Nang Magshopping ang Pinoy (sa Dubai)

Image credit: thehairpin.com

Halika na gusto mo sumama? Alis tayo..!

Saan punta mo?

Diyan lang sa mall. Titingin-tingin. Malay mo may makursunadahan eh makabili kahit papaano. Kasasahod ko lang kaya…

Wow si kuya magsa-shopping! Sama ako sampu diyan ha!

Oo bah!

Nilakad mo lang ang halos kalahating oras na layo ng mall. Bah, sayang din naman ng pangtaxi .

Pagkapasok sa mall, una mong pinasadahan ang mga hilera ng electronics shops, hinahanap mo yung medyo marami nang customers para hindi masyadong pansinin di ba? Yung medyo busy na yung mga sales clerk para hindi ka agad sunggaban, este sundan pala , at banatan kaagad ng ‘May I help you sir’ (‘No, thank you, just lookin’ around’, ready na yung counter-attack if in case,  hehehe).

Punta ka siyempre kaagad dun sa display at mga estante ng mobile phones. Dun sa pinaka latest na model…

Ah excuse me my friend, can I see this iPhone  please?

Hahaha ! Hinagod ka muna tingin ng unipormadong salesman sabay…

Yes, that’s two thousand two hundred ninety-nine!

Eh, gago pala ito eh. Anong akala mo sa akin hindi marunong magbasa ng numero? Eh ang laki laki ng tag! Hindi ako bulag!

Yes, I can see that! But may I hold it and try, please!

Halatang nainis ka kaya inabot din sayo yung unit na itinuturo mo. Linsyak! Discharge ang battery ng binigay sayo! Paano ko ito matetesting? Sa inis mo inilapag mo na lang sabay alis at, shukran!

Lipat ka sa kabilang estante, yun bang mga android mobiles naman.  Swerte,  kabayan yung bantay.

Miss, pwede ba makita yang Galaxy S3 nyo? At saka yung Note 2 na rin?

Sir, maganda yan mga bagong labas na model saka mabilis maubos stocks nyan mabenta kasi.

Ah, ganun ba? Pinagiisipan ko kasi kung alin dito sa dalawa ang  bibilhin ko. Kung ikaw kabayan, alin ang mas maganda?

Eh sir, nasa preference nyo yan pero mas mabenta itong S3 ngayon!

Ipapadala ko kasi sa nanay ko yung Galaxy Note 1 ko kaya balak ko palitan.

Ikaw sir, pagisipan nyo. Yung S3 , AED 2099, at yung Note 2, AED 2349!

Pagisipan? Di na oy!

O sige, kabayan ikot-ikot lang ako sandali  habang pinag-iisipan ko pa ha? Balik na lang ako pag nakapagdecide na. Thanks ha?

At bago ka tumalilis, sinilip mo muna sa estante ng Nokia yung model ng phone mo na hindi mo mailabas-labas sa bulsa kanina pa. Galing talaga ng Nokia ko, hanggang ngayon ‘di pa rin bumababa presyo. AED 199 pa rin, consistent!

Sunod mong pinagdiskitahan naman ang mga tablets at laptops. Naalala mo kasi ang laptop mong 3 minutes na lang ang itinatagal ng battery at inaabot ng 2 oras bago maka-connect sa wifi n’yo. Hinanap mo yung pinakamanipis na model na nakita mo sa ka-officemate mong mayabang. AED 3500! Anak ng…!

Ang mga sumunod na sandali patingin-tingin ka na lang kunwari at patanong tanong. Pero hindi mo naman talaga tinitingnan na ang mga specs ng model kundi yung presyo sa ibaba! Lipat ka sa tablets. Medyo maliit ito baka mas mura.Yung nakursunadahan mo namang Samsung, kulang-kulang dalawang libo  pa rin. Grabe talaga! Dun na lang ako sa Dragon Mart, may mura daw dun na tig 300 lang katulad ng boardmate mo, made in bestfriend China nga lang.

Nadaanan mo naman ngayon ang mga nagagandahang TV at sound system. Pangarap mo, ‘di ba, yung Bose, JBL o kaya Harman-Kardon? Yung huli mong nabiling Sony 3 years ago ay sira na daw, sabi ng misis mo. Muntik-muntikan mo nang mabili yung JBL na 5.1 na nagkakahalaga ng AED 2599 kundi ka lang nakapagtimpi at naghunos-dili.  Naalala mo lang talaga yung mga bayaran mo sa credit card.

Inuungutan ka rin ng misis mo ng LCD TV, yung kasing laki daw ngsa  kapitbahay n’yo. Sabi mo, wag ka mag-alala my, LED ang bibilhin natin!  Susmaryosep! Halos limang libo yung nakita mo sa display.

Lumabas ka na lang na walang bitbit maliban sa mga buntong-hininga. Hay nakupo, patnubayan n’yo po ang wallet ko!

Tinungo mo ngayon ang booth ng Levi’s. Matagal ka na ring hindi nakatitikim ng 501 ah! Yung huli mong nabili natyambahan mo lang dun sa ukay-ukay ng  Pakistani sa tapat ng simbahan sa halagang AED 50. Baka may sale dito ngayon. Mayroon nga pero wala ka namang mapili sa mga nakalatag na style. At saka mahal pa rin dahil mahigit AED 300 ang presyo kahit sale at walang 501. Sinilip mo mga hilera ng 501, naku AED 500 pinakamura! Mag-sale ka naman, utang na loob!

Mabigat ang loob mong lumabas ng shop. Nadaanan mo ang Lacoste’ at naingganyo ka na namang pumasok. Dito baka maubos ang pagpipigil mo at matuluyan na ang dapat matuluyan. Polo shirt, sapatos, perfume at mga bag. Ang gaganda, tulo laway ka talaga. Muntik-muntikan nang bumunot si Lito Lapid.  Naalala mo lang nang huli kang bumili ng Lacoste na black polo shirt, nag-away kayo ng misis mo kasi kinapos ang padala mo sa Pinas. Gusto mo ng World War III? Huwag na muna, may susunod pa namang mga sahod,  pakunswelo mo sa sarili. At saka aanhin mo naman yan dito? Wala ka namang mapagyayabangan sa office kasi puro mayroon sila n’yan. Sapatos? May safety shoes ka pa naman na ginagamit sa site.

Bigla mo naalala ang oras! Naku, mag aalas onse na! Baka magsarado na money exchange! Takbo ka kaagad sa labas at nagmamadaling hinanap mo ito. Bwakang!  Ang haba ng pila! Nakalimutan mo na katapusan nga pala ngayon, suweldo! Patay hindi ka na yata  aabot.

Buti na lang napakiusapan mo ang teller na pinay kasi last customer ka na. Sinabi mong kailangan lang makarating within 3 days ang pera kasi tuition ng panganay mo. Pumayag naman at laking pasalamat mo.

Nang makalabas ka nang mall, saka mo naalala hind ka pala nakapagmiryenda. Pero nawala lahat ang gutom at pagod sa pagsa-‘shopping’ mo nang makapagpadala ka. At habang naglalakad pauwi tinawagan mo pa misis mo kahit alam mong madaling araw na sa Pinas para lang sabihing nakapagpadala ka na. Nakaramdam ka ng satisfaction.

Saka mo ulit naramdaman ang gutom. Dumaan ka sa maliit na grocery ni Hakeem sa tapat ng building n’yo. Humablot ng 6 na pirasong pancit canton, kalahating dosenang itlog at dalawang balot ng tuyo. Sinamahan mo na rin ng kamatis (para may variety ang pagluto ng itlog)  at skyflakes  pambaon sa miryenda sa opis.  Nagmamadali ka nang umakyat bitbit ang isang manipis na plastic ng pinamili mo.

 O kuya, musta shopping mo? Oy,  Dami mo pinamili ah! May branch na pala ngayon si Hakeem sa mall?

Utot!

 

About necessary_evil

The fact that no one understands you does not make you an artist! You can visit my website: http://retroandsoul.wordpress.com/ and my Facebook page Retro and Soul : https://www.facebook.com/retroandsoul?ref=hl