Nakatagong Puta

(Photo Credit: thegoodwifekc.wordpress.com)
(Photo Credit: thegoodwifekc.wordpress.com)
(Photo Credit: thegoodwifekc.wordpress.com)

Isa akong kabit! Isinisigaw ko nang pabulong na isa akong kabit.

Patago ko lamang maisisiwalat na isa akong kabit. Walang sinuman ang maaaring makaalam na ako ay kabit. Alam ko na ako ay mayuyurakan ng mapanghusgang mata ng bawat nilalang.

Ako ay simpleng tao na ni sa panaginip hindi inakala na kahahantungan ang sitwasyon ito.

Katulad ng mga kuwentong inyong naririnig at nababasa sa mga istorya ng pakikiapid, nagsimula ang aming relasyon ni Bhe nung mga panahong siya ay malungkot at may problema sa kanyang misis. Ako rin nang mga panahong iyon ay problemado sa aking mister, opo! Pareho kaming may asawa.

Siya ang lagi kong kausap sa panahong abala ang aking asawa sa pakikipag-inuman, siya ang aking kakuwentuhan sa panahong gusto ko ng makakausap. Ako ang kanyang katawanan sa mga sandaling ang kanyang asawa ay bugnot sa dami ng problema sa trabaho, at ako ang kanyang kasama sa pamamasyal kapag ang kanyang asawa ay abala sa kanilang tahanan. Pareho kaming nangangailangan ng atensyon ng aming mga asawa.

Noong una ay walang malisya sa amin ang lahat. Dahil sa kami ay magkaibigan at parang magkapatid lamang. Ngunit kalaunan, unti-unting nahuhulog ang aming mga kalooban. Sa mga sandaling kami ay magkasama at magkausap, may lambing at pagmamahal na ang aming mga tugon sa isa’t isa. Ang dapat na pag-aasikaso kong ginagawa sa aking asawa ay sa kanya ko naibibigay. Ang mga pag-aalaga ni Bhe sa kanyang asawa ay sa akin napunta.

Alam kong mali, pero hanggang hindi pa kami umaabot sa pagtatalik, alam kong wala pa kaming ginagawang masama.

Sa bawat paglipas ng araw, ang pagmamahal ko sa kanila ay parang bulaklak. Ang bulaklak pag diniligan at inalagaan ito ay mamumukadkad, ngunit kapag ito ay pinabayaan ito ay malalanta at mamamatay.

Dahil sa alab ng aming pagmamahalan sa isa’t isa ay humantong kami sa hindi namin dapat ginawa. Mainit, mapusok, maalab ang aming pagmamahalan. Ang lungkot ay napawi. Ang paghahanap sa kakulangan ay naging sapat. Ngunit sa bawat pagniniig, sa bawat hagod at sarap ay paghabol naman ng konsensya ang katapat.

Bilang babae, alam ko ang sakit ng pagtaksilan ng mahal. At bilang asawa, alam ko na madudurog ang puso ng aking asawa kapag nalaman niya ito. Alam ko ang maaari nitong kahantungan. Pinilit kong kumawala sa aming bawal na relasyon ngunit ang hirap lumabas.

Sinabihan ko siyang ayusin na lamang namin ang aming relasyon sa kanya-kanya naming asawa. Sa bawat pagtatangka kong kumawala, lalo lang kaming napapalapit sa isa’t isa.

Nangangarap kami na sana isang araw kami na lamang ang magkasama, sana kaming dalawa na lang ang naging mag-asawa. Ngunit alam naming malabong mangyari ang aming pangarap at ito ay magiging panaginip na lamang. Kahit mahal namin ang isa’t isa, mahal din namin ang aming pamilya, hindi namin nanaisin na ang aming asawa’t anak ang magkaproblema. Hindi naming kakayaning magkaroon ng gulo kaya ang aming relasyon ay tikom.

Isa akong duwag. Duwag sa katotohanan, duwag sa pagtanggap. Duwag sa paroroonan. Patawarin po sana ako, kami ng Panginoon at bigyan Niya sana ako ng lakas ng loob na gawin ang mga nararapat gawin.

Isinisigaw ko nang pabulong na isa akong kabit! Sinisiwalat ko ng patago na isa akong kabit dahil kailanman o kahit kanino man ay hindi ko ito maipaaalam.

2 Comments

  1. Tutuo na: ang magandang pagtitinginan ay humahantong sa isang gawa na alam na bawal, pero dahil nga mahina ang laman kaya nagagawa ang di dapat. Pag nangyari ito, konsensiya naman ang kalaban, at ang konsiya ay sumisigaw ng “isa akong kabit”. Payo: ang tukso ay hindi masama. Pero pag suma-ayon sa tukso–ito ang masama. Maiiwasan ba ang tukso? Oo naman. “O tukso layuan mo ako”, sabi ng isang awit. Ang tama ay: “o tukso lalayuan kita”.

Leave a Reply

Your email address will not be published.