Nagsimula Sa Kadamutan

Greed
(Photo Credit: solar783)
Greed
(Photo Credit: solar783)

Pagkagising ko isang umaga, narinig ko na naman na nagrereklamo ang aming kapitbahay dahil bayaran na naman ng mga bills dahil katapusan na naman ng buwan.

Hindi naman ako isang usisero, ngunit hindi lang talaga sadyang marinig iyon dahil malakas talaga yung boses nila. Bayarin daw sa tubig, kuryente, internet connection, tuition fee, atbp.

Sanay na ako sa ganitong usapan, at para sa akin ay normal lamang ito sa kahit saang bahay dito malapit sa amin, at sigurado ako na maging sa kahit anong bahay sa Pilipinas. Ngunit hindi ko maitatangging minsan ay nagtatanong din ako sa sarili ko kung bakit ganito sila, bakit ganito kami? Bakit ganito tayo?

Natapos ang diskusyon at tumahimik na naman ang kanilang tahanan. Sigurado akong hindi kaagad naresolba ang problema, pero hindi ko alam kung bakit natapos na ang usapan. Siguro nga, pinabayaan na lang nila. Bahala na.

Nang binuksan ng ama ko ang telebisyon upang manood ng balita sa umaga, sumakto iyon sa isang documentary na may paksang tungkol sa mga bata sa probinsyang hindi makapag-aral, at sa mga magulang nilang lubog sa kahirapan.

Nalungkot ako, dahil sigurado akong hindi lamang iyon sa probinsya nangyayari kundi maging dito sa lungsod. Kung may kakayahan lang sana akong paaralin lahat sila bakit hindi? Pero wala. Maging ang pamilya ko ay nakararanas din naman ng mga problema.

Iyon ang nakapagpasimula sa akin na mag-isip. Bakit nga ba ganito kami? Bakit nga ba ganoon sila? Bakit nga ba ganito ang buhay natin? Bakit ganito ang buhay ng nakararami?

Maraming batang hindi nakapag-aaral kaya’t marami ang walang trabaho, marami ang walang trabaho kaya’t marami ang mga naghihirap, marami ang naghihirap kaya’t marami ang nagugutom, maraming nagugutom kaya’t marami ang hindi tama ang nutrisyon, maraming hindi tama ang nutrisyon kaya’t marami ang nagkakasakit, maraming nagkakasakit kaya’t marami ang namamatay. Hindi ba’t tila konektado ang lahat?

Konektado ang lahat at kailangan kong malaman kung saan iyon nagsimula. Ito ang naghatid sa akin sa kasagutan na matagal ko nang hinahanap. Kadamutan. Ang pagiging ganid sa kayamanan ng bayan. Ang pag-iisip sa sarili lamang at pagbabalewala sa kalagayan ng iba. Ang paghahangad na umunlad ang sariling buhay kahit na makatapak ng iba.

Kung aking matatandaan, ibinigay ng Maylikha ang lahat na sapat para sa ating mga pangangailangan. Sapat para sa bawat isa. Hindi maitatangging maraming nasalo ang Pilipinas sa mga pagpapalang ito. Bakit na-engganyo ang mga dayuhan na sakupin tayo? Dahil napakayaman ng Pilipinas. Mayaman sa yamang lupa. Yamang tubig, mineral, at kung ano-ano pa.

Ang sabi ay may “budget” daw sa lahat ng programa para sa mahihirap dito sa bansa. Ngunit kung ibubulsa pa ng ilang mga madadamot na opisyal na madadaanan ng “budget” na ito, ano pa ang masasalo ng mga malilit at mahihinang kamay ng mga kapos nating kababayan? Para bang hinahayaan lang silang sumalo ng mga nalalaglag na pagkain sa ilalim ng mesa habang ang iba ay nagpapakabusog at kuntento sa kani-kanilang meryenda.

Hindi ko alam kung papaanong wawakasan ang tila ba cycle na ito na nagsimula sa kadamutan. Dahil kung ang isang tao ay madamot, kailangang making siya sa pagsamo ng iba, making sa suhestyon ng iba, at kusang loob na wakasan ang ganitong paguugali. Dahil kung ilang beses man tayong magsisigaw at bingi ang taong kaharap natin. Wala rin.

1 Comment

  1. Madamot nga ba? Oh baka tamad? Lagi na lang sinisisi ang mga investor o government, ahensya o kung sino man ang pwedeng sisihin, pwedeng sisihin ang magulang o kamag-anak pati na rin ang pamilya. Actually number one “challenge” of my beloved country, Philippines is the pointing fingers to somebody else. Always blaming na kasi corrupt, kasi ganid, kasi nagpapayaman?

    Isa akong anak ng labandera, tatay ko nakakulong (different story). Pagkalaya ng ama ko, pinilit makapagpatuloy ng study, hanggang makatapos at nag pastor, while mom continuing laundry services (English para sosi to hear) then my ate doing house cleaning before and after primary and secondary school, ako naman gising ng maaga para umigib ng tubig at helping fisherman during dawn para may libreng fish. We grew near seashore in cavite. Sa pagtutulungan ng whole family Nakatapos lahat kaming limang magkakapatid, Engineer may family at isang anak. I built my new house, may lupa, new car and fixed assets. Lahat yan ay blessing ni Lord dahil may takot ako sa kanya.

    Maramot o madamot nga ba? Baka tamad? Ganyan din si Eva at Adan, nagtuturuan kung sino may kasalanan.

    Sinabi ko kanina, challenge. Hindi problem, kasi kayang solusyunan yan. Don’t look to anybody or other people. They will let you down for sure. Think and do what makes your life better. Or let me say it in Tagalog, isipin mo at gawin mo kung paano mo mapapaganda ang buhay mo. Ang pag unlad ng isang tao ay nagsisimula sa sarili. Paano ka mamahalin ng kapwa mo kung ikaw mismo ay di mo mahal ang sarili mo?

    Teka, nabanggit ko ba? Sa edad kong sampu naranasan ko ang mamulot ng plastic, bote, maglako ng ice buko at ice candy, maglako ng meryenda? Sa loob ng school class may tindang candy, yema at tamarind? Nag pedicab, nung eighteen na nag tricycle, nag boy sa palengke? Yan ang experience ko makaahon lang sa kahirapan. Wala akong sinisi sa hirap ng buhay.

    Kaya dapat nating isipin: Paano ko kaya mapapaganda ang buhay ko?

Leave a Reply

Your email address will not be published.