News Report

Journalist (Photo Credit: ts3.mm.bing.net
Journalist (Photo Credit: ts3.mm.bing.net
Journalist (Photo Credit: ts3.mm.bing.net

Ako si Miguel Flores, isa akong Journalist.

Pinili ko ang trabahong ito dahil pangarap kong maibunyag ang anumang tiwaling gawain dito sa ating bansa, para magkaroon ng katahimikan at kapayapaan. Maglilimang taon na rin akong nagsusulat sa isang kilalang dyaryo, at binansagan nila akong ‘The Hit Man’, iyon na rin ang ipinangalan sa aking kolum. Paano ba naman, maski ang mga kilalang politiko ay hindi ko kinokonsinte. Kung ano ang balitang nakalap ko, kahit pa ikasisira iyon ng pangalan ng mga kilalang tao, kahit pa ikamamatay ko, ay hindi ko pinapalampas. Trabaho ko ang maghayag ng katotohanan, kaya iyon ang ginagawa ko.

Hanggang ngayon, ramdam kong tutol pa rin ang mga magulang ko sa pinili kong propesyon, hindi raw nila kakayanin kung mamamatay ako dahil lang sa nagsabi ako nang totoo, unfair daw. Unfair talaga. Biruin n’yo, ako na nga itong nagsasabi nang katotohanan, ako pa itong papatayin? Hindi makatao. Sabi ko sa kanila, hindi n’yo ako mapipigil sa gusto ko, ito na marahil ang misyon ko rito sa mundo.

Tandang-tanda ko pa ang paalala ni Ermat noong unang araw ko pa lang sa eskwela sa kursong journalism, nagpapakamatay raw ba ako? Nakaharang siya sa pintuan ng bahay namin, pilit niyang hinihiklas ang sukbit kong bag at soot na ID. Hindi nila ako binigyan ng pang-tuition para hindi ko rin makuha ang gusto ko, mabuti na nga lang ay may sarili akong ipon.

Kapwa business ang pinagkakaabalahan nina Ermat at Erpat. Ang gusto nila, ako ang magpatuloy niyon, kaya siguro bukod sa buhay na isinusugal ko, hindi rin nila matanggap na mapuputol ang inumpisahan nilang pangarap. Pangarap nila para sa akin. Ang kaso, iba nga ang pangarap ko: ang maging isang mamamahayag.

Parang langit ang unang araw ko sa eskuwela, may kaunting luha akong nadama sa gilid ng mga mata ko. Para bang kahit nag-uumpisa pa lang ako, graduation na kinabukasan. Iba sa pakiramdam kapag gusto mo ang gagawin mo, o ang ginagawa mo, o ang ginawa mo, may damdamin na parang wangis sa pag-ibig sa isang babaeng sinisinta.

Naging mahirap para sa akin na tuparin ang pangarap kong ito, ako nang ako lang ang gumagawa ng paraan para makatapos dahil simula noong nag-journalism ako ay hindi na ako sinuportahan ng mga magulang ko. Naubos rin ang mga ipon ko kaya kinailangan kong magtrabaho, at noong halos hindi ko na rin kinaya ang pagod, muli akong lumapit kina Ermat. Tinulungan nila ako, pero hindi raw ibig sabihin niyon na pumapayag na sila sa kurso ko. Gusto lang nila akong makatapos ng kolehiyo at ipapasok nila ako sa ibang trabaho. Pumayag ako, ano pa nga ba ang magagawa ko? Gusto ko naman talagang makapagtapos

Naka-graduate din ako, pero hindi alam ng mga magulang ko na sa pagiging journalist pa rin ako nag-apply. Hindi ko iyon ipinaalam sa kanila, sinabi ko na lang noong natanggap na ako sa isang kompanya.

Galit na galit sila sa akin, galit na galit din ako sa kanila. Bakit ba sila takot na takot? Marami namang mamamahayag na hindi napasasapanganib. At bakit ba sa negatibong pananaw sila naninindigan?

Sa maraming pagkakataon ay sinusuway ko sila, hindi ko talaga kayang iwan ang trabahong nasa puso ko na. Nagsimula na akong mag-interview ng mga matataas na tao at ng mga taong nagsusuplong ng mga kabulastugan ng kanilang mga buwayang amo, para iyon sa lulubog-lilitaw kong kolum. Hindi pa kasi ako noon binibigyan ng regular na pahina sa dyaryo, alam kong tinatantya pa nila ako.

Noong araw na iyon, may bagong balita tungkol sa isang journalist na hinostage at pinatay sa Mindanao. Pailing-iling lang kami sa office, nagtatakutan kung sino na ba ang susunod sa amin na mamamatay. Na papatayin sa katunayan.

Hindi ko na ibinalita sa mga magulang ko ang tungkol doon, kaso nang uwi ko, hinainan nila ako sa mesa ng isang dyaryo.

“Oh! Ayan, may isa na namang pinatay na journalist. Pangatlo na iyan ngayong Mayo. Ngayong May lang ha!” pinupunto ni Ermat na sa loob ng isang buwan ay may tatlo nang pinatay na reporter.

Hindi ako nagsasalita, pumasok ako ng kwarto ko, nag-impake ako ng gamit. Pumasok si Ermat.

“Saan ka pupunta?” bungad niya.

Hindi agad ako sumagot, tinapos ko muna ang ginagayak ko, “sa Mindanao ho.”

Matalim ang titig niya sa akin, kahit hindi ko sabihin ang pakay ko roon, alam niyang tungkol iyon sa aking trabaho.

“May special project ho ako,” paliwanag ko.

“Hindi ka pupunta!” pigil niya.

“Pero pagkakataon ko na ito. Sa ganitong proyekto, nabibigyan ng promotion ang mga gaya namin.”

Hindi siya nakaangal noon sa akin, nagmatigas kasi ako. Umalis ako, lumipad, at kinapanayam ang isang taong may mataas na posisyon sa gobyerno. Na ayon sa isang artikulo ay nasasangkot sa iba’t ibang isyu: illegal logging, smuggling, at sa pagpatay sa kababalita pa lang na isang babaeng journalist na siyang nagbulgar ng mga baho nito.

Maaliwalas ang mukha ng congressman nang makaharap ko, mukha pala siyang hindi gagawa ng anumang kalokohan sa personal.

“Ako po si Miguel Flores, Congressman Balagtaz, mula ho sa News Report newspaper,” pakilala ko.

Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa, “ano ho ba ang masasabi n’yo tungkol sa isyung ibinabato sa inyo na involved daw po kayo sa illegal logging at sa smuggling ng bigas dito sa ating bansa?” pauna kong tanong.

“Alam ng mga kababayan ko rito na walang katotohanan ang balitang iyon. Sa katunayan, pinangungunahan ko at ng aking mga kaalyado, sa ilalim na rin ng suporta at basbas ng ating pangulo, ang isang proyektong magpoprotekta sa ating kalikasan. Noong nakaraang isang linggo nga lamang, nakiisa ako sa pagtatanim ng mga punong-kahoy sa ating mga bulubundukin, layon nitong mapagtibay, maprotektahan at mapaganda pa ang ating kalikasan, para na rin sa ating mga mamamayan.

Sa smuggling isyu naman wala ring katotohanan ang tungkol doon. Baka lang nami-misinterpret nila ako. May bukirin kasi ang angkan namin, at iyon marahil ang tinutukoy nila. May business permit kami at legal ang aming bawat kilos,” nakangiti nitong paliwanag. Maaliwalas ang mga mata niya, matuwid din kung magsalita.

“Maiba ho tayo,” Congressman. Sa isyu naman po ni Jessica Madrid Sebastian. Ayon ho sa balita, may kinalaman daw ho kayo sa kanyang pagkamatay? May katotohanan ho ba ito o gaya rin ng sabi n’yo kanina…” pahina nang pahina ang boses ko. Hindi ko na rin natapos iyon dahil sumingit na si Congressman.

“Alam mo… palabas lang iyan ng mga kalaban ko. Sinisiraan nila ako dahil nalalapit na naman ang eleksyon. Baka nga sila pa ang nagpapatay sa babaeng tinatanong mo… para lang ibato sa akin ang sisi…”

Hindi pa tapos magpaliwanag si Congressman Balagtaz nang may isang babaeng nagsalita habang bumababa ng hagdan.

“Totoo iyon.” Sabay kaming napabaling sa babaeng nagsalita, napansin ko ang biglang pag-iiba ng awra ni Congressman.

“Honey,” bati nito.

Pero hindi siya sinagot ni Congressman, naisip kong ito marahil ang asawa niya.

“Totoo ang mga ibinibintang ng mga tao sa kanya,” patuloy ng babae.

Napatayo ako, gusto ko siyang lapitan para siya ang aking kapanayamin subalit inunahan ako ni Congressman. Lumapit ito sa kanyang asawa, may ibinulong na hindi ko narinig. Pinilit kong intindihin pero hindi ko marinig. Maya-maya’y nagsisigaw ang babae.

“Sinungaling ka! Magnanakaw ka! Mamamatay-tao!” napakunot-noo ako. Patuloy sa paghi- hysterical ang babae. Bumaling siya sa akin.

“Sabihin mo, Reporter, ihayag mo sa buong mundo ang kabulastugan ng asawa ko,” pilit na tinatapalan ni Congressman ang bibig ng misis niya ng kanyang palad. Nililingon ako ni Congressman, para bang sinasabi ng nag-ibang anyo niyang mga mata na huwag akong maniniwala sa asawa niya; baliw ang asawa niya. Pero sa tingin ko, mukha ngang may kakaiba sa babaeng ito.

“Marvin, Ruel,” sigaw ni Congressman. Lumapit ang dalawang lalaki na may sukbit na baril. “Ipasok n’yo siya sa kuwarto niya,” bilin nito.

Bumalik na kami sa dati naming puwesto, halatang iritable siya. Pansin ko ring parang ayaw na niyang ituloy ang interview ko sa kanya. “Ok na tayo.” Sabi ko na nga ba. Pero bago niya ako itinaboy, pinaalalahanan niya akong huwag ko nang ilabas sa media ang nasaksihan ko.

“Manahimik ka, kundi…” nanahimik ako.

Pinagbabantaan n’ya ba ako? Tanong ko sa sarili ko noon. Oo, sagot ko sa sarili ko.

Umalis na ako, tumuloy na ako sa inuupahan kong mumurahing hotel. Pinag-isipan kong mabuti ang mga nasaksihan ko kanina, ang banta ng congressman, ang pagbabago ng mga mata niya, ang kanyang mga sinabi, ang asawa niyang parang kakaiba, ang mga sinabi ng asawa niya at ang dalawang lalaki na sina Marvin at Ruel.

Humarap ako sa laptop ko, isinulat ko ang mga narinig at nakita ko, pati na ang espekulasyon ko sa isyu, ang aking opinion. Nang matapos ko ang artikulo, umintrada sa isip ko ang huling paalala ng congressman. Kung gayo’y maaaring totoo ang ipinupukol sa kanya ng mga tao. Totoo ang report ng babaeng reporter. DELETE, nakamulaga sa harapan ko ang button na ito. Nanliliit ang salitang SEND. Napabuntong-hininga ako.

Kinabukasan, tumawag ang boss ko, pinagkaguluhan daw ang dyaryo namin: ang artikulo ko tungkol sa interview ko kay Congressman Balagtaz, kalat na rin sa social media at sa TV mismo. Papasakay pa lang ako noon ng bus papuntang airport para bumalik ng Maynila nang may mahigpit na humawak sa magkabila kong braso. Hampas ng baril ang huling rumehisro sa utak ko, nawalan na ako ng malay.

Nagising ako sa isang madilim na silid. Nakatayo ako, nakatali ang mga kamay at paa ko.

“Binalaan na kita.” Pamilyar ang boses, si Congressman.

Para bang pagkagising ko, pagod na pagod na ako. May kung ano siguro silang ginawa sa akin habang wala akong malay. Hindi agad ako nakapagsalita.

“Hindi ka ba natatakot?” tanong ko nang makabawi ako ng hininga.

“Dapat siguro’y itanong mo iyan sa sarili mo,” sabay hampas ng kahoy sa binti ko. Gusto kong lumuhod pero pinipigil ng apat na kadena ang aking katawan, kaya ramdam na ramdam ko noon ang sakit.

“Gaya ng madaldal na reporter na si Jessica, isusunod na kita,” hampas niya muli sa akin.

“Makukulong ka!” ganting sigaw ko.

“Mamamatay ka!” at sunod-sunod na hampas na ang humataw sa katawan ko; mas malalakas. Isang putok ng baril naman ang siyang huli kong narinig, pagkatapos ay wala na akong naramdaman, wala na akong narinig, wala na akong alam.

Ang sabi sa dyaryong limang taon ko na ring itinatago sa damitan ko, natagpuan daw akong duguan at sugatan sa isang ilog, ang dahilan ay hinostage at tinorture daw ako ng mga rebeldeng NPA. Galit na galit sina Ermat noon, kahit puro sugat at pasa pa ang inabot ko, todo sermon pa rin ang sumalubong sa akin. Mag-resign na raw ako. Hindi ko ginawa, dahil nang muling bumalik ang lakas ko, na-promote ako bigla sa trabaho.

Kasunod ng balitang iyon ay ang mabilis na pagbasura ng korte sa kaso ni Congressman, wala raw matibay na ebidensya. Mali ang balita, hindi ako pumayag na hindi lalabas ang buong katotohanan. Mas lalong nag-alab ang damdamin ko sa paglalabas ng katotohanan. Dahil sa malagim na pangyayari sa buhay ko’y nagkaroon ng matibay na dahilan kung bakit dapat kong ipagpatuloy ang trabahong ito.

Alam kong may kakaiba sa asawa ni Congressman, pinilit ko siyang makita. Kasagsagan ng kampanyahan noon nang lihim akong nagmamatyag sa bakuran nila, kasama ko ang mga nakasibilyang imbestigador. Pero nakapagtatakang ni hindi man lang lumalabas ang babaeng hinahanap namin, kahit sa mga sasakyang lumalabas-pumapasok ay walang bumababa o sumasakay na asawa ni Congressman.

Hindi maguwardya ang masyon ni Congressman, hindi rin kalakihan ang mansyon nito. Kung papasukin namin iyon habang nasa kampanya at pang-uuto ang putang-inang nakuha pang kumandidato sa pagkasenador, maaaring makita namin ang asawa nito.

Napasok namin ang mansyon, napasok namin ang kuwarto kung saan naroon ang asawa ni Congressman, nakatali at may busal ang bibig. Kinuha ko ang cell phone ko, sa iba’t ibang anggulo ay kinunan ko siya ng retrato, saka namin siya kinalagan.

“Sinungaling ka! Manloloko! Magnanakaw! Mamamatay-tao!” sigaw nito. Muli naming ibinusal ang itim na tela. Pinasan siya ng kasama kong pulis, nakalabas kami nang ligtas. Dinala namin ang babae sa Maynila sakay ng barko. Tama ang hinala ko, may sakit nga sa pag-iisip ang asawa ni Congressman. Pinagamot namin siya. Halos isang taon kaming naghintay ng kanyang paggaling, para lang makakuha ng impormasyon. Kataka-taka namang walang ingay kaming narinig mula sa kampo ni Congressman, hindi ito naghanap ng nawawalang asawa. Maski sa mga dyaryo sa kanilang rehiyon, walang nailathala. Tahimik si Congressman na noon ay senador na. Putang-ina, nanalo pa. Putang-ina talaga!

Marissa pala ang pangalan ng asawa ni kagalang-galang Senador Balagtaz, inamin nito na hindi pala siya ang legal wife ng senador. Pinatay raw mismo ni Balagtaz ang talagang asawa nito dahil nagtangka ring isuplong ang illegal nitong mga gawain. Isang kabet si Marissa, at dahil mahirap lang ang kanilang pamilya, umasa siyang may mapepera siya sa politikong ito, pero hindi niya inasahan na paulit-ulit siya nitong gugulpihin hanggang sa masiraan na siya ng ulo.

“Totoo ang mga ibinibintang na isyu sa kanya,” sabi nito. “Kalbo na ang isang malaking bundok sa gawing kanluran, illegal din ang negosyo niyang bigas, pati ang pagkamatay ng mamamahayag na si Jessica, siya rin ang responsible. Naroon ako, kitang-kita ko. Hindi lamang iyon, ilang ulit na rin siyang nandaya sa eleksyon, alam na alam ko iyon dahil kasa-kasama niya ako sa mga lihim niyang pulong. Maraming mga baril, marami siyang alalay sa labas na kung titingnan mo ay mga ordinaryong mamamayan lamang. At kapag nagsalita ka ng mapanirang salita tungkol sa kanya, may mangyayaring masama sa iyo, o sa pamilya mo. Walang makaaalam dahil marami siyang binabayaran. Halos alam ng marami ang tungkol sa kasamaan niya, takot lang ang mga tagarito na magsalita. Makapangyarihan ang taong iyon.”

“Grabe pala…” wala akong ibang masabi. Parang sa ginagawa namin noon, ipinapain na rin namin ang aming mga sarili sa dambuhalang halimaw na iyon. Tama si Ermat, nagpapakamatay nga marahil ako.

“Handa ka bang buksan muli ang kaso?” tanong ko.

Hindi ko nahulaan, pero taas-noong mabilis ang pagsang-ayon ni Marissa. Parang naramdaman ko, gaya ng pinagdaanan ko, kailangang may maparusahan sa mga nangyari sa aming dalawa, sa iba pang mga namatay nang dahil sa senador, at para na rin sa panloloko niya sa Pilipinas at sa buong sambayanang Pilipino.

Sa tuwing magkakaharap kami sa korte ni Senador Balagtaz, nakikita kong nagbabanta pa rin ang mga mata niya. Nanganganib pa rin ang buhay naming mga kumakalaban sa kanya, kaya kung makahingi kami ng proteksyon sa ibang may posisyon, para kaming namamalimos. Masuwerte namang hindi nila kami pinabayaan. Ramdam kong nararamdaman din nila na ang katotohanan ay panig sa amin. Maski ang mga kapwa ko mamamahayag, kahit magkakalaban kami sa negosyo, alam naming iisa ang aming tungkulin bilang reporter. Sa matibay nilang suporta, nakabuo sila ng isang organisasyong magpoprotekta sa mga gaya namin na ang trabaho lang naman ay maglahad ng katotohanan. Nagkaroon kami ng boses.

Malakas ang hawak naming ebidensya kaya marahil pinaburan kami ng korte, hindi kami makapaniwala na nakapagpakulong kami ng isang makapangyarihang tao. Naibilang siya sa iilang makakapangyarihang napipiit. Masaya kami, nagkaroon ng hustisya ang nangyari sa akin, kay Marissa, sa bansa at sa iba pa na ni minsan ay hindi nagkalakas ng loob na magsalita.

Last year lang siya nakulong, naging mahaba ang proseso ng kaso pero nakuha namin ang aming ninanais. Nakamit namin ang katahimikan at kapayapaan.

Ngayong taon, sa unang kuwarter, sa ikaapat na buwan, ni isa ay wala pang nababalitang journalist na ipinapatay. Zero case ang naitalang reporter na pinaslang, ayon sa balita sa TV. Nakangiti pa nga ang reporter na nagbalita, maski ako na mag-isang nanonood sa bahay, napangiti rin ako, napalundag pa. Napakalaki ng ipinagbago, sana’y magtuloy-tuloy na ito. Isa na lang din ang hiling ko: sana, hindi na manganak pa ang lipunan ng mga gaya ni Balagtaz na wala nang pinangarap kundi ang mag-asam ng kapangyarihan.

Pagkapatay ko ng TV, biglang may kumalabog sa kuwarto nina Ermat at Erpat. Marahan akong kumilos, kinuha ko ang baril ko sa bag na nasa tabi ko lang. Tinungo ko ang kwarto nila, mahigpit ang pagkakahawak ko sa baril. Pagkapasok ko ng kuwarto, may isang kahon na nakatumba sa sahig. Isinuksok ko ang baril sa bewang ko, nilapitan ko ang kahon. Halos maluha ako sa nakita ko, punong-puno ang kahon ng mga dyaryo naming News Report. Simula unang artikulong na-publish ko hanggang sa ngayon na nagkaroon na ako ng sarili kong kolum na ‘The Hit Man’.

Tapos na ang pakikipaglaban ko, pero minsan iniisip ko pa rin, gaya sa tuwing naglalakad akong mag-isa sa gitna ng kalsada, paano kung may bigla na lang kumalabit ng gatilyo ng baril na nakatutok sa akin mula sa ibabaw ng gusali? Bubulagta ako sa kalsada nang walang kalaban-laban. Hindi ko rin naman maitatangging sa kabila ng pinagdaanan ko, natatakot pa rin ako, buhay ang nakataya sa trabaho ko. Lalo rito sa bansang minsan nang nakapagtala ng pangalawa sa buong mundo na maraming pinapatay na mamamahayag. Hindi pa ulit lumalabas ang bagong survey ukol dito, pero natitiyak ko, kampante ako, na mawawala na sa top ten ang bansang Pilipinas. Sana.

-Wakas-

Paalala: Ang kuwentong ito ay kathang-isip lamang na ibinase sa realidad.

About sherald salamat