Nakisabay Sa Kabataan: Isang Feeling Bata Mula Sa Nakaraan

Photo credit to www.drlibby.com
Photo credit to www.drlibby.com
Photo credit to www.drlibby.com

 

Maraming mga kabataan ngayon ay halos pinupuno ang kanilang timeline ng sari-saring larawan: barkada, kaklase, selfie at manaka-naka nanay, tatay o kapatid.  Ganun talaga . . . kaya lang seguro ako naiinis ay dahil na rin sa edad ko.  Wala kasi kaming mga social networking sites at syempre wala kaming mga salitang produkto ng internet at teknolohiya.

Pwede kong sabihin na mas maswerte kami noon dahil mas simple ang buhay.  Mas personal ang usapan dahil harapan.  Hindi pa ganun ka-addictive ang mga gadgets at lalong derecho pa ang spelling ng mga salitang sinusulat sa papel at mga birthday cards.  Ngayon wala na yung mga pila sa post office. Halos wala nang silbi ang mga mail boxes.  Napalitan ng mga e-mail, inbox; hindi lang sa cellphone pati na rin sa mga iba’t ibang online account.

Sa isang banda, naging mas madali ang komunikasyon at nagkaroon ng  kultura na nasa internet at sa text nakapaloob.  May kabutihan at meron ding di maganda. Pero isang bagay lang ang tiyak — “ang mga tao, ang mga Pilipino” — ganun pa rin sila.

Sana lang talaga ay magkaroon pa tayo ng panahon na langhapin ang natitirang samyo ng mga bulaklak sa mga nalalabi pang hardin sa paligid natin.  Hindi mga bulaklak sa desktop wallpaper kundi tunay na mga bulaklak na nakatanim sa lupa . . . dinilig ng ulan at pinaganda ng araw.  Wag sana tayong makalimot na ang cyber world ay artipisyal lamang . . . gawa ng mga malikhaing siyentipiko at higit sa lahat nababahiran ng mga kanluraning mga pagpapahalaga na madalas nasasagap natin dyan sa media.

Ang generation gap ay lalong lumalaki at ang tanging tugon ng mga nakakatanda tulad ko ay ang pag-iling ng ulo at ngumanga . . . sana lang dahil sa paghanga sa modernong gamit, gadget at teknolohiya.  Pero kung susuriing mabuti.  Ako rin sila . . . tayo rin sila . . . nung tayo’y mga bata . . . at kung medyo nahuli pa ng isa o dalawang dekada ang pagsilang natin ay ganun din tayo tulad nilang kabataan ngayon na nahuhumaling sa mga smartphones, tablets, notebooks, atbp.

Pero teka, nagta-type ako dito sa blog na ito, eh di ibig sabihin marunong din akong gumamit nito kahit papaano.  Yun lang. Medyo nakasabay ako ng kaunti . . . at dahil dito nagagamit ko itong media na ito na sinusuri at sinasalamin ko para makahanap ng kahulugan . . . at makakita ng mas malalim na kaisipan na inanod na ng napakalaking karagatan nitong world wide web.

Sa isang banda, hindi pa ako ganun katanda.

About garvie

I teach Psychology and Social Sciences. I would like to consider myself as a contemplative activist. I'm very much into socio-political advocacy, holistic health and spirituality . . . and of course, reading & writing.