* Nang Umibig si Saudi Kid *

(Photo Credit: wattpad0
(Photo Credit:  wattpad0
(Photo Credit: wattpad0

Sa isang handaan kami’y nagkita. Malagkit n’yang tingin ako’y nahalina.  Sulyap at irap niya’y tila may gayuma, tibok ng puso ko’y ‘di mawari baga. Ako’y natulala nang kanyang lapitan at pinagdaop-palad ng isang kaibigan.  Doo’y narinig ang bulong-bulungan, bagay ang dalawa na maging kasintahan. Yaon ang simula ng suyuang kay tamis; ligayang nalasap kay raming beses.  ‘Di alintana ang kumalat na tsismis; ang naging kapalit remittance ni Mrs.

Ano pa’t nang aking mabasa ang liham ng aking esposa, siya raw ay namangha at tila’y nagtaka, kalahati’ng nawala sa perang padala. Ang kanyang tinuran agad napagtakpan, ako’y nag-overtime sa aming tanggapanm kagya’t pinadala ang halagang kulang upang mapawi yaong alinlangan.

Kung kaya’t tuloy ang ligaya ng tisay kong liyag dito sa Arabia. ‘Di nalaunan kutob ko’t hinala, talisuyo ko ay may Mr. din pala. Nang aking sumbatan nang kami’y magkita at siniwalat ang aking nadarama, ngunit ang wika n’ya kapagdaka, “alam ko rin, ‘ika, ika’y may asawa!”

Mistulang basang sisiw na sisiyap-siyap, tulirong isipan ay aandap-andap; sa gayong sitwasyon unawa’t paglingap upang ang problema malutas nang ganap. Nang huminahon ang aming isipan solusyong praktikal napagkasunduan. Relasyong lihim hanggang Saudi lamang; kung sa Pilipinas tapos ang suyuan.

Kung kaya’t kapwa kaming maligaya panatag ang loob sa isa’t isa; kapag nalulumbay sa tuwi-tuwina. Sa telepono lang nagkakaayusan na. Sa aming pagniniig minsa’y nakalimot, ‘di naisubo dala-dalang gamot.  Nang kami’y magkita may bahid na lungkot; siya raw ay balisa sa nangyaring gusot!

Sanhi ng agam-agam at mga pangamba; ‘di raw dumating ang buwanang regla. Punlang itinanim maaaring magbunga at ako’y tinanong kung ano’ng pasiya! Bagama’t malamig ako’y pinawisan; ‘di maapuhap tamang kasagutan.  Dangal at konsensiya pilit naglalaban; binhing walang malay, buhay ba’y kitlan?

Bantulot at taliwas sa inaasahan. Emergency leave lang ang tanging paraan.  Pangunahing hakbang pagdating sa bayan, sanggol ipalaglag sa sinapupunan!

“Huwag mong ituloy, kasalanan iyan!” Ang aking nasambit nang mahimasmasan; mata nang idilat kayakap ko’y unan, pangyayaring naganap sa panaginip lamang. Talinhagang panaginip parang totoo. Waring hango baga sa mga tsismis dito, ngunit kung susuriin ang pangyayari mismo, kay raming nagaganap na mga milagro.

Wilson (Willie) D. Dionio (Al-Khobar, KSA – 1 jul ’91)

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.