Naranasan mo bang gumamit ng BUNOT?

Credits to the owner
bunot
Credits to the owner of this photo

“Ano ‘yan?” ang tanong ng aking anak na katabi ko habang naglalaptop.

Napapangiti kasi ako sabay tawa nang mapansin niya ang tinitignan ko.

“Eh ‘di bunot! hahaha” sagot ko naman, sabay paliwanag na iyun ay galing sa natuyong buko.

Napakuwento na tuloy ako…sakto namang tumawag ang nakababata kong kapatid at napagawi kami sa usapang bunot. Memoriesssss  ^_^

Noong araw kasi, may tokahan ang mga anak sa gawaing-bahay, at nagkataong kasama ang pagfo-floor wax sa hagdan at sa flooring ng bahay na susundan ng pagbubunot para ito ay maging makinis, makintab at madulas.

Ang aming bunso ang madalas matoka sa pagbubunot ng hagdan dahil ako naman ang madalas na palengkera at kusinera. Pero siyempre, namaster ko rin ang pagbubunot hahaha, kaya nga lumaki ang kanan kong binti!  Aguyyyy

Sa bahay ng aming lola, kahit hindi kami utusan ay wina-wax namin ang sahig na kahoy at hagdan…at talaga namang nakaka-proud kapag napaganda namin ang flooring.

‘Yun nga lang, nagka-aberya minsan dahil sa sobrang dulas at kinis eh nadudulas tuloy ang aming lola na nakasuot pa naman ng saya. Medyo naghinay-hinay tuloy sa pagpapakinis ng hagdan.

Natatandaan ko pa…habang nagbubunot, may nakasalang akong bala ng casette o kaya ay magandang istasyon sa radyo na panay dance music… Oo, sasabayan ko pa ng sayaw ang pagbubunot…habang may basahang cotton sa kaliwang paa para balanse ang pagpapakinis na sahig.. hahaha

Minsan, may kunwarian pa akong mic na habang nagbubunot eh sasabayan na rin ng pagkanta. Ang siste niyan, lumilipas ang oras at nako-cover mo ang buong sahig nang hindi mo namamalayang nakatapos ka na pala!

At alam n’yo ba, mas masarap para sa akin na gamitin ‘yung lumang bunot, kasi madulas nang ikuskos sa sahig. Pag bumibili nga ako noong bata pa ako, ang tagal kong mamili ng bunot kasi merong mas sakto sa paa ko. Medyo tetestingin ko pa bago ko bilhin. ^_^

Hay…sarap lang maalala…pero siyempre, hindi na masarap magbunot… hahaha…  lalo pa at medyo nasa limang dekada na ang edad ko.

Sa kabuuan, nakakatuwang maalala ang bunot… oo, mas madali na nga ngayon kasi me mga floor polisher na, pero ‘yung kaakibat na values sa simpleng pagtupad sa gawaing-bahay gaya ng pagbubunot, ‘yun ang masarap namnamin eh.

‘Yun alam mong gusto mong pagbutihan kasi parang trophy mo na ‘yung mapuri ka na ang kintab at ang kinis ng sahig hahaha.  Tama ‘yung nagsulat sa imahe ng bunot… “nobody can take away my pride in making the floors gleam like a mirror!”  Kung sino ka man, salamat sa larawang iyan na naghatid ng masayang alaala!

Kayo ba, naranasan ninyong gumamit ng bunot?

 

 

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.