Nagsusulat Upang IIabas ang Nararamdaman.

Writing for Release (Photo Credit: Howtowritepressrelease.net)
Writing for Release (Photo Credit: Howtowritepressrelease.net)

Laking pasasalamat ko sa Panginoon dahil binigyan niya ako ng talento sa pagsusulat. Sa paraang ito ko lamang kayang ipahayag ang aking nararamdaman.

Writing for Release  (Photo Credit:  Howtowritepressrelease.net)
Writing for Release (Photo Credit: Howtowritepressrelease.net)

Aaminin ko, hindi ako sanay magsulat sa wikang Filipino. Kinailangan ko pa ngang gumamit ng English-tagalog diksyunaryo upang magamit ang mga tamang salita. Hindi ko rin alam kung kailan dapat ginagamit ang salitang ‘lamang’ at ‘lang.’ Nakakahiya. Pinoy pa naman akong naturingan. Pero bakit nga ba sumagi sa isip kong gamitin ang sariling wika upang ihayag ang aking mga saloobin? Nabibigyan ng wikang Filipino ng laman at substansya ang aking mga nararamdaman. Nagkakakulay kumbaga. Masasabi ko rin na kung gaano kahirap i-sulat lahat ng ito sa wikang kinagisnan ko, ganoon din kahirap intindihin kung anong nararamdaman ko.

Masaya ako sa buhay ko ngayon. Napaka aming nangyayaring maganda at masaya. Alam ko kung saan ako pupunta, alam ko kung saan ang aking destinasyon. Alam kong papunta na ako sa tiyak at tamang kasiyahan. Tama ba kamo? Oo, tama. Dahil sa mahabang panahon, naging masaya naman ako;  sa maling dahilan nga lang.

Kumapit ako. Kumapit nang kumapit sa mga bagay na wala namang kasiguraduhan. Hindi ko na kayang gaguhin sarili ko eh. Ayoko na. Tama na. Pero natatakot ako. Takot na takot ako dumaan o pumunta sa mga lugar na nagkasama kami at alam kong pinupuntahan pa rin niya. Ayaw ko siyang makita. Hindi ko kaya.

Bakit? Pakiramdam ko lahat ng namuong galit at poot sa dibdib ko na inipon sa panahong hindi ko siya nakakasama ay bigla na lang maglalahong parang bula. Hindi ko alam ang tamang ikikilos at iisipin kung mangyari man iyon. Dala-dala ko pa rin kasi lahat ng pagmamahal ko para sa kanya. Hindi ko kasi kayang bitawan yun eh. Tinutulak ko lang sarili kong maramdaman ang mga negatibong bagay na ito.

Ang totoo, kahit kailan hindi ko kayang magalit sa kanya. Hinding-hindi ko siya kasusuklaman. Siya yun eh. Ang taong minahal ko. Subalit, hindi na kaya. Suko na eh. Suko ka na, diba? Kaya eto, pinag-aaralan ko nang mas mahalin at bigyan ng importansya ang salitang lagi mong pinanghahawakan – pride. Papunta na ko sa aking destinasyon.

Hindi ko masasabi na magtutuluy-tuloy ako. Hindi ko rin alam kung kaya ko na. Maaaring lumiko, maaaring mag-full stop, maaaring mag u-turn. Pero isa lang talaga ang gusto kong puntahan – yung parang dati, yung tinatawag na supreme happiness. Yung naramdaman ko bago ako natutong umibig nang tunay at yung naramdaman ko noong kami’y magkasama pa.

Kuntento na ako dati sa buhay ko. Ngayon kasi, parang may kulang. Parang nagkaroon ng napakalaking butas sa puso ko noong nagtapos ang lahat. Ewan ko ba.  Siguro nga, napakalaking sugat ang iniwan sa akin ng lahat ng ito kaya ganito. Inuulit ko, masaya ako sa buhay ko ngayon. Pero inaamin kong nararamdaman ko pa rin ang pait at sakit ng lahat paminsan-minsan. Sinasabi ko na lang sa sarili ko na, ‘Keri lang. You’ve made it this far.’

Kung sakali man na mag u-turn ako, at nandiyan ka, at handa na tayong magmahal muli, doon ko masasabi na mas mahal na kita kaysa dati. Marami pang posibleng mangyari. Ayokong maghangad. Ayokong maghangad na bumalik ka. Kaya kung sa huli, sa ‘yo pa rin ang balik ng lahat, hinding hindi na kita pakakawalan.  I’ll love you better, I swear.

Basta ngayon, gusto ko lang maging masaya nang sobra.

Hindi ko alam kung anong punto nitong pagsusulat ko. Hindi ko alam kung may sense nga ba ito. Pero sana naintindihan ninyo ang nararamdaman ko. Kung hindi man, okay lang. Di ko rin maintindihan sarili ko eh.

author:  stephpelausa

p.e./kf