Naranasan n’yo rin bang makipanood ng TV sa kapitbahay?

Mga imahe mula sa Facebook posts

“Relate much!” ang sagot ng karamihan sa tanong na ito.

Ayun! Ang daming nakarelate sa mga larawang ito na shinare sa social media ng ilang FB pages. Marami tuloy napa-throwback. hahaha

Kasi naman noong araw iilan lamang ang may telebisyon. Isa ito sa mga pananda na medyo may kaya ang pamilya kapag mayroon silang telebisyon. Lalo na nung may colored TV na…wow! Mas lalo kang sikat.

(Phto credit: Enzho De Guzman’s Facebook post)

Naaalala ko pa noon…sabi ng isa kong kalaro, “Uy, ang yaman nila Raffy, colored ang TV nila!”

“Ay, mas mayaman sina Ladeth kasi mas malaki ang colored TV nila kesa kina Raffy,” sagot naman ni Glenda na kalaro rin namin.

Sabat naman ng isa pa naming kalaro, “Eh ano naman kung colored ang TV nila? Hindi naman tayo nakakapanood sa kanila. Mabuti pa kina Joy, kahit black and white. nakakanood tayo.” Biglang baling sa akin, “Huyyyy, panood ulit mamaya ha, sana ipalabas ulit ‘yung ke Dolphy na Captain Barbell…” [PS huwag na pong hulaan ang aking edad, hahaha]

Apartment ang tinitirhan namin noon, walang bakuran, kaya madaling makinood sa amin noon. Hindi man namin naranasan ang makipanood dahil nakamulatan na naming may telebisyon ang mga magulang namin (hindi po kami mayaman), ramdam ko naman ‘yung katuwaan ng mga nakikinood kaya hindi ko sila binubugaw noon o pinagsasarhan ng pinto o pinapatayan ng telebisyon. Hangga’t may bendisyon ng aming magulang kung kailan kami puwedeng manood, sama-sama kaming nanonood ng aking mga kalarong walang telebisyon sa kanilang bahay.

Sa totoo lang, masayang-masaya ako noon na kasabay kong nanonood ang aming mga kalaro. Parang nakakatamad nang manood mag-isa, hahaha Mas masarap kasing marami kaming nagtatawanan sa mga pakwela nila Dolphy, Panchito, Gloria Romero at iba pa sa mga pelikula noon ng Sampaguita Pictures.

Mabalik ako sa mga larawang nasa itaas; nakakatuwa ang mga comments. Mapapangiti ka talaga…

“Ay grabe experience namin sa pakikipanood ng tv. Andung patayan ka ng tv kc di ka maitaboy, tapos ilalock yung pinto nila para di ka na makapasok. Nung magkaron kmi ng tv, lageng puno ang bahay namin, ‘di kc ugali nila nanay yung patayin ang tv pag may nakikipanood, tapos hangga’t di tapos ang pelikula kahit hapunan na di ka puwede kumain kc nakakahiya naman hindi ka mag-alok, haha e kung di tumanggi?

Ung iba may baong kropek, butong pakwan, growers, kornik, pag-uwi nila dami kalat na wawalisin. Ganun kami dati. De pihit pa ang television, pag nabali yung pihitan, plais ang panglipat ng channel!”

Sabi ng isa pang commenter: “Yes naman!! umaakyat pa nga ako sa puno ng mangga para mkapanuod ng tv sa kapitbhay…..hahaha”

Balik alaala naman ni Rina: “Oo naman masakit sa loob na masungit yung may ari ng tv kc bata nga e di syempre amoy pawis ka, sabihin ng may ari ang babaho n’yo sabay patay sa tv…”

Masaklap naman ang naalala ni Rogie: “Yes, tapos yung tsinelas mo, itatago nila, pagkatapos mong manood wala ka nang tsinelas…”

Natatawang comment naman ni Rosalie: “Naalala ko tuloy… pinaalis kami tapos sa bintana na nga lang nakinood pinagsarhan pa kami at pati sa liit ng butas din pinagtakpan ng towel hahai memories2x.”

May bayad daw, sabi naman ng ilang kababayan natin, hahaha

Ani Rose: “Oo naranasan namin nun tatawid pa kami medyo malayo sa amin, tas pinapabayad pa kami ng tig dadalawang kahoy bawat tao nun…”  [Ano yun? panggatong nung me ari sa TV? hahaha Malamang, pangkusina nila, may kalang de kahoy kasi noong araw]

Sabi ni Ana: hindi lang naranasan, pinagbabayad pa kami noon ng 5 centavo. grabe di pa colored. hahaha ngayon lahat ng solok sa bahay may tv na…”

Ke Gilda, kakaiba naman ang bayaran: “Super relate me dito…nagbabayad pa kami ng 5 palito ng posporo para maka upo sa sahig nila panonood ng tv…”

Medyo malupit naman ang naranasan ni Torvic: “Oo, naranasan ko pinapalàyas pa ako at kinukurot pa ako…”

Hindi rin daw makakalimutan ni Connie ang isang karanasan niya: “Oo naku, mars, tanda ko pa nanunuod ako silip sa tv ng barangay namin, inuntog ako ng lukaret na babae nanunuod din pala siya. hay sakit ng ulo ko. ‘La me nagawa kundi umuwe.” 

Marami pang nakakatuwang paglalahad ng karanasan, pero ang suma total, marami ang nangarap na magkaroon ng sariling TV kaya nagsikap na umangat sa buhay.

Sabi nga ni Florinda: “Oo nga, nakakalungkot isipin nang nakikipanuod lang tayo. Pero okey lang yun, sigurado, lahat tayo ay may sariling tv na. Ngayon flatscreen na at colored pa.”

Simple lang naman ang mensahe ko sa pagsulat nitong blog na ito. Na ang ating pinagdaanan, kadalasan, ang siyang PUSH natin para magsikap sa buhay, ‘di ba? Lalo na para sa ating mga anak, sa mga mahal natin sa buhay. Gusto nating maranasan nila ang mas maalwan na buhay.

Mas masarap pa nga ‘yung alam mong galing ka sa ibaba at nagsikap umangat sa buhay. Lasang-lasa mo ang sarap ng pag-unlad… mga kasiyahang hindi siguro naranasan ng mga ipinanganak nang mayaman.

Ang mahalaga, mula sa mga naranasan natin ay ‘yung natuto tayong maging mas mabuting tao, mas mabuting magulang, kapatid, anak at kaibigan.

O tara nang manood ng teleserye!  Libre! hahaha

 

 

 

 

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!