Nagtulak… Nalulong… Sana Makabangon!

(Photo Credit: Flickr)
(Photo Credit:  Flickr)
(Photo Credit: Flickr)

May kanya-kanya kaming matatag na trabaho. Sa gabi lamang kami nagkikita at kung minsan ay hindi pa nagkakausap…

Akala ko ayos lang sa kanya, akala ko okay lang siya sa ganoon sitwasyon. May mga bagay kami na malimit pagtalunan na kung minsan kahit walang kuwenta ay aming napag-aawayan…

Akala ko normal lang ‘yun, akala ko sanay na kami sa ganoon.

Kawalan ng oras sa pamilya, malimit na pag-aaway at magulong pagsasama—‘ yan ang nagtulak sa aking asawa upang siya ay matutong gumamit ng pinagbabawal na gamot.

Hindi ko ito namalayan. Huli na nang ito ay aking malaman.

Naging takbuhan niya ang kanyang barkadang kunwari ay nagmamalasakit sa kanya, kumakanlong at nagpapayo, ngunit sa kabilang dako ay nilulubog siya sa panandaliang pagkalimot na may panghabambuhay na lamat at pilat.

Sa ganitong sitwasyon, napagtanto ko na ako man ay lulong.

Naging maluwag ako sa kanya.

Pinabayaan ko siya na magsasasama sa barkada dahil ako rin ay naghanap ng sarili kong buhay sa labas ng aming tahanan.  Masaya, masarap sa pakiramdam, nakalilibang at nakawawala ng problema ang nadarama ko noong ako ay lulong na lulong sa bawal.

Habang ang asawa ko ay nasa alapaap at lumulutang. Ako din ay nakakalasap ng sarap at ligaya.

Habang ang mga usok na kanyang hinihithit ay sumusuot sa kanyang sistema na nagpapamanhid sa sakit at lungkot na kanyang nadarama. Sa isang malamig at madilim na silid naman ako ay nagpapakalunod sa nagbabagang langit.    

Nagpakalulong kami pareho sa aming bisyong aming kinasadlakan. Masarap, masaya nakawawala ng problema, pero sabi nga ito ay panandalian lamang.

Dahil sa bisyong aming kinaadikan, marami ang naapektuhan. Nasira nang tuluyan ang aming pamilya, nawalan kami ng kabuhayan at pati pangkalusugan at pangangatawan namin ay napabayaan. Nagkapatong-patong na ang mga problema sa aming buhay. Ang sarap ay napalitan ng sakit. Ang saya ay naging lungkot. Ang langit ay naging impiyerno.

Totoo ang kasabihang “sa bisyo, madaling pumasok ngunit mahirap lumabas” at “hindi maitatama ng isang pagkakamali ng isa pang pagkakamali”

Mahirap kumawala sa bisyong hinahanap-hanap na ng sistema, pagkatao at ng puso mo. Pero God is good. Bago pa man kami tuluyang masunog sa paggisa namin sa sarili naming mantika, tila may kung anong elemento ang nagbuhat sa amin upang matagpuan naming muli ang mga aming sarili.

Nagpasya kaming muling magsama at magkaayos para sa aming nag-iisang anak na napabayaan at naging kaawaawa noong mga panahong kami ay nagpapakasasa sa aming bisyo.

Hindi naging madali ang proseso ng aming paghilom. May pagkakataong nahuhuli ko siyang sumisimple sa loob ng kasilyas. Kapag may ganoong sitwasyon, parang nakadarama ako ng pagpupuyos at paghihiganti kaya ako man ay bumabalik-balik sa aking bisyo. Nakakasawa ang pailit-ulit. Nakapapagod na ang pabalik-balik. Pero kami ay isa nang matatawag na adik sa aming mga bisyo.

Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang minsan ay umuwi akong umiiyak ang aming anak (naiwan siyang mag-isa sa aming bahay). Niyakap niya ako  at nagsabi, “Mommy, kailangan ko kayo ni Daddy”

Kailangan nang gumawa ng tamang hakbang, hindi kami matitigil kung hindi namin tutulungan ang aming sarili. Kinausap ko siya nang masinsinan at napagpasyahan naming lisanin ang aming lugar upang malayo sa anumang tukso.

Sa ngayon, kami ay nasa ibayong dagat at unti-unting bumabangon. Para sa kinabukasan ng aming anak, pilit kaming nagbabago at sa tulong ng ating Diyos kami ay nagsisikap tumayo mula sa aming pagkakadapa.

Sa tuwing kami ay makadarama ng lungkot, pagkabagot o tukso, pinapaalalahan namin ang isa’t isa na ang Diyos ay laging nasa tabi natin. Siya dapat ang sentro ng ating buhay.  Ang anak ay regalo ng Diyos na dapat alagaan at mahalin. Unawain ang pagkukulang ng bawat isa. At higit sa lahat, magmahalan nang tapat at wagas.

 

Photo by erix!

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.