Nais mo pa bang maranasan ang isa pang Yolanda?

Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang nakapaloob sa Pacific Ring of Fire, ibig sabihin ay lapitin ito ng mga bagyo at lindol. Ang mundo ay natural na gumagalaw kaya’t normal lamang ang pagkakaroon ng mga bagyo at lindol sa ating bansa ngunit sa tuwing tumatama ito sa anyong lupa ng Pilipinas, nagaganap ang mga sakuna o disaster dahil sa kawalan at kakulangan sa kahandaan at kahinaan ng mga tao sa pagharap sa ganitong mga klase ng kalamidad. Ayon sa isang artikulo mula sa National Geographic, ang mga pangunahing rason kung bakit lapitin sa sakuna o disaster ang bansa ay dahil sa mga sumusunod: temperatura ng karagatan (warm ocean waters), pagtatayo ng bahay sa dalampasigan (coastal homes), ring of fire, pagkaubos ng mga puno (deforestation) at mabagal na pag-unlad (underdevelopment).1 (Isinalin sa wikang Filipino)

Mula sa aking mahigit kumulang tatlong taong karanasan sa linya ng development work, aking napansin na may pattern na ma-oobserbahan ang kalagayan ng ating bansa. Pangkaraniwan, may dalawapung bagyo na tumatama sa Pilipinas kada taon ngunit ang pinakamapaminsala ay dumarating tuwing buwan ng Setyembre hanggang Disyembre. Ako’y nagbasa pa ukol rito at natuklasang ito ay kalimitan ng nangyayari mula pa taong 2006. Ito ang tala ng mga nagdaang mapaminsalang bagyo sa nakalipas na anim na taon: Frank (2008), Ondoy/ Pepeng (2009), Juan (2010), Pedring/Sendong (2011), Pablo (2012) at ang pinakabago, Yolanda (2013).

Ito ay malinaw na nangyayari kaya’t nakapagtataka bakit hindi pa rin tayo ganap na matatag at matibay o resilient. Oo, taon-taon ito’y tumatama sa iba’t-ibang lugar ngunit dapat man lang ay nakapagtatag na tayo ng mas matiwasay na sistema sa pagharap sa ganitong mga kaganapan. Matagal na nating alam na tayo’y lapitin sa sakuna subalit hindi pa rin naitatayo ang katatagan at katibayan o resiliency ng bansang ito, sa konteksto kung saan ang resiliency ay itinuturing na kapasidad sa pagharap sa delikado at mapaminsalang sitwasyon na hindi nawawala ang maraming buhay at agarang pagbalik sa normal na ikot ng buhay.

Isa sa mga susi ay ang kahandaan. Ang teknolohiya/ kaalaman na ito ay kamakailan lang na ibinabahagi sa mga Pilipino. Kritikal ang pagkakaroon ng matinding koordinasyon sa pagitan ng Lokal na Pamahalaan mula sa lebel ng lungsod/munisipyo hanggang barangay, Civil Society Organizations (Non-Government Organizations at People’s Organizations) hanggang sa taumbayan mismo upang makabuo ng isang plano o Community-Based Disaster Risk Reduction (CBDRRM) Plan. Ito ay posibleng matupad at sa katunayan ay mayroon ng mga matagumpay na komunidad ang nakapagsasagawa nito. (Tumungo sa www.cdp.org.ph para sa mas malawak na impormasyon ukol sa CBDRRM)

Hindi tayo nakakasigurado kung kailan darating at saan muling hahagupit ang kalamidad, kaya’t mas mainam ng maging handa, mas mabuting mamuhunan sa pagpa-plano kaysa muling magsakripisyo ng libo-libong buhay. Ang paniniwala na relief at rehabilitation lamang ang natatanging pamamaraan upang harapin ang sakuna o disaster ay dapat ng ibaling sa kahandaan at pagpapababa ng risgo o preparedness and risk reduction.

Kung titignan sa ibang perspektibo, ang relief ay isang akto ng kabayanihan. Bilang isa sa mga bansang may matinding pagpapahalaga sa kultura, kung saan ang pulitika ay mai-uugnay sa halos lahat ng aspeto ng buhay at kung saan ang mga tao ay madaling maimpluwensyahan, media bilang isang pamamaraan. Ito’y mas pabor sa maraming opisyal, pagkakataon ito upang magkaroon ng karagdagang katanyagan at kasikatan.

Nararapat lang na tayo’y maging maagap, maaaring hindi si Yolanda ang pinakahuling mapanirang bagyo na tatama sa Pilipinas lalo na’t hindi na bumubuti ang kondisyon ng ating kalikasan. Ito’y nag-uugat kung paano natin tina-trato si Inang Kalikasan, kung paano tayo naging abusado at lapastangan bilang tao sa ating likas na yaman. Sinimulan natin ito at kailangan nating tanggapin na ito’y bumabalik lamang din sa atin. Kailangan nating kumilos ngayon, hindi kung kailan na tayo’y gulantang na naman sa katotohanang nawalan tayo ng mga pag-aari o mga mahal sa buhay.

Saan tayo nagkukulang?

(1) Isang institusyon o ahensya na tututok at magiging responsable sa buong proseso ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM), mula sa preparedness hanggang sa relief at rehabilitation. Sa kasalukuyan, ito’y nahahati sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno kaya’t nagiging isang malaking hamon ang pagtatatag ng mananagot sa sistema ng epektibong pagmomonitor sa prosesong ito.

(2)    Eksperto sa DRRM na maaaring makapagtayo ng structure at sistemang sasaklaw sa isang malawakan o nationwide na perspektibo.

(3)    Bukas na isipan at kamalayan sa kahandaan o preparedness at mitigation mula sa mga lider hanggang sa taumbayan.

(4)    At ang pinakahuli ay ang pagbabalik sa kalikasan. Hindi man ito naa-ayon dahil tayo ay nasa modernong panahon na ngunit kailangan nating ipanumbalik ang pagmamahal sa kalikasan, magtanim ng puno, bawasan ang basura at magkaroon ng kahit konting pakialam sa pangangalaga sa kalikasan.

Nangangarap at umaasa akong darating ang panahon na ang Pilipinas ay may sapat ng kakayahan at kahandaan upang humarap sa mga sakuna; at kalaunan ay magiging tanyag at makikilala sa buong mundo bilang isang matibay at matatag na bansa na tila ba isang kawayan na patuloy na nakatindig kahit ano pang pagsubok o delubyo ang kakaharapin.

December 16, 2013

1(Refer to http://news.nationalgeographic.com/news/2013/11/131111-philippines-dangers-haiyan-yolanda-death-toll-rises/#close-modal)

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.