Nancy Binay: Ano ngayon kung maitim siya?

nancy-binayMga kababayan, tigilan na natin ang kalokohang ito. Napagtanto kong hindi na tama at sobra na ang panlalait n’yo kay Senadora NANCY BINAY.

Kahit ano mang anomalya o issue na kinasasangkutan ng pamilya nila, hindi pa rin natin maiaalis ang katotohanan na tao din siya at may damdamin din na nasasaktan. Ibigay natin sa kanya ang respeto bilang tao.

Napansin ko kasi at nababasa ang mga panlalait na ginagawa natin sa pamilya nila na sumosobra na lalo na kay Nancy.

Ano na ang nangyari sa pinaniniwalaan natin na, “BLACK IS BEAUTIFUL.”

Bakit nilalait natin ang kulay ni Nancy? Bakit tila ginagawang katatawanan ang pagiging maitim niya? Naisip n’yo ba na nagiging mapanghusga na tayo at sumosobra na ang panghahamak natin sa kanya?

Higit sa lahat hindi lang naman si Nancy o pamilya Binay ang may kulay na maitim o kayumanggi sa Pilipinas. Kaya sa bawat panlalait na binibitaw natin sa kanya, sa bawat pagsabi o pagtawag sa kanya na baluga, kulay uling o aeta, may mga iba tayong kababayan na natatamaan.

Huwag naman natin iparamdam sa kapwa natin Filipino na dahil sa kulay nila ay wala na silang puwang sa mundo.

Damang-dama ko na talaga na sumosobra na tayo sa panlalait kay Nancy Binay.  Huwag naman natin husgahan ang tao dahil sa kulay nito. Alalahanin sana natin na ang totoong kulay ng Pinoy ay kayumanggi. Kaya si Nancy at ang pamilya nito ay simbolo ng tunay na Pilipino.

Kaya tigilan na ang panlalait sa kanyang kulay.

Sana makita at maramdaman natin ang salitang “Sobra.”

Turuan sana natin ang sarili na magbato ng salita sa kapwa natin nang hindi nakakasakit. Maghunos-dili at mag hinay-hinay. Baka sa sobrang panlalait mo sa kulay niya, magkaanak ka rin ng kasing itim o mas maitim pa sa kanya.

Ngayon itatanong ko sa ‘yo. Gusto mo ba na laitin ang magiging anak mo kung sakali? Nakasisiguro ako na hindi ang sagot mo dahil ayaw mo rin ng ganun, ‘di ba? Ayaw mo ng nilalait.

Aaminin ko makailang beses ko na rin na nasabi sa mga comment dito sa Facebook ang mga katagang “Ang itim nga ni Nancy.”

Pero pagkatapos nun napagtanto ko na oppps…parang may mali.

May parte sa isip ko na nagsasabi na mali nga na laitin siya sa kulay niya.

Kasi kulay niya ‘yan, balat niya ‘yan, ganyan siya ipinanganak.

Naalala ko noong bata ako na bilad ako sa araw at sa lahat ng magkakapatid, ako ang pinakamaitim.

Marami ang nagsasabi na “Ang itim mo, bakit ang ate mo ang puti-puti”

May mga nagsabi pa nga sa akin na

“Mas maganda ka sa ate mo kaya lang ang itim mo. “

Dahil sa mga pagkukumpara nila sa akin at sa ate ko, nagkaroon ako ng feeling na sana maputi rin ako.  May time na ayokona nang magbilad sa araw dahil ayokong umitim. Lumaki ako na nangangarap na maging kasing puti ng mga kapatid ko. Dahil naranasan kong maikumpara at masabihan ng maitim. Kaya nakatatak sa isip ko na hindi dapat ginagawang biro ang kung ano mang kulay ng isang tao.

Kung maputi ka at maitim siya, okay, fine, makuntento ka at magpasalamat sa kulay mo.

Kaya’t hinihimok ko ang lahat, lalo na ang mga mapanglait diyan na tigilan na, huwag na natin laitin ang kapwa natin.

Sobra na talaga, kaya tama na ang panlalait kay Nancy Binay.

About mjsweetiecarreon

My writings are filled with angst. Deep emotions and a wild imagination are a source of creativity. It is powerful and consuming. I like to entertain people through my stories. Life is one colorful rollercoaster ride . http://www.facebook.com/maryjoy.carreon.9