Nang Maging Call Center Agent Ako, Aking Napagtanto (Part 4 Of 4)

Call Center Agent (Photo Credit: 123rf.com)
Call Center Agent (Photo Credit: 123rf.com)

Minsan nga, kamuntik na rin akong madali ng isang holdaper habang nakasakay ako sa jeep. Kaya nang nakatunog na ako, dali-dali akong bumaba at lumipat ng masasakyan.

Mahirap na, ayaw kong umuwi nang luhaan. Nabalitaan ko din na yung isang officemate ko ay na holdap sa Baclaran. Lumaban siya sa holdaper, hindi niya inisip ang panganib na puwedeng mangyari sa kanya. Ayaw niyang makuha yung bag niya, dahil dala niya pala yung mini slr camera niya na kabibili palang gamit ang kanyang credit card. Dahil nga sa pinaglaban niya ito, hindi nagdalawang-isip ang holdaper na saksakin ito. Nagtamo siya ng saksak sa kanyang palad. Pumasok siya sa opisina na may puting bendaheng nakalapat sa kanyang mga palad para mapigilan ang patuloy na pagdaloy ng dugo.

 Ang hirap palang makipagsabayan sa gabi. Ang hirap palang magtrabaho sa ilalim ng liwanag ng buwan. Hindi mo alam kung anong banta ang naghihintay sa ‘yo. Hindi mo alam kung sisikatan ka pa ng araw kinabukasan pag-uwi mo. Sana hindi na lang na uso ang call center sa Pilipinas. Wala sanang ordinaryong manggagawa ang napapahamak; wala sanang kumpanyang nilooban sa dis-oras ng gabi na may nadamay na empleyado. Pero wala naman tayong magagawa kung hindi ibayong ingat sa ating sarili. Dahil aminin natin sa ating sarili na maraming Pilipino ang nagkaroon ng trabaho dahil sa naglalakihang call center companies na umuusbong sa ating bansa.

Sa call center ako natuto kung paano manigarilyo. Noong una, patago ko lang itong ginagawa at hindi nagtagal nakisama na din ako sa iba pang officemate ko na naninigarilyo sa smoking area.

Minsan, bago sumibol ang araw sa ilalim ng alapaap, nagkakayayaan kaming magkakatrabaho na mag-inuman pagkatapos ng aming shift. Dito ko naranasan malasing ng umaga. Ang sakit pala sa mata kapag lumabas ka sa videoke bar oh disco bar na may liwanang na. Hindi ko rin namalayan na lumobo na pala ang aking katawan. Hindi ko pa ito mapapansin kung walang nakapuna sa akin. Kaya minsan, hindi ako kumakain ng kanin sa office para kahit papaano ay mapanatili ko ang aking katawan.

Halos dalawa’t kalahating taon na rin ako sa ganitong industriya. Kabisado na ang lahat ng ginagawa. Minsan nga, nakahigang bahagya na lamang ako at nakapikit na nakikipag-usap  sa kabilang linya. Nahuhuling natutulog habang nakasuot ang headset sa aking ulo. Pumipitik minsan dahil tinatamad magtrabaho.

 “Pilipinas daungang pampaliparan, ito po si “Kelvin”, ano po’ng maitutulong ko sa inyo.”

Ang walang kamatayang pambungad-bati namin sa bawat matatanggap na tawag. Nakasasawa, paulit- ulit lang. Minsan nga, parang nilalaro ko na lang ang bawat linya na aking binibigkas, pinapaikot sa paulit-ulit na salitang aking binibitawan. Para kang nakakulong sa mundong iisa lang ang ginagalawan, nakapapagod.

 Noong una, sabik na sabik akong magtrabaho. Sabik na sabik na makatanggap ng unang suweldo. Pero habang tumatagal, parang walang nangyayari. Parang wala akong mararating kung magtatagal ako dito.  Halos hindi nga tugma ang propesyong pinili ko sa kursong natapos ko.

Minsan isang umaga, gumigising ako nang may malaking tanong sa aking isipan, ano kayang katayuan ko ngayon kung sinundan ko ang kursong natapos ko? Mayaman na kaya ako? May bahay at lupa na kaya ako? May sasakyan na kaya ako?

Paulit-ulit lang ang aking ginagawa, kahit minsan nakasasawa, kahit hindi kalakihan ang natatamasang suweldo, busog naman ako sa mga kaibigan na nasa paligid ko. Alam kong masaya ako sa trabahong pinili ko. Siguro dahil sa mga taong nakasasalamuha ko. Nagtatawanan, naghaharutan, nagkakaasaran, minsan nagkakapikunan, pero lilipas ang araw na parang wala lang.

Hindi ko alam kung hanggang kailan ako magtatagal sa pagiging isang call center agent. Hindi ko alam kung tama pa ba’ng nandito pa ako. Hindi ko din alam kung bakit pa ako nagtatagal dito. Basta hanggang masaya ako sa ginagawa ko at sa paligid na ginagalawan ko, mananatili ako dito hanggang kaya ko. Kahit ilang beses nilang paikutin ang oras ng pasok ko. Kahit walang matinong schedule sa ganitong uri ng trabaho. Kakayanin ko, dahil masaya ako dito.

2 Comments

  1. Welcome! That’s the reality ng Trabaho. Tiisan Lang hangang kaya mo. One day, you will know where to go. Save up for the rainy day.

Leave a Reply

Your email address will not be published.