Nang Umibig Ako sa Isang Makata

Sabi nila, masarap daw iyong pakiramdam na umiibig ka sa isang taong kapareho mo ng hilig; naiintindihan ninyo ang isa’t isa, lumalago kayo nang magkasama.

Alam ko, iyon. Alam ko sapagkat minsan na akong umibig sa isang makata, sa isang kapwa ko manunulat.

Nauunawaan niya ang bawat salitang sinasambit ko. Naiintindihan niya ang bawat linya sa aking mga tula; alam pati ang dahilan ng bawat bura sa kuwadernong sinusulatan ko ng mga katha. Kaya niyang ipaliwanag ang bawat pangungusap, maging ang posisyon nito sa loob ng talata. Nauunawaan niya ang bawat salitang sinasambit ko; maging ang mga salita sa loob ng mga salita. Kaya niyang ipahayag ang mga hindi ko direktang sinalita. Alam niya, dahil isa rin siyang manunulat.

Hindi kami nakapaglilihim sa isa’t isa; kung ang gagamitin ay malalalim na pahayag. Pareho kami ng lengwahe; kabisado ang pagkakayari ng bawat akda. Sa mundo ay hindi maipagkakaila; siya at ako ay iisa.

Bawat araw na magkasama kami ay puno ng kulay; kahit itim at puti lamang talaga ang nagbibigay ng buhay, puti para sa papel at itim sa pluma. Kumapal nang kumapal ang tambak ng puting papel sa gilid ng aking silid; bawat isa ay may katha. Ilang kuwaderno ang napuno niya sa kasusulat ng tula. Habang nagsusulat, kami ay nangangarap na darating ang araw at ang mga likha ay mailalagay sa aklat. Habang nangangarap ay umaasang bukas ay susulat pa rin kami para sa isa’t isa.

Charina

Ngunit hindi palaging tungkol sa hardin ng mababangong bulaklak ang mga akda; hindi palaging tungkol sa kaharian, at prinsipe’t prinsesang nagkakatuluyan. Hindi lahat ng tula ay tungkol sa pag-ibig.

Sinimulan naming isulat ang pait.

Nagkagulo ang mga salita. Minsan, pati ang mga baybay ay mali-mali na. Unti-unting lumabo ang mga pahayag; ang mga tuldok at kuwit ay unti-unting pumalag. Sa isang iglap, hindi na namin maipaliwanag hindi lang ang isinulat ng bawat isa kung hindi pati na rin ang mga sarili naming katha.

Hindi na tama ang lagay niya ng tuldok-kuwit. Maling-mali na ang pagkakasunod-sunod ng aking mga talata. Ang mga pangungusap niya ay hindi na nagtutugma. Naging mas malalim ang aking mga “bakit?”

Hindi na siya naaakit sa mga aklat. Hindi na ako natutuwa sa kanyang mga tula. Hindi kami masaya kapag magkatabi at nagsusulat. Ang mga katha ng bawat isa ay aming pinulahan.

Nang lumaon kasi ay wala na kaming ibang nakita kung hindi ang mga mali. At kami ay nabigla. Hindi ito ang daigdig na aming pinangarap.

Nauwi ang lahat sa nagdurugong mga linya. Napuno ng patak ng luha ang mga kuwadernong sinusulatan namin ng mga akda. Hanggang sa matapos na ang magulong katha na magkatuwang naming isinusulat noon.

Sabay naming tinapos ang kuwento – sa dalawang letrang “ayoko na.”

Lumipas ang ilang taon. Napagtanto ko na ngayon.

Bagamat masarap magmahal, iyong pakiramdam nang umiibig ka sa isang taong kapareho mo ng hilig dahil naiintindihan ninyo ang isa’t isa at lumalago kayo nang magkasama, walang katulad ang pakiramdam na magmahal at mahalin ng isang taong katulad mo ng layunin – ang ‘wag iwanan ang isa’t isa, hindi man ninyo marating ang pinangarap na daigdig nang magkasama, magkaiba man ang kalawakang nais ninyong liparin.

Sundan ang aking Facebook page: facebook.com/minsanokaylangmatraffic2016

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a former Manila Bulletin reporter, a passionate literary writer, and a resource speaker. She had her first novel published at Balita newspaper, from 2013 to 2014. She is the owner of Minsan Okay Lang Ma-traffic Facebook page (http://facebook.com/minsanokaylangmatraffic2016) and the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic book. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016