Nang Magliwanag ang Langit Ni Anna (The Blind Karen Carpenter )

Paano ba masisilayan ang kagandahan ng mundo kung madilim ang iyong paligid at wala kang nakikita?
Paano masasabing mayroon  magandang pag-asa na naghihintay kung nakasadlak ka pa rin sa kahirapan?

May nabasa akong magandang linya sa librong, “The Little Prince” ni Antoine de Saint Exupery na . . .

It is only with the heart that one can see rightly, what is essential is invisible to the eye.

Maraming  mahalagang bagay daw sa mundo tulad ng – pag-ibig, kasiyahan, katapatan, pagkakaibigan, katatagan ng loob, pagmamahal sa kapwa at sa Diyos –  na ang tunay na kahulugan nito ay hindi laging nakikita ng tama ng ating mga mata kundi ng puso lang. Marahil, ang mata ay kadalasang nagkakaroon ng maling interpretasyon.

Naalala ko pa ang magandang tanong sa preliminary job interview ng isang BPO  company, “If you were born blind , how would you describe the color blue to a person? Matagal kong  pinagisipan ang mahirap  na tanong . Ang sagot ko ay, “Since I haven’t seen the blue color in my life, I can only describe it through my feelings and emotions. It may be  like a joyful flight of a bird, a soft wind on my face and the cold, gentle waves of the ocean.” Sinundan ito ng isa pang tanong, “And how would you really know that blue is a kind of emotion? Because I can relate blue as to how Rhythm and Blues came about through gospel music and i love R&B. I may be blind but I can appreciate the soul of the music when I hear it.”

Maihahalintulad ko yan sa magandang kuwento ni Anna Guzmo.

Ipinanganak na isang bulag, siya ay isang mang-aawit sa mga palengke at restawran na hangad ay makapagbigay ng simpleng saya sa tao at maibahagi ang talento niya. Ito ang puhunan niya para siya ay kumita ng pera sa malinis na paraan. Naniniwala siya na hindi ito uri ng pagpapalimos dahil ginagamit niya sa maayos ang talentong ibinigay ng Diyos. Bagamat bulag ay hindi ito naging hadlang  dahil nadarama niya mula sa puso ang kagandahan ng kanta na nagbibigay sa kanya ng pag-asa.

Pero hindi lang siya basta isang bulag na magaling kumanta, dahil bukod sa magandang tinig ay kaboses pa niya ang sikat at yumao na mangaawit sa Estados Unidos noong dekada 70s na si Karen Carpenter. Taong 2013 nang nadiskubre siya habang kumakanta sa Pasig Public Market – kasama ng kanyang asawang bulag din tulad niya na si Nante na siyang naggigitara para sa kanya. Isang lalaking nakikinig ang natuwa sa pamilyar na malasutlang tinig na wari bang naghehele sayo sa gitna ng katanghalian.  Kinuhanan sya ng video at inaupload ito sa You Tube. Kasalukuyang inaawit niya noon ang kantang . . .

“You are the one who makes me happy
When everything else turns to grey . . . “

Naalala mo ba ang kantang You ng The Carpenters? Mga linyang nagsasabi kung gaano kahalaga ang isang taong malapit sa puso mo. Mala-sentimental na ekspresyon ng isang damdaming nagmamahal na naging paborito nating kantahinng mga Pilipino sa mga videoke bars at mga family gatherings.

Nag-viral ang naturang video ni Anna.

At dahil sa paghanga ng mga netizens ay nakarating ang kanyang video sa Unang Hirit hanggang sa maimbitahan sa ibat ibang shows.  At doon na nagsimula na siya ay makilala hanggang sa magkaroon ng mga guest stints sa TV.

Nakatulong sa kanya ang pagkakataon na siya ay makilala sa larangan ng musika na kahit sa panaginip ay hindi niya inaasahan lalo na sa isang tulad niya na may kapansanan. Naging inspirasyon  ang kanyang asawa at mga anak upang ipagpatuloy ang pagkanta upang makaahon sila sa kahirapan. Nagkaroon sila ng kaunting pag-asa na matupad ang mga pangarap nila. Pakiwari ba ay muling sumilip ang haring araw sa likod ng madilim na ulap. Unti-unti na sanang lumiliwanag ang paligid sa kabila ng pagiging bulag . . . pero may mga mabibigat na bagay talaga sa mundo na hindi maihanap ng kasagutan na dumarating na lang ng hindi mo inaasahan.

Nalaman ng asawa na si Anna ay nasa stage 2 ng kanyang sakit na breast cancer. Isa na namang malaking dagok para sa pamilya lalo pa’t pareho silang bulag na mag-asawa at may mga anak pang umaasa. Naihanap naman nila ng agarang solusyon sa tulong na rin ng mga taong nagmalasakit sa kanya na maalis ang kanang dibdib para di na kumalat pa. Dahil  naagapan ang pagkalat nito , ngayon ay maaring sabihin na maayos na siya pero alam natin na ang kanser ay isang traydor na sakit at may posibilidad na ito’y bumalik pa.

Ibinabahagi ko ang kuwento ni Anna dahil bilang isang babae rin na  sumusuporta sa proyekto at adbokasiya ng Think Pink isang Breast Cancer Awareness group dito sa Gitnang Silangan –  malaking bagay na maagang malaman ang mga sintomas ng sakit sa pamamagitan ng regular na “breast self-examination” o (BSE) para ma-detect agad ang anumang mga pagbabago sa katawan.

Ang buong buwan ng Oktubre ay isang paggunita sa kahalagahan ng wastong kaalaman tungkol sa sakit na ito.  Si Anna ay isang inspirasyon ko sa mga kababaihang nawawalan na ng pag-asa sa buhay dahil kung siya na may kapansanan at nagkaroon pa ng matinding sakit ay nakakakita pa rin ng liwanag sa kanyang madilim na mundo, tayo pa kaya na walang kapansanan o sakit na tulad niya ang hindi? Hinangaan ko ang katatagan niya ng loob na lumaban sa mga hamon ng buhay.  Salamat na lang sa pag-viral ng kanyang video , siguro ito na rin ang naging daan para siya ay matulungan.

Sa ngayon patuloy pa rin ang kanilang pagkanta sa palengke man o sa mga music bar and restaurants. Nagkaroon na si Anna ng Benefit mini-concerts for the Blind kasama ng kapwa niyang PWDs o People with Disability upang patunayan na sa kabila ng kapansanan ay maari pa ring maibahagi ang anumang talento na binigay ng Diyos dahil alam niyang merong itong magandang dahilan.

Buo pa rin ang  paniniwala at pag-asa ni Anna na sa kabila ng madilim na ulap na bumabalot sa kapaligiran ay umaasang magpatuloy na magliwanag ang langit para sa kanilang munting pamilya at kinabukasan.

Halika at pakinggan natin kung paano siya nagsimula.  🙂

video courtesy of Angel Siawingco

video source: ABS CBN NEWS/You Tube

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.