibaka sa mundong ibabaw. Hindi dapat puro emosyon ang pinaiiral.

Habang lumalaki si Juan, dumarami ang kanilang pangangailangan, lumalaki ang gastos. Hindi na kaya pang pagkasyahin ng nanay niya ang kakarampot na kinikita para maituwid ang pang-araw-araw nilang buhay at para matustusan ang iba pang mga pangangailangan. Kaya’t noong siya ay nasa ikaapat na baitang na sa mataas na paralan, nagdesisyon ang nanay niya na magtungo at magtrabo sa ibayong dagat para maibigay sa kanya ang buhay na pinapangarap niya. Masakit para sa kanya na gawin iyon ngunit kailangan.

Minsan kailangan rin nating isakripisyo ang mga bagay na nakapagpapasaya sa atin para sa mas importanteng bagay kahit pa ang kapalit nito ay mapalayo tayo sa mga taong mahalaga sa atin. Minsan kailangan rin muna nating magpakahirap para malasap natin ang mas maginhawang buhay.

Naiwan si Juan sa pangangalaga ng kanyang lola (nanay ng nanay niya).

Ilang buwan matapos umalis ang kanyang nanay, nagbago na ang buhay ni Juan. Ang mga damit at gamit na dati ay pinapangarap niya lang, ngayon napapasakamay na niya. Ang mga pagkaing dati ay nalalanghap lang niya, ngayon ay natitikman na niya. Ang mga lugar na dati ay sa panaginip lang niya nararating, ngayon abot kamay na niya. Sadyang kaylaki ng nagagawa ng pera. Ang mga bagay na akala mo imposible, nagiging posible.

Ngunit kailanman ay hindi tumigil ang nanay niya na ipaalala sa kanya na pahalagahan ang mga bagay na tinatamasa niya ngayon dahil ang buhay ay pana-panahon lang, maaaring ang mga bagay na mayroon siya ngayon bukas ay maglalaho na lang na parang isang bula. Lagi nitong sinasabi sa kanya na hindi ganoon kadaling kitain ng pera, kaya huwag basta basta itatapon. Ayos lang na gumastos paminsan-minsan, ayos lang din na magliwaliw at magpakasarap sa buhay, karapatan naman ‘yon ng bawat isa, huwag lang umabuso!

Paulit-ulit nitong sinasabi sa kanya na hindi biro ang ginawa nitong sakripisyo para lang maibigay sa kanya ang buhay na nararapat para sa kanya kaya huwag niyang sasayangin ang pagkakataong iyon. Mag-ipon, magtipid, ‘yan ang laging pangaral ng nanay niya.

Nangako ito na igagapang ang pag-aaral niya hanggang sa makatapos siya at makahanap ng trabaho. Ang tanging hinihiling lang nito sa kanya ay mag-aral siya nang mabuti dahil iyon lang ang tanging pamana na maiiiwan niya sakaling siya ay mawala.

Saan man siya magpunta, baon ni Juan ang pangaral ng nanay niya. Itinimo niya sa kanyang isipan na hindi niya bibiguin ang kanyang ina at susuklian niya ang sakripisyong ginawa ito. Ngunit kinalaunan, napabarkada siya. Natuto siyang uminom, manigarilyo, at mag-cutting classes. Nagbulakbol siya! Napabayaan niya ang kanyang pag-aaral.

Buong akala ng nanay niya, nag-aaral siya nang mayos ngunit lingid sa kaalaman nito ang perang binibigay niya rito na pang-tuition ay pinangsusustento niya sa mga luho niya at sa kanyang mga bisyo. Galit na galit ang nanay niya.

Siyempre, nagpapakahirap siya sa ibang bansa, kayod kalabaw siya doon s pag-aakalang ginugugol sa magandang bagay ‘yong pera na pinapadala niya, iyon pala napupunta lang sa wala? Halos magkandakuba siya sa pagtatrabaho tapos ganoon lang ang mababalitaan niya? Lahat ng hirap ng pigging isang OFW, tiniis at kinaya niya, iyon pala nagwawalanghiya lang ‘yung anak niya?

Kung hindi sapat ang mga pangaral at salita para matuto at tumino ang isang tao, hayaan mong ang karanasan ang magturo sa kanya kung ano talaga ang tunay na kahulugan ng buhay.

Umuwi ang nanay niya. Ngunit hindi kagaya ng ibang mga magulang na kapag nagkamali ang anak ay pinagsasabihan lang nang kaunti, pagkatapos ay pinapatawad na at binibigyan ng pangalawang pagkakataonn, siya, hindi.

Ang ginawa niya, pinatigil niya si Juan sa pag-aaral, inayos niya ang mga dokumento at ipinadala doon sa kakilala niya sa ibang bansa. Gusto niyang maranasan ni Juan ang lahat ng hirap na dinanas niya para maintindihan niya kung bakit ganoon na lang ang pagpupuyos niya noong malaman niyang nagloko  ito.

Kahit ayaw ni Juan wala siyang nagawa sa naging desiyon ng kaniyang ina. Pumunta siya sa ibang bansa na ang tanging dala ay kanyang mga papeles at gasinong pera na ipinahiram lamang sa kanya ng kanyang ina. Sinabi nito sa kanya na babayaran niya ito sa oras na sumuweldo siya pati ang mga ginastos nito sa kanyang pag-alis.

Dahil hindi pa siya nakakatapos kung kaya’t pagiging isang janitor ang trabahong kinasadlakan niya doon. Doon naranasan niya ang pakiramdam ng mabuhay sa banyagang lupain, malayo sa pamilya at kaibigan — mag-isa.

Naranasan niyang gumising nang maaga kahit na puyat na puyat pa siya para magbanat ng buto para mairaos niya ang isang araw sa dayuhang bansa at mabili ‘yung iba pa niyang mga pangunahing pangangailngan. Naranasan niya kung gaano kahirap ang magtrabaho, ‘yung kahit tipong pagod na pagod na siya ay kailangan pa rin niyang kumayod dahil kapag hindi ay magugutom siya.

Naranasan niya ang kung gaano kahirap magbudget ng pera. ‘Yung tipong kakasahod niya pa lang pero pakiramdam niya ay ubos na. Sa dami ng gastusin nalilito siya kung ano ang dapat na unahin. Ngunit kahit gusting-gusto na niyang sumuko, wala siyang magagawa dahil may usapan sila ng nanay niya na dapat bayaran niya muna ang lahat ng mga nagastos nito.

Pagkatapos ng isang taon, nagpaalam siya sa mama niya, uuwi na raw siya, hindi na raw niya kaya pa. Humingi siya ng tawad sa nanay niya at ng panibagong pagkakataon. Magbabago na raw siya, pagbubutihin na raw niya ang kanyang pag-aaral, at hindi na raw siya magdudulot ng sama ng lob sa mama niya. Sinabi niyang ngayon daw ay alam na niya lahat!

Naramdaman na niya ‘yung hirap na dinanas ng nanay niya na pinagsawalang-bahala niya lang dati. Naintindihan na niya ang laging sinasabi sa kanya ng nanay niya na hindi ganun kadaling kumita ng pera. Na hindi ito pinupulot lang sa kalsada, na hindi dinudura lang, na pawis at dugo ang puhunan bago ito makuha. At minsan pa ay puwedeng malagay sa panganib ang buhay ng isang tao para lang may maipadala sila sa mga kamag-anak nila. Na ang makita lang nilang masaya ang mga mahal nila sa buhay ay sapat na para maibsan ang kalungkutang nadarama nila, pero ang lahat ng iyon ay hindi niya nakita sa kanyang nanay.

Hindi niya ito pinahalagahan. Ang tanging alam niya lang noon ay magpakasaya at gumimik, magwaldas ng pera. Hindi niya kasi alam ang pakiramdam. Pero ngayong inilagay siya ng nanay niya sa posisyong iyun, naging malinaw sa kanya ang lahat. Dahil alam na niya.

Simula noon, pinagbuti na niya ang kanyang pag-aaral. Ginawa niya ang lahat.

Sa ngayon, graduate na siya at isa na siyang architect. Inialay niya ang tagumpay niyang ‘yun sa kanyang superhero, ang nanay niya na siya na yatang pinakamasayang tao nang araw na tanggapin niya ang kanyang diploma at simulang tahakin ang buhay na pinili niya.

Sa ngayon, hindi na nagtatrabaho pa ang nanay niya. At hanggang ngayon dala-dala pa rin niya ang aral na natutunan niya mula sa kanyang nanay at sa kanyang karanasan.

Minsan kailangan nating mawalan para matutong pahalagahan ang mga buhay na mayroon tayo.

Minsan kailangan nating madapa hindi para malugmok kundi para matuto tayong bumangon at tumayo sa ating mga sariling paa

Minsan kailangan natin munang matikman ang pait ng buhay para mas lalo nating malasap (maapreciate) ang tamis at sarap ng tagumpay.

Minsan kailangan nating ilagay ang mga sarili natin sa posisyon ng iba para maintindihn natin sila.

A MAN IS ONLY HALF HIMSELF. THE OTHER HALF IS HIS EXPERIENCE

1

About Mikaylla

Hindi ako magaling magsulat pero ito ang nagpapasaya sa akin.